Huli na nang mamalayan kong may mababangga ako dahil sa pagmamadali ko sa pagtakbo. Tiningnan ko kung sino ang nabangga ko para sana makahingi ng tawad pero agad na nagngitngit ang mga ngipin ko nang makita ko kung sino ito. Si Rasty.
"Tss. Harang-harang." Inismidan niya lang ako tsaka siya naglakad palayo sa akin. Mukhang nakilala niya rin kung sino ako pero mabuti na lang 'di siya naghamon ng away dahil 'di ko uurungan 'yang manyakis na 'yan. Baka batak 'to sa pag-iigib.
Nagpatuloy na lang ako sa pagtakbo papunta sa room nila Niana kung saan naroon pa raw si Stephanie. 'Di ko alintana ang malalakas na patak ng ulan na masakit sa balat. Wala. Ang nasa isip ko lang ay si Stephanie. Nag-aalala ako kung paano siya makakauwi kung ganito kalakas ang ulan.
Sumilip ako sa room nila at agad kong natanaw ang kagandahan niya. Nakaupo siya habang nakatingin sa labas ng bintana at mukhang hinihintay na tumila ito.
"Stephanie!" Napalingon siya dahil sa malakas na pagtawag ko. "Uwi na tayo," sambit ko. Napakunot ang noo niya at parang may tiningnan sa kamay ko. Napakamot naman ako. Wala nga pala akong payong. Ang lakas kong magyaya umuwi.
"Wala namang tayo." Tila ba pana na tumarak sa puso ko ang sinabi niya.
Oo nga pala.
"Uwi lang, walang tayo," nakangiti niyang sabi tsaka tumayo. Napanganga ako nang unti-unti siyang naglakad papunta sa akin. Shet, ang aga pa para sa pangarap kong kasal.
"S-sorry, wala pala akong payong," bulalas ko. Itinago ko ang aking mukha sa pagkahiya. Shet. Epic fail.
Narinig ko siyang tumawa. "Wala rin akong payong para ipahiram sa 'yo. Bakit ka ba narito? Kanina pa nakalabas si Niana."
"Ahh, oo, nakita ko siya. Siya ang nagsabing puntahan daw kita rito."
"Ha? Sinabi niyang puntahan mo ako? Bakit? Hindi ba siya magseselos? Bakit ako ang pupuntahan mo imbes na siya?" nagtataka niyang tanong.
Hindi ako nakapagsalita. Anong idadahilan ko? Sasabihin ko na ba sa kaniyang nagkukunwari lang kaming dalawa ni Niana? Pero, masyado pang maaga para sirain ko ang plano. Paano ko malalaman kung may nararamdaman para sa akin si Stephanie? Hindi ko nga rin alam kung posible bang magkagusto siya sa isang tulad ko.
"Sigurado ka bang ayos lang sa kaniya na ako ang kasama mo?" tanong niya na nagpakamot sa ulo ko. "Ha? H-hindi ko alam pero halika na. Umuwi na tayo."
Umiiling siya habang nauunang maglakad sa akin. Sabagay, nakakapagtaka nga kung bakit ang lakas ng loob kong puntahan siya rito at yakaging umuwi. Ano niya ba ako? At hindi naman kami ganoon kalapit para kausapin ko siya?
"Ano pang hinihintay mo d'yan, Jude? Akala ko ba uuwi na tayo?" Agad siyang lumabas at sumugod sa ulan na siyang ikinagulat ko. Bakit parang kung kausapin niya ako ngayon ay matagal na kaming magkakilala at magkaibigan? Parang kahapon lang nang sampalin niya ako.
BINABASA MO ANG
Hey, Jude! (TO BE PUBLISHED)
Dla nastolatkówTO BE PUBLISHED UNDER BLACK INK Matagal nang may pagtingin si Jude sa kapitbahay nilang si Stephanie ngunit wala siyang lakas ng loob na aminin ito. Bukod sa isa sa pinakamayaman sa probinsya nila ang pamilya ni Stephanie, pakiramdam ni Jude, wala s...