Ihahatid pa rin siya ng kanyang ama sa eskwela, ito ang sabi ng isang kasambahay nila, si ate Maring, nang gisingin siya nito. Ayaw niya sanang pumasok at planong pumunta na lamang sa ospital para makita ang kalagayan ni Oliver, ngunit kailangan pa muna niyang humingi ng pahintulot sa ama.
"I wonder how he is," sa isip-isip niya habang kumakain ng mag-isa sa hapag-kainan.
Nalulungkot pa rin niyang iniisip ang nangyari kagabi at kung bakit hindi siya pwedeng sumama na lang sa kinakapatid patungo sa ospital.
Ang pagkakaalala niya, pagkatapos nitong mahimatay at nang magsisisigaw siya sa loob ng sala ay nakita siya ng ilang mga bisita. Walang ano-ano'y tumakbo agad ang kanyang ama papasok sa mansyon at tiningnan ang kalagayan ni Oliver.
Nang ipasok ito sa ambulansya ay hindi pa rin ito nagigising. Siya naman nagsisisigaw na sana pasamahin na lang siya ng ama. Ngunit pinagbawalan siya ng ina. Kaya ito siya ngayon, nag-iisang kumakain ng agahan, imbes na dapat kasalo niya ngayon ang kinakapatid at sabay silang papasok sa eskwelahan.
"I hope you're okay," mahinang panalangin pa niya at inisip ang ilang mga pangyayari ng gabi ring iyon.
Natapos ang party na may bago na namang tsismis ang mga tao at lalong kinagalit iyon ng kanyang ina. Nagsisigawan pa nga si Martha at ang kanyang ama nang bumalik ito para kumuha ng mga gamit ni Oliver. Hindi niya nagawang tanungin ang ama sa kalagayan ng kinakapatid dahil agad-agad itong binungangaan ng ina.
Pumasok man ito sa opisina ng kanyang ama ay hindi maikakailang isa lang ang dahilan ng pag-aaway. Si Oliver. Simula ng dumating ito, siya na palagi ang ginagawang punching bag ng ina. At kahit ngayong nasa ospital ito ay ito pa rin ang parang may dala ng problema. Na para bang kasalanan niyang nahimatay siya.
"Bitch," usal pa niya nang tuluyang isarado ng kanyang ina ang opisina ng kanyang ama.
Ganyan naman palagi sila. Nag-aaway ng patago. Ipinapakita sa lahat na ayos lang sila, ngunit kapag wala ng mga bisita, ayun at nagbabangayan. Ang mga nakakaalam lang yata kung ano ang nangyayari sa bahay nila ay ang mga kasambahay... at si Oliver at siya.
At katulad nga ng sinabi ng mga kasambahay nila, umalis ang ama niya mga alas dos. Hindi siya masyadong nakatulog kagabi, at sa oras na 'yon ay nasa kusina siya. Dali-daling naglakad palabas ng mansyon ang ama, at kahit malayo ay kitang-kita pa rin niya ang galit at pagkainis sa mukha nito. Pagkatapos ng ilang minuto ay huli niyang narinig ang pag-andar ng sasakyan nito na lumalabas ng mansyon.
Hanggang ngayon ay palaisipan pa rin sa kanya kung saan ito palaging naglalagi sa tuwing natatapos ang bangayan nilang mag-asawa sa kalagitnaan ng gabi. Ito palagi ang ginagawa nito. At katulad nga ng utos nito ngayon, babalik din ito kinaumagahan para ihatad siya o sila ni Oliver sa eskwelahan.
Bigla siyang napatingin sa labas ng mansyon. Mag-a-alas siyete na, ngunit hindi pa rin ito dumarating.
"Ana, tapos ka na? Darating na daw papa mo."
Kunot-noo siyang napatingin kay Maring, ang bago at dalaga nilang kasambahay. "Po?"
"Si s-sir tumawag. Maghanda ka na daw."
"Si papa?" Nakataas na ang kaliwang kilay niya.
"Oo." Ngumiti pa ito bago umalis sa kusina.
Kunot-noo pa rin siya sa narinig. Paanong tumawag ang kanyang ama gayong hindi naman niya narinig ang telepono sa sala at sa kusina na tumunog. Hindi rin pwedeng tumawag ito sa kwarto ng kanyang mga magulang gayong katatapos lang ng pag-aaway nito kagabi. At alam niyang hindi rin ito masasagot ng kanyang ina dahil nagpakalasing ito nang umalis ang kaninang medaling umaga at hanggang ngayon ay may hang-over pa.
