Keith
Sadyang napakabilis ng panahon.
Ngayo'y nasa ikatlong taon na ako ng aking sekondarya, at papalapit na ako sa aking mithiin sa buhay - ang makapagtapos ng aking pag-aaral. Hindi lamang ng sekondarya kundi pati rin sa kolehiyo.
Ang kamunting kislap ng pag-asa noon na makaahon sa kahirapan sa tulong ng edukasyon ay ngayo'y nagniningning na't lumiliwanag sa paggabay ng daang aking tatahakin. Ang makita ang mga lubak sa daan na pwede kong ikapada; ang mga tinik o bubog na maari kong ikasugat at magpabagal ng aking baybayin; at mga patag na daan kung saan maaari akong tumakbo upang mas mapabilis ang pag-abot sa pisi sa bandang dulo ng daang aking tinatahak.
Sa nakaarang tatlong taon ay tila araw lamang na nagdaan.
Siya ngang tapat ang kasabihan na ang oras ay makupad kapag naghihintay. Matulin kapag nahuhuli sa paroroonan. Mabagsik at nakakamatay kapag nalulumbay. Maigsi kapag ika'y naliligayahan. Masaya ako dahil dandoon ako sa panghuling talinhaga.
Masaya ang naging pagsasama namin ni Roldan kahit tago pa man din sa lahat ang aming pag-iibigan. Matapos itong tuluyang maghilom mula sa mga natamo nito sa aksidenteng kanyang kinasangkutan, ay siyang pagbabalik niya sa kanyang pinagtatrabahuan. Kayod kalabaw siya, ako kambing lang. Mahirap man ngunit gumagaan ang lahat kapag nagtutulungan.
Sa bawat araw na makita ang sa mga mata kong pinakaperpektong nilalang, katabi sa pagbukas ng aking mga mata, sa tuwing gigising ako sa umaga, at ang huling mukha na aking maaaninag sa pagsuklob ng aking mga mata sa pagtulog; ang dulot ng kanyang labi na gusto kong kadikit ng akin sa bawat pagkakataon kung pwede lamang; at ang maramdaman ang alab ng kanyang pagmamahal sa tuwing magkarugtong ang aming katawan. Wala na akong nanaisin pa!
Nakakahiya mang aminin subalit ako'y hulog na hulog na sa Adonis na ipinagkaloob sa akin sa kasukluban ni Roldan. Wala man itong mga mamon na nakapaskil sa kanyang kalamnan. Pandesal, meron — isang malaking pandesal. Di man Kasing kinis at kaputi ang kanyang balat gaya ng mga kalalakihang nakapaskil ang litrato sa mga pahayagan. Kahit di katangusan ang kanyang ilong, ngunit, subalit, bagaman, datapwat, ay walang ibang paglalagakan ang puso ko't paningin kundi siya lamang.
Hindi man ako babae ngunit mahabagin lang kung sakaling may kumalantari sa aking pag-aari! Sisiguraduhin kong wala akong ititira sa itaas at ibabang buhok ng sino mang babaeng magtatangkang sumungkit sa'king minamahal.
Baliw! Tama, baliw! Ganun na karurok ang pagtatangi ko kay Roldan.
Nagbalik lamang ako sa aking ulirat ng may mabigat na umangkas sa aking likuran. Di ko pa man nasisilip kung sino pagkat alam ko na ang kanyang pagkakakilanlan - si Rolan.
"Magandang umaga kuyaaaa!" Masayang bati nito habang nakasukbit ang dalawang kamay saking leeg upang maiwasang malaglag sa pagkakapasan.
Ilang taon ang lumipas ngunit wala pa ring pinagbago ang isang to kundi ang pumasan sa akin sa tuwing makikita ako habang patungo sa paaralan.
Inasahan ko naman ang mga kasunod na mga tinig pagsuway ng kambal na sina Erin at Elis. Matapos ang ilang kurot at pingot na tinamo mula kay Erin ay bumaba na rin si Rolan sa pagsuko.
Ganito ang laging tagpo pagpasok o pag-uwi man mula sa paaralan; na nagbibigay ng karagdagang saya sa aking pagkatao.
Malayo-layo pa man ay narinig ko na ang pagtawag ni Rolan kay Marc na nag-aantay sa gilid ng tarangkahan ng paaralan. Ako at ang kambal ay kumaway sa binata. Naaninag ko naman ang ngiti sa kanyang labi ngunit mabilis ding nawala sa paglapit namin sa kanyang kinaroroonan.
Unang araw ng eskwela. Pawang batian at kamustahan ang ganap sa mga di magkandaumal na mga estudyanteng papasok. Kasabay din namin ang mga estudyante ng elementarya sapagkat magkadikit lamang ang aming paaralan.