Ikadalawampung Kabanata
Tutor
Maaga akong naggising kinabukasan kahit pa matagal akong nakatulog kagabi. Kahit pa sobrang lambot ng kinahihigaan ko, hindi naman ako pinapatahimik ng isip ko.
Hindi mawala-wala sa 'kin ang mag-alala kay nanay lalo na't mag-isa lang siya. Paniguradong nagtataka na 'yon kung bakit siya nalipat ng hospital at wala ako.
Dumeretso ako sa banyo at naligo. Sobrang lamig ng tubig at nahirapan pa ako sa pagligo dahil sa mga gamit na hindi ako pamilyar. Imbes na doon maligo sa may tutsang liguan, naghanap ako ng tabo at mabuti na lang may nahanap ako. May nahanap rin akong balde kaya sa gripo ako kumuha ng tubig para pang-ligo ko.
Isang bestida na dala ko ang isinout ko. Tiningnan ko pa ang sarili sa malaking salamin at sinuguradong maayos ang itsura ko.
Lumabas ako ng kuwarto at bumungad sa akin ang madilim at tahimik na pasilyo. Napalingon ako sa pinakadulong kuwarto kung saan ko nakitang pumasok ang senyorito kagabi.
Tulog pa kaya siya?
Nakagat ko ang pang-ibaba kong labi at nagdadalawang-isip kung pupuntahan ko ba siya o hindi. Naglakad ako papunta sa kuwarto niya ngunit muli rin akong umatras. Akmang hahakbang ulit ako ngunit sa huli ay tuluyan akong tumalikod at pumunta sa sala.
Namangha ako nang makita ang nagkikislapang ilaw na mula sa mga matatayog na gusali ng siyudad. Dahil malapit nang magbukang liwayway, unti-unti nang lumalamlam ang mga ilaw. Nakikita ko na ang kulay dilaw sa kalangitan, palatandaan na malapit nang sumikat ang araw.
Agad akong naglakad papunta sa kusina at tiningnan ang mga lalagyan kung ano ang pwedeng lutuin. Tiningnan ko rin ang ref at tanging karne lang ng manok ang nakita ko roon.
Dahil ang lutuan sa hacienda ay kagaya ng lutuan rito, naging madali na lang para sa akin ang pagluluto. Mabuti na lang at hindi ako nahirapang hanapin ang mga gamit sa pagluluto at sa mga sangkap nito. Nagsaing rin ako ng kanin, pagkatapos ay nagtimpla ako ng kape.
Nag-aayos na ako ng mesa nang makarinig ako ng mga yabag papasok sa kusina. Nag-angat ako na tingin at nakita ang senyorito na walang pang-itaas na damit. Napaawang ang labi ko nang makitang natabunan ng magulo niyang buhok ang mga mata niya. Antok siyang naglalakad na parang walang pakealam sa paligid at dumeretso sa ref.
Napako ako sa aking kinatatayuan at hindi alam kung ano ang gagawin. Gusto ko sana siyang batiin ng magandang umaga pero mukhang hindi magandang gawin 'yon ngayon lalo na't ganyan ang ayos niya. Nahihiya ako.
Napatalon ako sa gulat nang bigla na lang pumihit paharap sa akin ang senyorito. Sa kabila nang pagkakatabon ng buhok niya sa mga mata niya, nakita ko ang pagkunot ng noo niya nang makita ako.
Mula sa akin, napatingin siya sa mesa pagkatapos ay sinara ang ref habang hindi inaalis ang tingin sa akin. Para akong unti-unting natutunaw dahil sa mga tingin niya.
Dala ang isang pitsel ng malamig na tubig, lumapit siya sa mesa pagkatapos ay nilapag niya ito sa mesa kasabay nang paghagod niya sa sariling buhok paitaas.
"Nagluto ka?" Tanong niya na nagpakurap-kurap sa akin. Tumikhim ako pagkatapos ay tiningnan ang niluto kong ulam.
Tumango ako sa kaniya. "Ah, opo."
"Okay. Bihis lang ako," saad niya bago umalis sa kusina.
Nanghihina naman akong napahawak sa sandalan ng upuan at napahinga ng malalim. Kakayanin ko kayang tumira kasama ang senyorito at makita siya sa gano'ng itsura tuwing umaga? Kakayanin kaya ng puso ko?
YOU ARE READING
Incarnadine (Verdurous Series 1) - OnHold
DragosteTrapped with a deal she can't resist, can Cherry will be able guard her heart from the fall? Or will she let herself fall to the possible abyss of pain and misery? Will their opposite worlds hinder the imaginary growing love between them? Or will th...