Keith
Liham ng isang mangingibig.
Sinipat ko ang kabuuan ngunit laking pagtataka ko lamang sapagkat walang nakalagay na ano mang pagkakakilanlan ang naturang liham. Maging sa harap o sa likod ay wala itong palatandaan para malaman kung saan o kanino ito galing.
"Bakit kaya kailangan pang itago nito ang pagkakakilanlan kung ito'y may pagkakagusto sa akin?" Saad ko sa aking sarili.
Di rin naman iba sa akin ang may maghayag ng damdamin. Ayaw kong magmataas ngunit karamihan ang nagsabi na nagtataglay ako ng kagandahang pisikal kung gaya't marami-rami din ang nagkakagusto.
At alam naman natin ang kadahilanan kung bakit ni isa sa aking mga tagahanga ay wala akong pinagbalikan ng damdamin sapagkat meron nang may nagmamay-ari ng puso ko. Gayong di normal sa paningin ng karamihan ang relasyong aking pinasok ay tiyak na hahantong ito sa isang malaking eskandalo na pareho naming ikakawasak; at hinding-hindi ko papayagang mangyari iyon.
Kung mali ang pagmamahalan namin ni Roldan; siyang mali magmahal? Mali ba ang magmahal? Ano ba ang pinagkaiba ng pagmamahalan ng babae't lalaki sa pagmamahalan ng magkaparehong kasarian? Kung pagbabasehan ang kahubugan ng pangangailangan na magparami ng sangkatauhan, pwede din namang mabuntis ng walang pagmamahal - katulad ni inay.
Kung ang pagmamahal ay ang pagbibigayan ng damdamin ng dalawang taong magsing-irog, pano naging mali ang pagmamahalan namin ni Roldan?
Mga tanong na gusto kong ipagsigawan. Ang damdaming gusto ko ipangalandakan.
Ngunit di ko magawa.
Kaya sa mga pagkakataon na ako ay nakakatanggap ng paghanga, ay akin na lamang idinadahilan na wala pa akong balak makipagrelasyon hangga't di ako nakapagtapos; na may kaunting katotohanan din naman. Gusto ko talagang magsumikap sa aking pag-aaral at bigyang pugay at maibalikan ang paghihirap ng aking minamahal ako'y makapag-aral lamang.
Gusto kong mamuhay ng matiwasay kasama sa piling ni Roldan.
Oo madami ang haka-haka na baka bakla daw ako. Di naman ako nagdadamit babae, kumikendeng binabae, o nagsasalita ng may matinis na boses. Sa totoo nga ay humahanga pa din ako sa ganda ng mga kababaihan, sadya lamang na nahulog at nagmahal ako kay Roldan.
Kung tatanungin naman kung magkakagusto ba ako sa ibang kalalakihan ay madalian kong ilalahad na iyan ay di posible pang mangyari. Isipin pa lamang na gawin ang kayamuan sa ibang lalaki ay nagsisitaasan na ang balahibo ko sa katawan; kaya di ko alam kung saan ko ilulugar ang aking pagkakakilanlan.
Nabaling ulit ang aking atensyon sa sulat, nagtataka sa pagkakakilanlan ng aking tagahanga.
Nabigla nalang ako dahil nang ibaba ko ang liham ay tumambad sa akin si Marc, dilat ang mata, na naniningkit sa pagtatakang-titig sa sulat na aking hawak. Tila kakagising palang nito sapagkat ito'y nakaposisyong pantulog pa.
"Ano yan kuya?" tanong nito.
"Uhmmm, e-eto? Wala lang!
Rosas na papel, gawa ng pamangkin ni Roldan. Binusisi ko lang para malaman kung pano gawin. Baka may pagbigyan sa susunod. ha-ha!
Nag-ingay ba ako? Naantala ko ata pagtulog mo. Tulog ka nalang ulit, matagal pa ata yung pangongopya ng mga kaklase natin." Dere-deretso kong sambit na kita ding ipinagtaka nito.
Kinuha nito ang aking kamay at inihimlay sa kanyang buhok para hagudin. Ito ang palagian nitong hinihingi kapag gusto nitong mahimlay. Iginalaw nito ang kanyang ulo upang mahagod ko ang parteng gusto nitong mahimas.
Napatawa nalang ko. "Bata."
Nangiti lamang ito at bumelat sa akin.
"Aba ang damulag nagpapakasanggol na naman." Ani ni Erin nang makita akong hagod ang buhok ni Marc.