Ikalabing Dalawang Kabanata
Kapalit
"Cherry..."
Namumugto ang mga matang iniangat ko ang aking tingin.
Muli na namang namou ang mga luha sa gilid ng aking mga mata nang makita si Lina kasama si Manang Selya. Mabilis akong tumayo at niyakap si Lina. Tuluyan na akong napahagulhol ng iyak sa mga bisig niya.
Wala na talaga akong alam gawin kung hindi ang umiyak na lang. Hindi ko kakayanin kung mawawala sa akin ang nanay, siya na lang ang meron ako ngayon. Sana nakinig na lang ako sa kanina, sana nanatili na lang ako sa amin no'ng hiniling niyang magpahinga muna ako. Sana wala siya sa sitwasyon niya ngayon kung nakinig lang sana ako sa kaniya.
"Magpakatatag ka Cherry..." mahinang wika ni Manang Selya nang kumalas na ako sa yakapan namin ni Lina.
Suminghot ako at pinahid ang mga luhang ayaw tumigil sa pagtulo. Tumango ako kay Manang Selya at napasinok dahil sa labis na pag-iyak ko kanina pa.
"Opo... Salamat po sa pagpunta niyo rito. Hindi ko na po kasi ala—" natigil ako sa pagsasalita nang muling umalpas ang hikbi sa bibig ko. "Hindi ko na po kasi alam ang gagawin. Kulang po kasi ang pera ko para pambayad sa gastos namin dito," umiiyak na saad ko. Maski ako ay hindi na maintindihan ang mga sinasabi ko sa kanila.
Parehong hinagod ni Lina at Manang Selya ang likuran ko. Umaalog ang balikat ko dahil sa pagpipigil na muling umiyak sa harapan nila. Alam kong hindi makakatulong ang pag-iyak ko ngayon pero hindi ko lang talaga mapigilan dahil sa labis na pangamba at pag-aalala sa nanay.
Kasalukuyang nakahiga ang nanay sa kama sa loob ng isang pampublikong silid sa isang malapit na maliit na hospital sa bayan at nagpapahinga. Hindi ko alam kung paano ko nadala ang nanay rito kanina sa kabila ng taranta't pag-iyak ko.
Natingnan na siya ng kaniyang doktor na swerteng nandito nang dalhin ko ang nanay. Minsan kasi ay walang doktor rito at puro mga nurse lamang. Sabi ng doktor niya'y labis lang daw na napagod ang nanay kaya gano'n. Dagdag pa na matanda na ito at may iniinda pang sakit. Makakabuti raw para sa kaniya ang magpahinga ng ilang araw para mabawi niya ang kaniyang lakas.
"Huwag kang mag-alala hija, susubukan kong humingi ng kaunting tulong sa mga nagtatrabaho sa hacienda. Paniguradong pahihiramin nila tayo ng pera pambayad rito sa hospital," saad ni Manang Selya na nagpagaan ng loob ko kahit papaano.
Napalingon ako sa nanay na kasalukuyang natutulog at nagpapahinga.
Papaano kong hindi napansin ang pangangayayat niya? Ang mas pagputla ng kaniyang balat at panghihina niya? Masyado ba akong naging makasarili at ang tanging iniisip ko lang ay ang aking sarili at kinalimutan ang sarili kong nanay?
Hinawakan ko ang kamay ni nanay at pinilit ang sariling huwag muling maiyak.
Nang makaalis si Manang Selya at Lina ay nanatili ako sa hospital para bantayan si nanay.
Naggising ako mula sa pagkakatulog nang maramdamang may humahaplos sa buhok ko. Iniangat ko ang ulo ko at nakita ang nanay na patuloy pa ring hinahaplos ang buhok ko.
"Cherry..." Nanghihinang bigkas niya sa pangalan ko at ginawaran ako ng isang maliit na ngiti.
"Nay..." Nabasag ang boses ko matapos kong banggitin ang pangalan niya.
Ayoko muling umiyak lalo na sa harapan ng nanay. Tinikas ang sarili ngunit hindi ko rin naggawa ito at tuluyan nang umalpas ang hikbi sa aking mga labi. Nagtuluan ang mga masasagang luha mula sa mga mata ko pababa sa aking magkabilang pisngi.
Nasasaktan ako para sa nanay. Hindi niya dapat nararanasan ang ganito. Ang bait niyang tao para danasin ang paghihirap na ito.
