Ikawalong Kabanata
Sakit
Lahat ay natahimik sa malakas na sigaw ni senyora Olivia na dumagundong sa loob ng mansyon. Ngayon ko lang siya nakita magmula no'ng umalis silang dalawa ng senyor Ronaldo dahil sa importanteng lakad. Hindi ko inaasahang sa ganitong sitwasyon pa talaga kami muling nagtagpo.
Nangangatal ang mga kamay ko maging ang bou kong katawan ay nanginginig dahil sa lamig habang nakayukong nakatayo sa isang sulok.
Maya-maya pa ay naramdaman kong may nagpatong ng mainit at makapal na kumot sa balikat ko. Nang iniangat ko ang ulo ko, nakita ko si Lina na nakangiti bagama't may pag-aalalang mababanaag sa mga mata niya.
"Salamat Lina," mahinang saad ko sa kaniya. Kung hindi pa ako nagsalita ay hindi ko malalaman na pati ang boses ko ay nangangatal na rin.
"Walang anuman. Halika, doon tayo sa kuwarto namin at pahihiramin kita ng damit ko," saad niya at hinawakan ang balikat ko.
Lumingon ako sa likuran habang inaakay ako ni Lina paalis sa sala ng mansyon. Nakita ko ang senyorito na nakatayo habang nakapamulsa sa puno ng hagdanan. Basa pa rin ang damit niya at tumutulo ang ilang tubig mula sa buhok niya.
Napalunok ako nang nagtagpo ang mga mata naming dalawa ni hindi man lang niya pinutol ang mariin niyang pagtitig sa akin. Muling kumabog ang dibdib ko, kagaya no'ng pagkabog nito no'ng nakasakay kaming dalawa sa kabayo.
Sumariwa sa alaala ko ang nangyari kani-kanina lamang. Hindi ako makapaniwalang kasama ko sa pagsakay sa kabayo ang senyorito at pumunta sa natatagong paraiso ng La Verde.
"Raiden!" Sigaw ng senyora Olivia mula sa ikalawang palapag. Lumingon ang senyorito sa pasilyo papunta sa mga kuwarto sa ikalawang palapag. Kinuha ko ang pagkakataong iyon upang alisin ang tingin mula sa kaniya bago pa man niya ako tingnan ulit.
Dinala ako ni Lina sa kuwarto ng mga kawaksi at pinahiram ng kaniyang bestida.
Pagkalabas ko ng banyo ay ilang beses kong hinila pababa ang sout na bestida. Hanggang sa ibaba lamang ng tuhod ko ito, malayo sa palagi kong sinosout na bestida araw-araw na hanggang sa talampakan ang haba.
"Oh? May problema ba?"
Napatingin ako kay Lina na kapapasok pa lamang sa loob ng kuwarto. May dala siyang isang tasa ng tsokolate na umuusok pa dahil sa init. Inilapag niya sa malapit na mesa ang tasa at lumapit sa akin.
Nahihiya ko namang hinila pababa ang bestida at napangiwi nang kumunot ang noo ni Lina dahil sa ginawa ko.
"Bakit? Ano'ng problema?" Nag-aala niyang tanong at tiningnan ang sout ko.
"Masyado kasing maiksi," nahihiya kong sagot sa kaniya.
Gumuhit ang pagtataka sa itsura ni Lina at tiningnan ulit ang sout ko. Umikot pa talaga siya sa akin kaya ang ginawa ko naman ay sinusundan ng tingin ang bawat galaw niya.
"Ha? Tama lang naman ang haba ng bestida. Hindi ka sanay 'no?" Tanong niya pagkatapos umikot sa akin.
Tumango naman ako habang pinaglalaruan ang mga daliri ko sa kamay. Lumapit si Lina sa mesa na nasa gilid lang ng kuwarto at kinuha mula roon ang tasang nilapag niya kanina.
"Heto, inumin mo muna itong mainit na tsokolate para naman mainitan ka." Ibinigay niya sa akin ang tasa at maingat ko naman iyong inabot mula sa kaniya.
Mainit pa ang tasa ng kape nang inabot niya iyon sa akin. Umupo ako sa isang kama at maingat na ininom ang ibinigay niyang mainit na tsokolate sa akin.
"Uminom ka ng gamot pag-uwi mo sa inyo ha? Naubusan na kasi kami ng gamot dito, baka kasi magkalagnat ka bigla pa naman 'yong pag-ulan kanina," saad niya sa akin.
YOU ARE READING
Incarnadine (Verdurous Series 1) - OnHold
RomanceTrapped with a deal she can't resist, can Cherry will be able guard her heart from the fall? Or will she let herself fall to the possible abyss of pain and misery? Will their opposite worlds hinder the imaginary growing love between them? Or will th...