Tatawagan niya pa sana ang kasambahay para tanungin kung saan ito tumawag nang nakita niyang dumating ang sasakyan ng ama. Hindi pa man natatapos ang kinain ay agad-agad siyang tumayo at pumunta sa sala para kunin ang kanyang bag.
"Dad!" Kumaway-kaway pa siya habang hinihintay ang pag-aayos nito ng pag-parking sa sasakyan. Nang matapos ay hindi na niya hinintay pa itong bumusina at agad na siyang pumasok sa sasakyan.
"Hi, dad!" bati niya sa ama habang inaayos ang bag sa backseat.
"Hello darling," sagot naman nito at sinimulan ng paandarin ang sasakyan.
Nang makalayo-layo na sa sasakyan at nang makalabas na sila sa village ay agad niya na itong tinanong. "Dad..." Napalunok pa siya. "H-how is kuya Oli?"
Ilang segundong hindi sumagot ang kanyang ama. Diretso lang ang tingin nito sa daan. Hindi niya alam kung sasagot ito o hindi.
"Dad?" kinakabahan niyang tanong at tumagilid pakanan para makita ang mukha nito.
Sa bawat paglipas ng Segundo at minuto ay hindi niya alam kung sasagot ba ito o hindi. Mas lalo siyang kinakabahan sa inaasal ng ama. Pakiwari niya'y may gusto itong sabihin, ngunit hindi alam kung paano sasabihin sa kanya.
Kahit natatakot na pagbawalan ay tinanong niya muli ito. "Dad? Can I go to the hospital? To kuya—"
"Ana." Seryoso ang boses nito na mas lalong nagpakaba sa kanya. Diretso pa rin ang tingin nito sa daan, at nang mapalapit sila sa traffic light ay muli na itong nagsalita. "You don't have to go to the hospital anymore."
Kunot-noo siyang nakatingin sa ama. "Why? Isn't kuya—"
"He's not there..." Ibinaling nito ang tingin sa kanya. "He ran away."
Hanggang mapalitan na ng kulay berde ang traffic light at mahatid na siya ng ama sa eskwelahan ay hindi pa rin siya makapagsalita. Parang napatanga siya sa narinig. Paanong naglayas ito? Kailan ito naglayas? Umaarte lang ba ito na nahimatay? Kung oo ay bakit ganoon na lamang ito kaputla at hindi nila magawang gisingin?
At ito ang mas lalong pinoproblema niya. Saan tatakbo si Oliver? Kanino? Ang pagkakaalala niya ay wala na itong iba pang pamilya, liban sa kanyang ama, sa kanila.
Maraming tanong ang gusto niyang itanong, ngunit hindi niya alam kung dapat ba niyang itanong ito sa ama. Nang nasa sasakyan pa siya ay gusto niyang itanong kung totoo ba ito, ngunit sa tono ng ama at sa diretsong pagsabi nito ay parang sinasabi nito na totoo nga ang lahat ng narinig niya. Naglayas si Oliver. Tumakbo... palayo.
Wala na rin namang sinabi pa ang ama pagkatapos niyon. Ni hindi niya nga alam kung malungkot ba ito o galit, sa tono ng pananalita nito kanina. Hindi naman seryoso ang pagkakasabi nito, parang nagbabalita lang na hindi niya alam kung paano nito nagagawa gayong anak niya ang nawawala.
"He ran away." Hindi pa rin mawala sa isip niya kung paano ito sinabi ng ama. Hindi seryoso. Hindi nalulungkot. Hindi rin naman galit. Parang normal na bagay lang para rito ang nangyari. Hindi nga rin siya nakaramdam ng pagkabahala mula sa boses nito.
"He ran away," pag-uulit pa nito sa kanyang utak, at hindi niya alam pero sa tuwing sumasagi ito sa kanyang isip ay kinakabahan siya... hindi lang para sa maaaring kahihinatnan ng kinakapatid, ngunit pati na rin sa kanya at ng bagong kapatid nila.
![](https://img.wattpad.com/cover/301546676-288-k926651.jpg)
BINABASA MO ANG
Pamilya Perfecto
Mistério / Suspense"Sa pagbabalik ni Ana sa kanilang mansyon, nagbalik din ang kanyang kinakapatid sa ama, ngunit hindi sa dahilang inaasahan niya..." Perpekto ang pamilya ni Ana Santiago. Maraming negosyo at ari-arian ang kanyang ama, at ang ina naman niya'y dating k...