"Iabot mo ito kay Aling Kristina. Kamo ito 'yong para sa bahay," sambit ni inay sa akin sabay abot ng makapal na sobre. Ito na siguro 'yong huling bayad dahil binili na namin ang lupa at bahay na siyang tinitirhan namin. Nakakatuwa naman at may naipundar kami sa ilang taon naming pagsusumikap.
"Sige ho."
Lumabas na ako dala ang sobre habang naglalakad papunta sa bahay nila Aling Kristina. Malapit na ako nang matanaw ko ang isang babae—si Stephanie.
Hindi na ako nagdalawang isip pa at sinundan ko siya sa paglalakad. Papunta rin naman ako roon sa bahay nila. Napansin kong nagmamadali siya na para bang iniiwasan ako. Nakita niya na ba ako?
"Stephanie!" pagtawag ko sa kaniya dahilan upang mapatigil siya ngunit hindi siya lumilingon.
Sinubukan kong maglakad papunta sa kaniya ngunit isang hakbang palang ay narinig ko na siyang magsalita.
"Huwag kang lalapit."
Napansin ko ang pagtaas-baba ng kaniyang balikat na para bang may hindi magandang nangyayari sa kaniya kung kaya't hindi na ako nagpapigil sa kaniya. Nagtuloy-tuloy ako papunta sa harapan niya upang makita ang kalagayan niya.
"Sinabing 'wag kang lalapit!"
Hinawakan niya ang kaniyang dibdib na para bang nahihirapan siyang huminga kung kaya't inalalayan ko siya kahit na pinipilit niyang tanggalin ang kamay ko.
"Anong problema? Anong nangyayari sa 'yo, Stephanie?" sunod-sunod kong tanong dahil sa pag-aalala. Para akong walang hinahawakan dahil sobrang gaan niya. Naalala ko ang binanggit sa akin ni Jonas kagabi—na hinintay ako ng taong ito. Hindi ko mapigilang makunsensya habang pinagmamasdan ang buong anyo niya. Napakalaki ng pinagbago. At hindi ko maiwasang sisihin ang sarili ko.
"Wala ito. Umalis ka na." Ngunit patuloy pa rin siya sa pag-inda sa sumisikip niyang dibdib.
"Iniwan mo na 'ko. Bakit ka pa bumalik?" Napatingin ako sa mga mata niyang namumula na para bang pinipilit niyang huwag umiyak ngunit kitang-kita ko ang mga nangingilid niyang luha na unti-unting kumakawala mula sa kaniyang magagandang mata.
Pumikit siya at napayakap sa akin. Ipinasa niya ang bigat ng katawan niya. Nawalan siya ng malay.
Hindi ko mapigilang masaktan sa nakita kong sitwasyon niya. Hindi ko inaasahan.
Nakita ko sina Aling Kristina at si Mang Berting na humahangos papunta sa amin. Bakas sa mukha nila ang pag-aalala kung kaya't binuhat ko si Steph at sinalubong sila. Agad naman silang umalalay at binuksan ang pinto ng kanilang bahay. Dinala ko siya sa kaniyang kwarto at inihiga sa kaniyang kama.
Napakagat ako sa labi nang makita ang kabuoang kalagayan niya. Anong nangyari? Bakit nawalan siya ng malay? May sakit ba siya?
Naramdaman ko ang pagtapik sa akin ni Mang Berting. Muli kong naalala ang sobreng pinabibigay ni inay sa kanila.
BINABASA MO ANG
Hey, Jude! (TO BE PUBLISHED)
Teen FictionTO BE PUBLISHED UNDER BLACK INK Matagal nang may pagtingin si Jude sa kapitbahay nilang si Stephanie ngunit wala siyang lakas ng loob na aminin ito. Bukod sa isa sa pinakamayaman sa probinsya nila ang pamilya ni Stephanie, pakiramdam ni Jude, wala s...