Sa bawat pagtunog ng kubyertos, mas lalo lamang natatakot si Ana sa susunod na mangyayari. Nasa harap sila ngayon ng hapag-kainan ngunit ni isa sa kanila ay hindi nagsasalita, liban na lang sa kung tinatawag ang mga kasambahay para kunin ito at kunin 'yan.
Hindi rin nagtitinginan ang kanyang mga magulang. Ramdam niyang nagtitimpi lang ang ina na nasa tabi niya, walang planong magsalita, diretso lang ang tingin sa kinakain. Ang kanyang ama naman ay tumitingin paminsan-minsan sa kanya at kay Oliver na nakaupo sa tapat niya, ngunit hindi sa kanyang ina. Hindi pa rin yata sila tapos sa bangayan nila, hinuha niya, at nagpatuloy na lang ulit sa pagkain.
Napangiti siya sa naisip, ngunit bigla rin itong nawala nang tinitigan siya ng masama ng kanyang ina. Sa una'y hindi niya mawari kung bakit siya na naman ang pinag-iinitan nito nang mapansin niyang nakayuko na naman siya.
"Don't slouch!" Hindi man niya narinig mula sa ina ay alam niya na ito ngayon ang sinisigaw ng utak nito. Kahit kailan, siya palagi ang pinagbubuntungan ng galit nito.
"Oli, eat more. And Ana, eat your greens," rinig niyang utos ng ama at nagpatuloy ito sa pagnguya ng meat loaf.
Kita na naman niya sa mukha nito ang kakaibang ngiti nito, na alam niyang ginagawa ng ama sa tuwing alam nitong nananalo siya. Ito rin ang klase ng ngiti na nakita niya kagabi... nang una niyang dalhin si Oliver sa kanilang buhay.
Hindi pa rin nawawala sa isip niya ang mga nangyari kagabi, ang pagkakasunod-sunod nito, at ang mga naging reaksyon, hindi lang niya, pati na rin ng mga bisitang naroon, at lalong-lalo na ang kanyang inang si Martha.
Hindi lalampas isang minuto siguro ang paglalakad ng ama at ng kinakapatid papunta sa stage kung nasaan siyang nakaupo at naghihintay kantahan ng "Happy Birthday," pero para sa kanya'y parang lampas isang taon yata ang tinagal niyon.
Isa. Dalawa. Tatlo. Isa. Dalawa. Tatlo. Palipat-lipat ang tingin niya mula sa ama at kinakapatid, papunta sa mga batang napatingin din kahit hindi naman alam kung ano ang nangyayari, patungo sa mga magulang nito na alam niyang naiintriga sa mga pangyayari, patungo sa kanyang ina na pilit na ngumingiti.
"Calm down," usal niya sa sarili. Dapat hindi siya kabahan dahil wala naman talagang dapat kabahan. Narito lang naman ang unang anak ng kanyang ama, ngunit mas lalong nilalakasan pa ng kanyang puso ang pagkabog nito. "Calm down, Ana. Calm down."
Pinilit niya ulit na ngumiti at dumiretso ng tingin sa ama na ngayo'y naglalakad na papalapit sa kanya. Nakangisi ito na katulad ng ngisi sa tuwing nananalo ito sa larong baraha nang isang beses nilang pinuntahan ng kanyang ina ang ama sa bahay ng amigo nito. Nanalo ito noong panahong iyon, ngunit sa minutong ito, hindi niya mawari kung bakit ganoon na lang ang ngisi nito.
Walang ano-ano'y tumayo siya at nagmano sa ama. Hinalikan siya nito sa pisngi at niyakap. Pagkatapos ay kumaway din siya sa matangkad na lalaking kaharap at niyakap ito.
Nang sumagi sa isip niyang dapat yata ay hindi niya iyon ginawa, nag-peace sign na lang siya gamit ang kamay at ngumiti na lamang. Katulad niya, nabigla rin yata si Oliver dahil nahihiya rin itong ngumiti sa kanya.
Ito rin yata ang hindi inaasahan ng lahat dahil nang humarap siya sa mga tao ay para silang estatwang nakatingin sa kanila.
Hindi niya alam kung nasisiyahan sila o hindi sa nangyayari. Basta nakatingin lang sila ng diretso. Hindi, nakatitig sila ng diretso sa kanya, kay Oliver, at sa kanyang mga magulang.
Hindi niya alam ang gagawin kaya agad siyang tumingin sa kanyang ina dahil alam niyang ito ang may dala ng microphone. Sumagi rin yata ito sa utak ng ina kaya madali itong nagsalita.
"Well, everyone... the cake is here and the whole family is here, then why don't we sing a happy birthday to my little princess!"
Walang ano-ano'y nagsimula ang lahat sa pagkanta kaya dali-dali siyang umupo ulit sa upuan habang ang cake ay inilapit ng husto sa kanya.
BINABASA MO ANG
Pamilya Perfecto
Misterio / Suspenso"Sa pagbabalik ni Ana sa kanilang mansyon, nagbalik din ang kanyang kinakapatid sa ama, ngunit hindi sa dahilang inaasahan niya..." Perpekto ang pamilya ni Ana Santiago. Maraming negosyo at ari-arian ang kanyang ama, at ang ina naman niya'y dating k...