Lumipas ang mga araw na palagi kaming nagkikita ni Stephanie sa likod ng building. Palagi niyang ikinukwento ang tungkol sa kaibigan niya at sa tuwing magpapaalam na siya ay binibitin niya ang kwento upang maging dahilan ng pagkikita namin kinabukasan.
Aaminin kong natutuwa ako sa mga sandaling magkasama kami ngunit nagkakaroon ako ng bagabag na tila ba mali ang ginagawa namin dahil mayroon siyang nobyo. Wala man kaming ginagawang masama ngunit ang mga pagkikita namin ay makapagbibigay maling isipin sa kung sinong makakakita sa amin.
Gusto ko mang palaging makipagkita sa kaniya at makipagkuwentuhan ay mas mabuti yatang itigil na namin iyon.
Pumatak ang alas singko ng hapon hudyat na uwian na. Katulad ng nakagawian ay naglakad na ako papunta sa likod ng building ngunit hindi katulad ng pakiramdam ko noon na masaya, ngayon ay may bigat sa loob ko dahil naiisip kong magpaalam na sa kaniya.
Nakita ko siyang tumayo mula sa kinauupuan niya. Nakangiti siya habang kumakaway sa akin. Lalong kumikirot ang puso ko dahil ang paghakbang ko papalapit sa kaniya ay ang mga hakbang ko para magpaalam na lalayuan ko na siya.
"Jude!" tawag niya sa pangalan ko. "Kumusta?" tanong niya.
Hindi ko alam kung paano kami naging ganito kalapit ni Stephanie. Dati ay abot tanaw ko lang siya, ngayon ay nasa harap ko na siya't nasisilayan nang libre.
"O-okay lang. Ikaw?" alanganing tanong ko bago umupo sa tabi niya. Hindi ko maikiling ang sarili ko sa puwesto dahil may nararamdaman akong masamang mangyayari. Dahil ba ito sa pinaplano kong pagsabi sa kaniya na itigil na namin ang lihim na pagkikita at pagkukuwentuhan?
"Ayos lang din. May itatanong nga pala ako sa 'yo, Jude."
"Ano 'yon?"
"Bakit pala kayo nagkahiwalay ni Niana?"
Natigilan ako nang banggitin niya ang pangalan ni Niana. Ngayon ko na lang muling naalala ang tungkol sa kaniya.
"Ha? Bakit mo naitanong?"
"Wala. Na-curious lang ako. Pakiramdam ko kasi dahil sa akin."
Ilang beses akong kumurap dahil hindi ko alam ang isasagot ko sa kaniya. Napabuntong-hininga ako.
"Hindi naman totoo 'yong sa amin," sagot ko. "Nagkunwari lang kami," pag-amin ko sa kaniya.
"N-nagkunwari? Bakit?"
Napatingin ako sa kaniya. Ngayon na siguro ang tamang pagkakataong sabihin sa kaniya ang lahat. Tutal, sa palagi naming pag-uusap, doon mas napamumukha sa akin na kahit anong lapit namin ay hinding-hindi ako makakapasok sa puso niya dahil iba ang laman nito.
"Gusto ko kasing malaman kung magseselos ka ba...kung may gusto ka rin ba sa akin."
Napakunot ang noo niya. "A-anong ibig mong sabihin?" Bakas sa mukha niya ang pagkagulat sa mga sinasambit ko.
BINABASA MO ANG
Hey, Jude! (TO BE PUBLISHED)
Teen FictionTO BE PUBLISHED UNDER BLACK INK Matagal nang may pagtingin si Jude sa kapitbahay nilang si Stephanie ngunit wala siyang lakas ng loob na aminin ito. Bukod sa isa sa pinakamayaman sa probinsya nila ang pamilya ni Stephanie, pakiramdam ni Jude, wala s...