Chapter 16

2.1K 40 0
                                        

Keith

Kung pwede lang liparin ang pagitan ng aming bahay at ng hospital ay ginawa ko na. Ang pagdagundong ng aking puso, ang panlalabo ng aking mata, ang panginginig ng aking mga tuhod, at ang unti-unting paglaho ng mga tunog sa aking paligid dulot ng mga katagang aking narinig. Hindi ko sukat-akalain na ang mga noo'y napapanood  ko lang sa mga programa sa telebisyon ay turang nangyari sa akin ngayon.

Di ko alam ang gagawin at napaluhod na lamang ako na dali-dali namang inalalayan ni Mang Nicanor. Ang mga katagang sinasambit niya ay tila huni ng paru-paro na sa kahinaan ay tinatangay lang ng hangin.

Hindi ko maharaya kung merong masamang mangyari sa aking mahal. Ayaw ko mang isipin ngunit kung sakali mang ako'y lisanin ni Roldan ay tandis na ako'y nakasumpang lisanin ng aking mga mahal - na maging mag-isa panghabambuhay.

Kasalanan ko ang lahat!

Kung di lamang gumising ng maaga si Roldan upang ako'y paghandaan; at pagbigyang punan ang init ng laman nito; ay di sana ito napagod o naantok sa kanyang trabaho. Wala na akong ibang maiisip na dahilan, kasalanan ko ang lahat!

Gusto kung humagulgol ngunit kailangan kong makita ang aking mahal, kaya naman ay binuo ko ang aking lakas at tumayo.

Inaalo pa ako ni Mang Nicanor na magpahinga at baka kung ano pa daw ang mangyari sa akin ngunit pinasigurado kong kaya ko at kakayanin ko ang kahit ano mang dadatnan ko roon.

Ilang sandali at nilubaybay na namin ang daan palabas upang tahakin ang patungong hospital.

Sa daan ay naroon pa din si Mang Hector at matamang nakatingin sa akin na tila may iniisip na di matarok. Kung ano man ang iniisip nito ay wala akong pakialam.

Mabuti nalang at nakakuha kami agad ng traysikel at padiretsong pinatungo ang pagamutan.

Lahat ng santo na ata ay aking nasambit sa aking panalangin na sana'y nasa mabuting kalagayan ang aking mahal. Wala kaming ibang alam sa kalagayan ni Roldan sapagkat ang tanging natanggap na mensahe ni Mang Nicanor ay nasa hospital ang aking mahal dahil sa aksidente sa daan; at sinaliwan ako papuntang pagamutan.

Nasa ulong-bayan lang ang hospital na kung tutuusin ay malapit lang ngunit tila milya ang layo nito sa aming pagbaybay ng daan.

Kung pwede lang sabihan ang mamang nagmamaneho na ipihit at paliparin ang padyak nito.

Kahit ilang minuto ang ang itinagal ng aming pagbaybay, para sa akin ay oras ang bawat patak ng segundong di ko nakikita si Roldan.

Agaran naming tinahak ang pupitre ng mga impormasyon ng mga isinugod sa ospital. Pinagbigay alam namin ang pangalan sa tagapangasiwa at ipinaalam naman kagaad nito ang kwarto kung saan naroon ang aking mahal.

Di ko na hinintay pa si Mang Nicanor at tinakbo na ang pasilyo sapagkat narinig ko din ang numero ng kwarto at saan banda ang kinaroroonan nito.

Nang marating ang tapat ng kwarto ay inihanda ko na ang aking sarili at mahinang pinihit ang tatangnan ng pinto.

Dahil sa hina ng pagbukas ng pinto ay di man ako nahalata ng mga tao sa loob maliban sa pasyenteng nakahiga at bantay nito na siyang pinakamalapit sa pintuan.

Tatlo lang ang pasyente sa loob kaya di ako nahirapan na mahagilap ang aking pakay.

Bahagya itong nakahiga habang kausap ang tatlong taong nakatayo sa gilid ng kanyang higaan - dalawang lalaki at isang babae.

Ang mga luhang kanina pa naghihintay na rumagasa sa aking mata ay dumaloy nalang nang mapabaling sa akin ang aking mahal. Ang makita na buhay ang pinagkukunan ko ng buhay ay isang malaking ginhawa sa tinik ng mga takot at pangambang kanina lang ay bumabalot sa aking pagkatao.

Tito Tatay MahalTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon