Kabanata XXV

609 18 12
                                    

Malamig ang kamay ko habang nilalakbay ang papunta sa hospital kung saan naroon si Niana

Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.

Malamig ang kamay ko habang nilalakbay ang papunta sa hospital kung saan naroon si Niana. Hindi ko matanggap. Ang bigat sa loob. Paanong nangyari ito? Nawala lang ako saglit.

"May brain tumor ang anak ko. Stage 4. Ang sabi nila maaari pa siyang mabuhay ng limang taon pa pero ayaw na ng anak kong sumailalim sa chemotherapy."

Paulit-ulit sa isipan ko ang sinabi ni Miss Bautista kanina. Hindi ko alam na siya pala ang ina ni Niana. Hindi ko alam na iyon pala ang dahilan kung bakit niya ako inuutusan palagi noon na pumunta sa kabilang section dahil para raw makasilay ang anak niya sa akin.

Hindi ko alam.

Patuloy ang pagtulo ng luha sa mga mata ko habang unti-unti akong lumalapit sa hantungan kung nasaan ang babaeng mahal ko. Gusto ko siyang makita ngunit nawawalan ako ng lakas. Ang sabi ni Miss Bautista ay ayaw raw ni Niana na ipaalam ito sa akin. Hindi niya gustong makita ko ang itsura niya.

Tinatagan ko ang loob ko at unti-unting binuksan ang pintuan ng kwarto kung saan namamalagi si Niana. Parang kahapon lang ay kausap ko siya. Sandali. Ito ang kwartong nakita ko kahapon. Narito na ba siya kagabi? Bakit hindi niya sinabi sa akin? Bakit hindi ko nahalata?

Bakit nakakangiti pa siya sa akin kagabi kahit malaki na ang sakit na nararamdaman niya?

Pinunasan ko ang luha ko bago ako nagdesisyong lumapit sa kama kung saan mahimbing na natutulog ang mahal ko. Ngunit nakita ko palang siya ay muli na namang bumagsak ang luha ko.

Gusto kong tanungin ang Panginoon, bakit? Bakit kailangang mangyari ito? Bakit sa lahat ng taong magkakasakit ay siya pa? Bakit hindi na lang ako? Ito ba ang karma ng nagawa ko noon?

Umagos ang luha sa pisngi ko habang pinipigilan ang paghikbi. Ayokong marinig niyang umiiyak ako para sa kaniya dahil baka mas lalo siyang masaktan.

Pero hindi ko matanggap. Kaya ba ganoon na lang kadalas ang pagiging malilimutin niya? Ito ba ang dahil kung bakit palagi siyang nahihilo at sumasakit ang ulo? Noon ay hirap siyang matulog at nitong mga nakaraang araw naman ay nagiging antukin siya. Ito ba ang dahilan? Dahil may sakit siya?

Pero bakit kahit may sakit siya ay mas pinili niya pa ring samahan ko ang ibang tao kaysa sa kaniya? Bakit hindi niya kayang unahin ang sarili niya? Bakit palagi na lang ibang tao? Bakit palagi na lang ako?

Hinalikan ko ang noo niya. Wala akong pakialam kung mawalan siya ng buhok, mamutla o pumayat, siya pa rin ang mahal ko at mamahalin ko. Ang nanaisin kong halikan at makasama sa susunod na limang taon.

"J-jude? A-anong ginagawa mo rito?" tanong niya. Nagising ko siya.

Agad kong pinunasan ang mga luha ko bago ako muling lumingon sa kaniya. Pilit naman siyang bumangon kung kaya't inalalayan ko siya.

"Gusto kitang makita. Miss na miss na kita, mahal ko."

Hinawakan ko ang pisngi niya at muli na namang naluha. Hindi ko mapigilan.

Hey, Jude! (TO BE PUBLISHED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon