Chapter 5

99 12 0
                                    

Kinleigh Paloma Tigasin

Oops! This image does not follow our content guidelines. To continue publishing, please remove it or upload a different image.

Kinleigh Paloma Tigasin

***

Isang linggo na ang lumipas simula nang malaman namin na hindi pala roon ikinulong si ate Bea. Ayon kay Moy, na naglakas loob magtanong sa isang tauhan ni Mayor, na sa ibang Police Station daw ikinulong si ate Bea. Kaya naman para akong nabunutan ng malaking tinik sa lalamunan at nakahinga ng matiwasay sa nalaman.

Ang kaso nga lang ay hindi naitanong ni Moy kung saang presinto ba. Nagmamadali raw ang natanungan niya kaya hindi na siya nagpumilit pa.

Pero ayos lang 'yon. Sa ngayon ay napanatag na ang loob ko sa ibinalita niya.

"Kinleigh, halika ka't maghahapunan na!" nabitawan ko ang hawak-hawak na kuwintas dahil sa gulat. Ano ba 'yan si Nanay, parang armalite ang bibig, napakalapit naman ng kuwarto ko sa sala.

Anak ng pusa naman, nasa'n na ba 'yong binigay na bracelet nung kapitbahay ko? Ang naaalala ko ay dito ko nilagay 'yon. Nasaan na?

Yumuko ako at hinanap sa ilalim ng study table ang maliit na kahon na pinaglalagyan nung mamahaling porselas.

"Andiyan ka lang pala," mahina kong sabi saka dinampot ang kahon.

Pinagpagan ko muna bago nilagay sa loob ng drawer. Hindi ko talaga hilig magsuot ng ganito, mahilig lang talaga akong tumanggap ng mga bigay mula sa ibang tao.

"Kinleigh!"

Napakamot ako sa ulo ko at mabilis na lumabas ng kuwarto. "Papunta na!" sigaw ko.

Pagkarating ko sa kusina ay nakapuwesto na ang tatlong bulilit sa kaniya-kaniya nilang upuan at si Tatay habang si Nanay ay mukhang nagsasandok pa ng ulam. Akmang uupo na 'ko sa puwesto ko nang biglang kinaltukan ni Nanay ang batok ko.

"Nay!" reklamo ko at bahagyang napangiwi.

"Ito," inabot niya ang isang maliit na mangkok sa kamay ko. "Dalhin mo muna roon sa kapitbahay natin. Pasasalamat sa binigay niyang baon sa tatlong bulilit," sabi niya pa na ikinasalubong ng dalawa kong kilay.

"Baon? Eh, binigyan ko na ng baon ang tatlong biik na 'to eh." sabi ko pa habang nakakunot noo.

"Kinuha ko 'yong binigay mo kasi nakita kong binigyan niya ang tatlo. Bukas nila 'to ipangbabaon," sagot ni Nanay kaya napipilitan akong tumango.

Bago pa 'ko makarating sa tapat ng pinto niya ay huminga muna ako nang malalim saka kumatok. Halos gabi-gabi yata namin siyang binibigyan ng ulam. Gabi-gabi rin akong pabalik-balik sa bahay niya pero ni minsan ay hindi ko pa nakikita ulit ang kapatid niya kuno.

"Tao po!" kumatok ako nang tatlong malakas na magkakasunod.

Nakakapagtaka naman na hindi pa rin niya 'ko pinagbubuksan. Samantalang, nitong nakaraang araw lang eh, hindi na umaabot sa tatlong katok ang nagagawa ko dahil mabilis niya 'kong pinagbubuksan ng pinto.

Palengke Series #7: Take it or Leave it | ✓Where stories live. Discover now