"Bakit ka ba umiiyak hm?" Mula sa aking buhok ay bumaba ang kaniyang kamay sa aking pisngi na kanina lamang ay hinahaplos ang buhok ko at pinunasan ang aking mga luha.
Malakas ang mga hikbi ko habang umiiyak.
"Patawarin niyo ako nay, sana nakinig na lang ako sa inyo," umiiyak na usal ko. Suminghot ako at pinunasan ang sariling mga luha.
"Cherry," nanghihinang wika niya gamit ang maliit niyang boses. "Walang kang kasalanan, anak. Kailanman ay wala kang kasalanan, tandaan mo 'yan. Naiintindihan mo ba ako?" Sa kabila ng panghihina niya ay mariin niyang sinabi ang mga katagang 'yon.
Umiiyak akong tumango.
"Opo."
Matapos kong pakainin ng lugaw na libre mula sa hospital ang nanay at matapos ko siyang painumin ng gamot ay muli siyang nakatulog.
Tahimik ko siyang pinagmamasdan habang mahimbing na natutulog. Parang piniga ang puso ko sa nakikita ko ngayon. Parang sinaksak ang puso ko ng ilang libong punyal dahil sa sakit.
Sobrang hirap maging mahirap. Hindi mo alam kung ano ang dapat gawin at kung saan ka lalapit maisalba lang ang mahal mo sa buhay mula sa bingit ng kamatayan.
"Ms. Gallardo?" Napalingon ako sa likuran ko at nakita ang doktor na umasikaso kay nanay kanina.
Mabilis akong tumayo at hinarap ang doktor.
"Dok..." Pinagkiskis ko ang palad ko at saglit na nilingon ang nanay.
Tumingin rin ang doktor kay nanay bago muling bumaling sa akin.
"Mas lalong lumala ang sakit ng nanay mo Ms. Gallardo," saad ng doktor.
Muntikan na akong natumba dahil sa panlalambot ng mga tuhod ko at sa unti-unting pagkawala ng lakas ng mga ito. Pilit kong kinalma ang puso ko dahil sa matinding pagkabog nito. Naninikip rin ang dibdib ko at parang hindi ako makahinga.
"A— ano po'ng ibig niyong sabihin?" Kinakabahan kong tanong sa kaniya.
"Mas naging komplikado ang sakit niya sa puso. Kinakailangan niyang ma-operahan sa mas madaling panahon para maagapan ang sakit niya," paliwanag niya pa.
"Ano po'ng gagawin ko?" Nanginginig ang mga kamay ko dahil sa nerbyos.
"Mas mabuting dalhin mo siya sa mas malaking hospital sa Maynila. Kumpleto ang kagamitan nila roon kaya paniguradong magiging maayos ang operasyon ng nanay mo. I'll refer you to the hospital I knew that will surely take care of your mother," mahabang paliwanag niya.
"Sige po dok, salamat."
"Sige, may rounds pa ako," paalam nito bago umalis ng tuluyan.
Nanghihina naman akong napaupo sa gilid ng kama ni nanay at nanginginig ang kamay na hinawakan ang kamay niya.
"Bakit ang lupit naman yata ng tadhana sa ating dalawa nay?" Naiiyak kong tanong sa kaniya.
Saan ako hihingi ng tulong?
Kanino ako lalapit?
Ilang minuto akong umiiyak habang iniisip kung ano ang dapat kong gawin bago ko napagdesisyonang kapalan ang mukha ko at humingi ng tulong sa kanila.
Wala naman sigurong masama sa gagawin ko tsaka para ito kay nanay. Lahat ay gagawin ko mailigtas lamang siya.
Tumayo ako habang pinupunasan ang mga natuyong luha sa mga mata ko.
"Babalik ako nay... Gagawin ko ang lahat mailigtas lang kita," bulong ko.
Dumukwang ako at pinatakan ng isang magaan na halik ang noo niya.
Nilingon ko pa siya ng isang beses bago tuluyang umalis at tinahak ang daan papunta sa hacienda ng mga Esquivel.
111221
0947
YOU ARE READING
Incarnadine (Verdurous Series 1) - OnHold
RomantiekTrapped with a deal she can't resist, can Cherry will be able guard her heart from the fall? Or will she let herself fall to the possible abyss of pain and misery? Will their opposite worlds hinder the imaginary growing love between them? Or will th...