Chapter 64

524 29 19
                                    

"Nay?"

Umupo ang Nanay Yolly nya sa gilid ng kanyang kama.

"Tumawag rito si Blaze." simula ng nanay nya. "May nangyari ba sa inyo? Bakit ngayon ka lang umuwi kung kanina ka pa pala umalis sa resort nila Blaze?"

Napabuntong-hininga si Yassi.

"Ano po ba ang sinabi ni Blaze sa inyo?" mahinahon nyang tanong. Gusto nyang malaman kung hanggang saan ang nalalaman ng kanyang ina sa mga sinabi ni Blaze dito.

"May ginawa daw syang hindi mo nagustuhan kaya umalis ka sa party ng nanay nya." sagot ng kanyang Nanay Yolly.

"Sinabi nya po ba kung anong ginawa nya?" tanong ulit ni Yassi.

"Bakit ayaw mo kay Blaze anak?  Mabuting tao si Blaze, napakabait at maalalahanin, kasundo ng tatay mo, kasundo namin." sagot ng Nanay Yolly nya sa mahinahong paraan.

Ibig sabihin, sinabi ni Blaze ang totoong nangyari.

Huminga ng malalim si Yassi.

"Nay, tinanong ko na rin ang sarili ko, anong ayaw ko sa kanya? Wala akong makitang dahilan para ayawan sya... Pero mahirap diktahan ang puso."

Tinitigan sya ng kanyang ina.

"Siya pa rin ba?" tanong nito.

Kumunot ang noo ni Yassi. May alam ba ang kanyang ina sa kanyang nakaraan?

"Nay?"

"Mahal mo pa rin si Simon, tama ba?"

Hindi kumibo si Yassi.

"Anak kita. Noon pa, ramdam ko na kung sino sa mga Marcos ang nakapalagayang-loob mo. Akala ko si Sandro pero naramdaman kong si Simon yun dahil nang ayaw kang ipakausap ng Tatay mo sa kanya umiyak si Simon sa harap ng tatay mo.  May relasyon kayo ni Simon noon, tama ba?"

Tumungo si Yassi.

"Anak, pasensya ka na. Kung binata lang si Simon, gugustuhin ko rin sya para sa iyo. Mababait ang magkakapatid na yun, maganda ang pagpapalaki sa kanila, may kababaang-loob kahit mayaman ang pamilya nila. Pero hindi na kayo pwede ni Simon. May asawa na sya."

"Nay sa papel lang. Hindi naman sila nagsama bilang tunay na mag-asawa. Sana po maintindihan nyo, wala akong ibang minahal kundi si Simon lang. At ang mahalaga doon, mahal din nya ako."

"Anak..." nahihirapan ang loob na bigkas ni Nanay Yolly.

Nanubig ang mga mata ni Yassi at tuluyan na yung lumandas sa mga pisngi nya.

"Nay patawarin nyo po ako. Mahal ko po talaga si Si."

Pinaupo ni Nanay Yolly ang anak.

"Hindi ako magiging hadlang sa kaligayahan mo anak. Nasa tamang edad ka na. Kung mahal  nyo ni Simon ang isa't isa, sige lang. Pero sana lakasan mo ang loob mo sa sasabihin ng mga tao kapag nalaman nilang may-asawa na si Simon. Mapanghusga ang mga tao. Ikinakatakot ko lang baka masabihan kang kerida."

"Nay nangako po si Si, aayusin nya ang annulment nila ni Marianna. Matagal na po nyang nai-file yun kaya lang di nila matagpuan ang dati nyang asawa."

"Harinawang matapos na ang suliranin nya sa dati nyang asawa, anak. Walang magulang na gugustuhing matawag na kabit ang anak. Kung kayo na ni Simon, hangga't maaari sana, mag-ingat kayo sa mga mapanghusgang mga tao. Ilihim nyo muna ang relasyon nyo hangga't maaari. Lalo na sa Tatay mo. Alam mong ayaw noon sa mga Marcos."

Tumango tango si Yassi.

"Salamat po Nay!" niyakap ni Yassi ang kanyang ina.

Hindi naikubli ni Yassi ang saya dahil hindi naman pala hadlang ang nanay nya sa relasyon nila ni Simon. Tanging si Tatay Mario lang nya ang kanyang iniisip. Gustong gusto ng Tatay nya si Blaze. Sana naman magustuhan at tanggapin din nito si Simon.

Silent PainTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon