Ikalawang Kabanata
Pagsisilbi
Mabuti na lang at hindi na inungkat pa ng senyorito ang tagpo namin kanina. Matapos ko siyang batiin ay agad rin siyang umalis pagkatapos niyang tapusin ang iniinom niyang alak kanina na siyang pinagpasalamat ko. Hindi ko rin alam kung makakagalaw ako ng malaya kung nando'n siya sa kusina.
Pagkaalis ng senyorito sa kusina ay siya namang pagdating nila Manang Tesing galing sa palengke. Tinulungan ko silang magluto ng ulam para sa hapunan ng senyorito. Tatlong putahe lamang ang niluto namin dahil siya lang naman ang kakain.
"Sige na, dalhin niyo na 'yan sa hapagkainan," utos ni Manang Tesing sa amin.
Nagsikilos na ang ang mga kasama ko kaya naman kinuha ko ang isang bowl ng caldereta na mainit pa at dinala sa hapagkainan. Wala pa ang senyorito sa hapag kaya malamang ay pababa pa lamang iyon o hindi kaya ay nasa opisina niya sa ikalawang palapag ng mansyon.
Pagkabalik ko ulit sa kusina ay kinuha ko naman ang isang pitsel ng malamig na tubig. Palabas na sana ako ng kusina upang bumalik sa hapagkainan nang pumasok si Nesita sa loob.
"Manang," tawag niya sa mayordoma na ngayon ay abala sa pag-uutos ng mga gagawin. Napalingon sa kaniya si Manang Tesing kaya naman nagpatuloy siya sa pagsasalita. "Hindi raw po kakain ang senyorito rito sa ibaba. Ipapahatid na lang daw sa opisina ang hapunan niya."
"Sige," sagot kaagad ni Manang Tesing. "Cherry."
Halos mabitawan ko ang hawak na pitsel nang tawagin niya ang pangalan ko. Napalunok ako sa kabang naramdaman ko. Lahat sila ay nakatingin sa akin ngayon.
Huwag naman sana! Diyos ko! Huwag naman po sana!
"Uy Cherry!" Untag ni Lina na nasa gilid ko na pala. "Tinatawag ka ni Manang Tesing," bulong niya sa akin.
Napakurap-kurap ako at muling napalunok. Huminga muna ako ng malalim bago ibinuka ang sariling mga labi para magsalita.
"Bakit p-po?" Kinakabahan kong tanong.
"Ikaw na ang maghatid ng pagkain ng senyorito," saad niya. Nanlambot ang tuhod ko sa narinig at halos malagutan na ng hininga dahil sa sobrang kaba. Sobrang lakas ng kalabog ng puso ko habang nakatingin sa kanilang lahat.
Walang maggawa, tumango ako sa sinabi niya.
"Sige po," kinakabahang sagot ko. Mabuti na lang at hindi ako nautal sa harapan nila.
Nanginginig ang kamay ko habang dala ang bandeha kung saan nakalagay ang hapunan ng senyorito. Bawat hakbang ng paa ko sa hagdanan papunta sa ikalawang palapag ng mansyon ay siyang pagbilis ng pagtibok ng puso ko.
Huminga muna ako ng malalim bago ako kumatok ng tatlong beses sa pintuan ng opisina niya.
"Senyorito?" Tawag ko sa kaniya mula sa labas ng pintuan nang wala man lang akong narinig na sagot mula sa kaniya.
"Get in."
Hindi ko alam kung ano ang dapat gawin dahil sa sinabi niya lalo na't kinakabahan na naman ako sa tono ng boses niya. Ilang segundo pa'y napagdesisyunan ko nang pihitin ang seradura ng pintuan ng opisina niya. Maingat kong binitbit papasok sa loob ng opisina niya ang bandeha ng pagkain.
Naabutan ko ang senyorito na nakaupo sa upuang gawa sa mamahaling kahoy sa likuran ng isang mahabang mesa na gawa rin sa kahoy. Nakatutok ang mga mata niya sa papel sa kaniyang harapan, ni hindi nga umangat ang ulo niya para tingnan ako. Wala rin namang problema iyon para sa akin.
Humugot muna ako ng lakas bago nagsalita.
"Saan ko po 'to ilalagay senyorito?" Tanong ko sa kaniya.
Itinuro lang niya ang lamesita na nasa harapan ng mesa niya habang hindi pa rin inaalis ang tingin sa mga binabasa niya. Sinunod ko naman ang utos niya at isa-isang inilapag ang mga nasa bandeha; isang plato ng kanin, tatlong platito para sa tatlong ulam, kutsara't tinidor, baso ng tubig at juice.
YOU ARE READING
Incarnadine (Verdurous Series 1) - OnHold
Storie d'amoreTrapped with a deal she can't resist, can Cherry will be able guard her heart from the fall? Or will she let herself fall to the possible abyss of pain and misery? Will their opposite worlds hinder the imaginary growing love between them? Or will th...