Kabanata 3 - August 25, 2014

191 6 2
                                    

Kitang-kita ni Ana ang nanggagaliiting mukha ng kanyang ina dahil sa kung sino mang kanina pa tawag nang tawag sa cellphone nito. Hindi niya rin maintindihan kung bakit hindi na lang sagutin ng kanyang ina ang tawag o 'di kaya'y patayin na lang ito para hindi na siya maabala pa sa pakikipag-usap sa mga amiga niya.

"So, where are we?" tanong pa ng kanyang ina nang mailagay ulit ang cellphone sa mesa.

Wala yata talaga itong planong sagutin ang kung sino mang tumatawag at mukhang mas nasisiyahan pa ito sa atensyong binibigay sa kanya ng mga babaeng kaharap habang hinihintay siyang ibaba ulit ang cellphone at kausapin sila.

"Do you know the latest..."

Hindi na niya hinintay pang matapos ang sinasabi ng ina dahil alam niya naman kung saan ito pupunta. Kung hindi tungkol sa mga plano nitong party o pagpapaganda sa subdivision ay mga tsismis naman ito mula sa mga kaibigan at kakilala nito sa showbiz o 'di kaya'y ang mga pinakabagong labas na mamahalin na designer bag, sapatos, kasuotan, at kahit ano pa.

Wala naman siyang pakialam doon at saka ayaw naman niyang makita siya ng ina na nakikinig sa mga usapan nila ng kanyang mga amiga... dahil pang-matanda lamang daw ito.

Dyes anyos na siya. Bata pa nga siya kung edad ang pagbabasehan, pero para kay Ana hindi naman bata ang kanyang pag-iisip... hindi tulad ng mga batang nakaupo sa kanyang harapan at nakatingin sa mga payasong gumagawa ng iba't ibang party tricks.

Ilang beses na siyang nag-celebrate ng kanyang birthday party. Ilang beses na rin siyang nanood ng mga party tricks ng mga binayarang payaso ng kanyang ina. Ngunit kahit sa ilang beses na ito, hindi kailanman dumadating ang kanyang ama sa wastong oras.

Kagaya ngayon.

Alam niyang ilang minuto na lang ay ilalabas na ang cake at kakantahan na siya ng "Happy Birthday" ng mga batang hindi naman niya mga kaibigan at ng mga magulang nitong inimbita lang ng kanyang ina para ipakita kung gaano ka-enggrande ang inihanda nito.

Sampung beses na. Plano yata talaga ng kanyang ama na gawin ito taon-taon.

"Dad, where are you?" naitanong niya sa kanyang sarili. May mga luhang gustong mamuo sa kanyang mga mata, ngunit pinigilan niya ang sariling umiyak. Hindi pwede, magagalit ang kanyang ina.

Ibinaling na lang ulit niya ang mukha sa mga nakahandang pagkain sa gilid. Hindi pa pwedeng kumain hanggang hindi pa nahihipan ang cake, iyon palagi ang utos ng ina. Ngunit, hindi naman siya nito makikita ngayon lalo nang abala ito sa pagpapakita ng singsing na ibinigay ng kanyang ama makaraang anniversary nila.

Lumapit siya sa mesa kung nasaan ang mga hotdog on stick na may marshmallow at kumuha ng dalawang marshmallow sa dalawang stick. Akmang pagagalitan pa siya ng nakabantay nang makita nito ang kanyang birthday crown, ideya ng kanyang ina para ipakitang siya ang prinsesa ng gabing ito. Ibinaling na lang nito ang mukha palayo sa kanya na para bang hindi siya nakita.

"Thank you po," nakangiti pa niyang sabi at naglakad papalayo.

Tumutunog na ang kanyang tiyan, ngunit mukhang wala pa yatang planong magtapos ang mga payaso na nasa stage. Masayang nakatanaw pa rin sa mga ito ang mga batang ka-edad niya. Ang mga ama naman nito'y parang mga lasing na dahil pinag-uusapan na nito ang mga stocks, na kahit ngayon ay hindi pa rin niya alam kung ano ang kahulugan. Ang kanyang ina'y nandoon pa ring nakaupo at kumikinang ang mga mata dahil sa atensyong nakukuha.

Napabuntong-hininga na lang siya at piniling bumalik na lang sa grupo ng mga nakangangang bata para padaliin ang oras. Hindi niya alam kung ano ang kinasisiya ng mga bata dahil hindi naman siya natatawa sa mga ginagawa ng mga payasong nasa harapan. Ang totoo'y mukhang gusto yata siyang patulugin ng mga ito.

Pamilya PerfectoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon