"Hey, Jude!"
Muling tawag ni Stephanie sa pangalan ko. Naramdaman ko ang presensya niyang tumatakbo papalapit sa akin.
"Hindi kita nakita nitong nakaraang mga araw. Busy ka ba?"
Pinigilan ko ang sarili kong tumingin sa kaniya.
"O-oo, busy ako," sagot ko at nagpatuloy nang maglakad. Ramdam kong sumusunod siya sa akin dahil ang pagtibok ng puso ko'y bumibilis na para bang sobrang nagagalak.
"Gano'n ba? Eh 'di, wala ka ring oras na makipag-usap sa akin ngayon?" pangungulit pa niya. Hindi ko mapigilang tanungin ang sarili ko. Bakit siya narito na para bang walang nangyari noong nakaraan? Na para bang hindi sila nag-away ng nobyo niya dahil sa akin—sa lihim naming pagkikita. At muntikan ko pang aminin sa kaniya ang lahat na mukhang narinig din ni Rasty na kung hindi niya ako napigilan ay tuluyan ko nang naisiwalay ang lahat.
Sandali, kaya ba siya narito ay dahil hiwalay na sila ng nobyo niya? Pero, imposible.
Napansin kong tumigil siya sa paglakad kung kaya't napatingin ako sa kaniya. Pakshet.
Hindi na dapat ako tumingin pa.
Hindi ko na dapat nakita pa ang mga mata niyang nagbibigay pag-asa sa akin na baka balang araw makita niya rin ako, mapansin. At katulad ngayon, ako lang ang nakikita niya kung paanong siya lang ang nakikita ko. Na para bang walang ibang tao sa paligid namin at nasa iba kaming mundo. Kung saan ang bida ay siya lang at ako.
Ngunit ang mundong iyon ay malayo sa katotohanan at tanging pantasya ko lang. At ang mundong iyon ay para bang nalulusaw kasabay ng malakas na pagpatak ng ulan na tumatama sa aming dalawa. Kitang-kita ko kung paano siya nababasa ng ulan at kahit ang ulan ay hindi nakapagbabawas ng angkin niyang ganda.
"Galit ka ba sa akin?" tanong niya na nagpakunot sa noo ko. "Galit ka ba kaya lumalayo ka?"
Umiling ako at nilapitan ko siya. "Hindi. Bakit naman ako magagalit sa 'yo, Stephanie?"
Masyado kitang mahal.
"Kung hindi ka galit, bakit lumalayo ka?"
"Dahil may nobyo ka, Stephanie. Ayokong lumapit dahil ayokong makasira ako ng relasyon. Wala akong kaya kay Rasty," paliwanag ko.
"Hindi mo ba ako kayang ipaglaban sa kaniya?"
Napakurap ako. Anong ibig niyang sabihin?
"Hindi mo ba ako kayang kunin sa kaniya? Ayoko na sa kaniya, Jude!"
Napakagat ako sa labi ko.
"Pero hindi ko kayang makawala sa kaniya dahil alam niya ang sikreto ko. Alam niyang ampon ako, Jude! Ipagkakalat niya sa lahat na anak ako sa labas kapag nakipaghiwalay ako sa kaniya!"
Hindi ko alam ang ire-react ko. Masyado akong gulat sa mga impormasyong naririnig ko mula sa kaniya. Ibig sabihin, tungkol sa kaniya ang kinukwento niya sa akin? 'Yong mga bagay na sinasabi niya tungkol sa kaibigan niya ay tungkol pala talaga sa kaniya?
BINABASA MO ANG
Hey, Jude! (TO BE PUBLISHED)
Teen FictionTO BE PUBLISHED UNDER BLACK INK Matagal nang may pagtingin si Jude sa kapitbahay nilang si Stephanie ngunit wala siyang lakas ng loob na aminin ito. Bukod sa isa sa pinakamayaman sa probinsya nila ang pamilya ni Stephanie, pakiramdam ni Jude, wala s...