Kabanata 8 - May 22, 2021

98 6 0
                                    

Katahimikan ang bumalot sa buong silid. Seryosong nakatingin si Ana sa kanyang inang nakaupo sahig at may nagdurugong sugat. Hindi niya nilalayo ang tingin dito. Wala siyang planong ilayo ang tingin sa ginang hanggang hindi pa nito sinasagot ang kanyang tanong. "Saan mo ba tinago, Ma?!"

Hindi siya nito tinitingnan. Hindi ito nagsasalita. Wala talaga itong planong sabihin ang totoo. "Kahit kailan sinungaling ka talaga!" sigaw niya rito at akmang tatakbo papunta sa ginang nang itutok ni Oliver sa kanya ang baril.

"Diyan ka lang, Ana," seryoso nitong utos. "At kumalma ka."

"Sa tingin mo kakalma ako ngayon, ha?!" gusto niyang isigaw dito, ngunit pinigilan niya ang sarili. Bawat maling desisyon, katumbas ay ang buhay niya. At kahit gusto niyang sigawan ang ina, ang nagagawa lamang niya ang titigan ito ng masama. Gusto na niyang umiyak dahil sa lahat ng nangyayari sa kanya mula nang dumating siya sa mansyon. Gusto na niyang umalis. Sana hindi na lamang siya bumalik.

"Pumunta na tayo sa kabilang kwarto," rinig niyang utos ng lalaki.

Hindi na siya nag-atubili pa. Umalis siya palayo sa mesa at nanguna sa paglalakad palabas ng kwarto. Hindi man niya masyadong kita ang ginagawa ng lalaki ay ramdam niya ang pagkuha nito sa supot kasabay ng ilang beses na paghikbi ng ina dahil sa sakit sa paglalakad. Wala na siyang pakialam. Gusto na niyang matapos ang lahat-lahat ng ito.

Nang makaalis sila sa opisina ng ama ay agad silang pumasok sa master's bedroom ng mansyon na katabi mismo nito. Nang mabuksan niya ito ay kitang-kita ang engrandeng kama na nasa gitna ng kwarto. Sa kaliwa naman ay nandoon ang mga aparador na tingin niya'y pinaglalagyan ng kung ano mang gamit ng mga magulang at sa kanan naman ay ang isang maliit na study area at pinto papunta sa banyo nito.

Gusto pa sana niyang tingnan ang buong kwarto, ngunit bigla niyang narinig ang sigaw at biglaang tunog ng paglagapak ng kanyang ina. Hindi niya alam kung ano ang ginawa ni Oliver kaya't mariin niya itong tinitigan habang inaalalayan ang ina sa kaawa-awang kondisyon nito.

"Ano bang gusto mo?!" sigaw niya rito. Galit man siya sa ina'y hindi pa rin niya magawang hindi ito pansinin.

"Ang kwintas," seryoso nitong utos. Akmang tatayo na sana siya, ngunit tumingin ito sa kanyang ina, "Hanapin mo."

"Ano ba, Oliver?! Ala—" Hindi niya na natapos ang pagsigaw dahil mas lalong umitim ang buong tingin nito sa kanya. Humarap na lamang siya sa ina at tiningnan kung ayos ito. "Kaya mo pa bang tumayo, Ma?"

Hindi ito sumagot at diretsong tumingin sa lalaki. "K-kung makikita ko ba 'yong kwintas, h-hindi mo na ako papakialaman"

Kunot-noo man dahil sa partikular na sinabi ng ina ay tiningnan niya ang lalaki para makita ang sagot nito.

"Oo," nakangiti nitong sagot sa kanilang dalawa, ngunit ramdam niyang nagsisinungaling ito. Alam niyang nagsisinungaling ito.

"M-ma!" tawag pa niya sa ina, ngunit tumalikod na ito sa kanya. Tumingin siya sa gawi ni Oliver at nakiusap. "Paano mabubuksan ni mama ang mga drawer kung nakatali siya?!"

"Oo nga naman." Nakangisi pa ito. "Kunin mo 'yong tali mula sa kanya."

Nagdadalawang-isip man ay kinalagan niya agad ang mga nakataling kamay ng ina. Sa bawat pagkawala nito sa kamay ng ina ay napapahiyaw ito sa sakit. Nagalit siya ng sumagi sa isip kung paano nito tinalian ang ina at kung gaano kahigpit ang pagkakatali nito.

Tinitigan niya ang kaawa-awang mga kamay ng ina. Kitang-kita ang bakas ng mga tali rito. Sisimulan na sana niyang kalagan ang nakatali rin nitong mga paa, na ang isa'y nagduruga pa, nang tawagin siya ng lalaki.

"Upo ka muna rito," sabay harap nito ng upuan na kanina'y nasa harap ng study table.

Gusto niyang suntukin ang lalaki. Gusto niyang tadyakan ito at sipain. Ngunit, hindi niya kaya. Pinipilit lang niyang ikubli ang galit na nararamdaman dahil kahit anong gawin niya, hindi niya kaya ang lakas nito... lalong-lalo na, may dala itong baril at kaawa-awa ngayon ang sitwasyon nilang dalawa ng ina.

Pamilya PerfectoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon