Unang Kabanata
Pagtatagpo
Kasalukuyan akong nagwawalis ng mga tuyong dahon sa malawak na bakuran sa hacienda ng mga Esquivel nang bigla na lang dumating si Lina. Natigil ako sa pagwawalis at napatingin sa kaniya na ngayon ay namumula na dahil sa pagpipigil.
Kumunot ang noo ko at nag-alala dahil sa itsura niya. Sa tinagal-tagal naming magkasama bilang kasambahay sa mga Esquivel, ngayon ko lang siya nakitang nagkaganito. Dahil sa labis na pag-aalala, hindi ko na napigilan ang sarili kong hawakan ang balikat niya.
"Ayos ka lang ba, Lina?" Nag-aalala kong tanong sa kaniya pero imbes na sagutin ako ay mas lalo lamang siyang namula. Mas lumalim ang kunot sa noo ko nang bigla na lang siyang tumili at nagtatatalon. Ayos lang sana kung siya lang mag-isa pero hawakan niya ang braso ko kaya pati ako ay nayuyugyog.
"Waaahh Sabihin mo nga sa akin Cherry, nasa langit na ba ako?" Tili niya. Napapikit ako sa sobrang tinis ng boses niya na sobrang sakit sa tenga. Tinakpan ko ang magkabila kong tenga nang ilang segundo pa ang itinagal ng tili niya bago tumigil.
"Hoy! Ano ba'ng nangyayari sa'yo?" Nagtataka kong tanong sa kaniya. "Sige ka, kapag nakita ka ni Manang Tesing baka tumili ka dahil sa kurot niya," pananakot ko sa kaniya gamit ang pangalan ng istrikta naming mayordoma. Ngunit tila wala namang epekto dahil ngumisi pa siya sa akin. Sinundot niya pa ang bewang ko kaya agad akong lumayo sa kaniya bago pa ako magkapasa dahil sa mga ginagawa niya.
"Ano ka ba! Ganyan lang talaga ang reaksyon ko kapag nakakakita ng guwapo!" Masayang saad niya. Laking pasasalamat ko na lang na hindi na siya tumili pa dahil baka hindi matatapos ang araw na 'to na hindi ako mabibingi dahil sa kaniya.
"Sinong guwapo?" Tanong ko sa kaniya. Hinawakan ko ng maigi ang walis at muling nagwalis habang hinihintay ang sagot niya. Nakasunod lang siya sa akin habang nagwawalis ako ng mga tuyong dahon na nahulog mula sa malaking puno ng akasya.
"Grabe Cherry! Tao ka ba?" Hindi makapaniwalang tanong niya sa akin. Hindi ko 'yon pinansin at nagpatuloy sa pagwawalis, may iba pa akong gagawin bukod rito kaya kailangan ko nang bilisan.
"Hindi naman ako naging engkanto Lina," wika ko.
"Haist! Ang ibig kong sabihin ay paano mong hindi napapansin si senyorito? Ang guwapo kaya no'n!" Inis niyang saad sa akin na iningusan ko lang. Ano naman ngayon kung guwapo ang senyorito? Aanhin ko naman 'yon 'di ba?
"Napansin ko naman Lina," saad ko at lumapit sa kabilang bahagi para doon naman magwalis.
Kailan lang no'ng muling bumalik sa hacienda ng mga Esquivel na nasasakupan ng lupain ng lalawigan ng La Verde si senyorito, pero kaagad siyang naging sentro ng usapan. Hindi lang ng mga tao sa hacienda ngunit hanggang sa mga tao sa bayan— partikular na sa mga babae. Mula sa mga kasambahay, mga dalaga, maging mga anak ng mayayaman at politikong pamilya ay siya ang bukambibig. Palibhasa kasi ay nag-iisang anak ng kaniyang mga magulang, mayaman, makisig, edukado at may narating na sa buhay.
Dahil nga siya ang sentro ng usapin, hindi ko naiwasang marinig ang usapan ng ibang mga tindera sa palengke kahapon. Kung naging mayaman at naging pantay ang estado nila sa lipunan, malamang ay si senyorito ang pipiliin nilang maging asawa ng kanilang panganay na anak na babae. Sino ba naman ang hindi gugustuhing makatuluyan ng kanilang ang senyorito hindi ba? Kumbaga, nasa kaniya na ang lahat ng hinahanap ng mga babae.
Kaya papaanong hindi ko siya mapapansin kung kahit saan ako lumingon siya ang pinag-uusapan? Totoo rin naman ang sinasabi nila, tunay nga'ng magandang lalaki ang senyorito. Maging ang walang alam na tulad ko'y may nalalaman tungkol sa kaniya.
Natigil ang kamay ko sa pagwawalis ng mga dahon nang makarinig ako ng mga yabag na papalapit sa kinatatayuan ko, na kung hindi ako nagkakamali ay galing sa kabayo. Paglingon ko sa likod ko ay nakita ko ang senyorito na matikas na nakasakay sa isang itim na kabayo— si Shadow. Isa ito sa mga de kalidad na kabayo sa kuwadra na nasa loob ng kanilang hacienda.
YOU ARE READING
Incarnadine (Verdurous Series 1) - OnHold
RomanceTrapped with a deal she can't resist, can Cherry will be able guard her heart from the fall? Or will she let herself fall to the possible abyss of pain and misery? Will their opposite worlds hinder the imaginary growing love between them? Or will th...