***
Dahan-dahan kong idinilat ang mga mata ko nang tumama rito ang sikat ng papalubog na araw. Tinatangay ng alon ang aking katawang unti-unting lumulubog sa ilalim ng karagatan. Tanging ingay ng tubig lang ang rumerehistro sa tainga ko sa mga oras na 'yon. Wala akong maalala kung ano ang nangyari sa mga nakalipas na minuto. Inaasahan kong sa mga sandaling 'yon ay patay na ako. Kaya nagtataka ako na kung bakit hanggang ngayon ay tumitibok pa rin ang puso ko.
Nang tuluyan ko nang naidilat ang aking mga mata ay inilibot ko ang aking paningin, at napansing may taong lumalangoy papunta sa akin. At dahil nasa ilalim kami ng tubig ay hindi ko masyadong marinig ang mga sinasabi niya.
Iginawi ko ulit ang paningin ko sa aking itaas at doon ko muling nakita ang kulay kahel na kalangitan. Paunti-unti na ring dumidilim ang paligid, kaya mas dumoble ang lamig na nararamdaman ko ngayon dito sa ilalim ng tubig.
Hanggang sa naramdaman ko na lang na may mga kamay ang humawak sa kamay ko't pilit hinihila ang katawan ko paitaas. Hinayaan ko na lamang ang sarili ko na magpadala sa puwersang nanggagaling sa taong 'yon, kaya matagumpay niya akong nahila. Nang maramdaman niya ang bigat ko ay saka lang siya pumunta sa likuran ko't tuluyan na akong niyakap nang mahigpit. Kaya sumasabay ang katawan ko sa kanya habang lumalangoy paitaas ng tubig.
Nang matagumpay na kaming nakaabot sa itaas ay saka ko lang ulit siyang narinig na nagsalita. Pero sa pagkakataong 'yon ay hindi ko pa rin maintindihan ang kanyang mga sinasabi sa akin dahil para akong nakalutang sa ere sa mga oras na iyon.
Tinapik-tapik niya ang pisngi ko't kahit hindi ko man maintindihan ang kanyang mga sinasabi, ay nahahalata ko pa rin, at ramdam ang panginginig sa kanyang boses. At ang labis na pag-aalala.
Hanggang sa naramdaman kong lumalangoy ulit kaming dalawa at hinihila niya ako patungo sa pampang. Agad niya akong ihiniga nang makarating kami roon. Nakadilat lang ang mga mata ko buong oras, kaya nang pagtingin ko sa mukha niya ay pilit ko itong minumukhaan kahit nanlalabo pa rin ang aking paningin.
Muli niyang tinapik-tapik ang pisngi ko't inilapit ang kanyang tainga sa aking dibdib, sinisiguro kung humihinga pa ba ako o hindi.
"P-Please, Jett. Huwag ka munang mawawala..." sabi nito sa akin, na para bang umaalingawngaw ang boses niya sa isipan ko sa mga oras na 'yon.
Bahagyang nakabuka ang bibig ko't hindi ko masyadong maramdaman ang sarili kong paghinga. Kaya nang mapansin niya 'yon ay dali-dali niya akong binigyan ng CPR. Mabilis niyang pinikpik ang dibdib ko gamit ang pareho niyang mga kamay na magkapatong, at pinosisyon ito sa maingat na parte ng aking dibdib—sa takot na baka matamaan niya't mabali ang mga buto sa baga ko. Pagkatapos no'n ay binigyan niya ako ng hininga nang inilapat niya ang kanyang labi sa akin, at ibinuka ito para tuluyang makapasok ang hangin papunta sa dibdib ko. Ilang beses niya 'yong paulit-ulit na ginawa hanggang sa umubo ako't iniluwa lahat ng mga nainom kong tubig-dagat. At doon ko lang siya nakitang nakahinga nang maluwag, nang mapagtantong humihinga pa ako.
BINABASA MO ANG
Your Smile In Our Long Drive [BOYXBOY]
General Fiction- Featured in WattpadRomancePh's "Rainbow Romance", and "Featured Stories" Reading List *** When Jett finally learned that his parents no longer felt love for each other, all he felt was emptiness. And he didn't realize that he was living with it ev...