Keith
Dalawang taon na ang nakararaan ng manirahan kami sa puder ni tito Roldan. At sa dalawang taon na yaon ay sapat para sabihin na mali ang aking pag-aakala sa aking tiyo. Aminin na natin na madalas nating husgahan ang isang tao base sa panlabas na kaanyuan. Di niyo rin naman ako masisisi dahil sa mga karanasang aking napagdaanan.
Napakaraming nangyari sa loob ng dalawang taon, at ang pinakamaganda roon ay ang muli akong makapag-aral. Si tito Roldan pa mismo ang nagpumilit na bumalik ako sa pag-aaral. Nga pala, baka napapansin ninyong tito pa rin ang tawag ko sa kanya kahit na isang pamilya na kami. Minsan na akong pinagsabihan ni tito na tawagin siyang tatay ngunit tila di ko talagang magawang ihayag ang hiling nito. Sadyang di palasalita ang tiyo kaya siguro lakas-loob nitong iminungkahi iyon, ngunit sa ilang araw na nagdaan ay di ko pa rin kayang sabihin ang katagang "tatay"; di rin naman nagpumilit ang tiyo kaya naman "tiyo o tito" pa rin ang tawag pandangal ko rito.
Sa pagbabalik, siya man ay hindi nakapagtaos ng sekondarya kaya alam nito ang kahalagahan ng edukasyon. Ilang linggo ding nagbangayan sila ni inay tungkol rito bago pa man napa-oo ni tito ang aking ina.
Gusto ng aking ina na tumulong nalang ako kay tito sa mga gawain para naman may makita din ako at may maitulong sa gastusing-bahay. Ngunit si tito mismo ang umalma sa gustong mangyari ng aking ina. Kaya pati ang konstruksyon, pangungumpuni ng sirang sasakyan at ibang mga kagamitan ay pinaltos na niya maitaguyod lang kami.
Dahil dito, humanga ako kay tito. Ni katiting na dugo't laman ay wala kaming koneksyon ngunit handa itong gawin ang lahat matugunan lang ang pangangailangan ng binuo nitong pamilya.
Kaya naman ipinangako ko sa aking sarili na gagawin ko ang lahat para makapagtapos ng pag-aaral at masuklian ang paghihirap at sakripisyo ni tito (at ng aking ina).
Tuwing sabado at linggo ay tumutulong akong maglako ng mga niluto ni nanay: maja blanca, pancit, suman, at anu-ano pa. Ayaw kong maging pabigat. Dapat maipakita ko sa kanila na desido ako at karapatdapat sa oportunidad na iniukol nila sa akin.
Malayo pa ang aking tatahakin upang makamtan ko ang aking mga pangarap subalit kahit na gumapang ako sa daan na aking tatahakin ay gagawin ko makamit ko lang ang makapagtapos ng pag-aaral.
Nasa anim na baitang pa lang ako kahit na nasa edad na katorse. Tanda ko pa ang mga sandali nung bumalik ako sa paaralan; ang pumila kasama ng ibang mga bata para sa pagpupugay sa bandila ng Pilipinas, ang bango ng mga bangkong kahoy at lamesa, at ang muling paghawak ng mga librong bibigyan ko ng oras basahin upang matuto ng mga bagay-bagay. Marami ding mga bata ang nagtatanong kung bakit malaki na raw ako. Sa una ay nahihiya din dahil kahit na dalawang taon lang ang agwat ko sa mga ito ay tila nabibigyang pansin nila ang rason kung bakit napahinto ako ng pag-aaral. Kalaunan ay tila naging kuya na din ako sa kanila kaya naman pinag-igihan ko pa na maging isang mabuting ehemplo sa mga ito.
Di mo rin maiiwasan yung mga taong mapangmata at mapanghusga. Kahit na sa mga guro ay malimit ko ring marinig ang mga usapan hinggil sa aking pinagmulan at iba pang mga bagay-bagay. Yung iba ay pawang walang katotohanan at iba ay may kakarampot na tamang impormasyon ngunit mistulang pinalampas sa bakuran sa kung ano-anong bagay na idinagdag mula sa katotohanan.
Tao lang din naman ako at nasasaktan, ngunit sa bawat nagtatanong ay sinasagot ko nalang ng malabnaw na tugon.
Meron mang nanghuhusga ngunit meron din namang nakakaintindi. Ang sa akin ngayon ay ang unti-unti kong pag-abot sa aking mga mithiin na maialis kami sa kahirapan. Gusto kong mabigyan ng magandang buhay ang aking mga magulang. Ang iparanas sa aking ina ang kaginhawaan na dapat at karapatan niyang matamasa; lalo na kay tito kung saan buong buhay kong ipinagpapasalamat ang pagtanggap sa amin ng aking ina at sa pagbukas ng pagkakataong makapagtapos ng pag-aaral.
BINABASA MO ANG
Tito Tatay Mahal
RomantizmEdad? Kaugnayan? Kasarian? Ang alam ko lang, umiibig ako!
