Estrangherong hindi nais kilalanin, ikaw ba'y kalaban?
Estrangherong hindi nais ibigin, sa iyo'y mananahan.
***
- T A L A -
Sa sobrang lakas ng hangin ay naitulak ako sa gitnang parte ng kuweba kung saan nandoon ang bukas na parte niyon. Ayon na naman at basang-basa na naman ako dahil sa buhos ng ulan. Unti-unti ay lumingon ako sa likuran kung saan nanggaling ang hangin.
Ilang beses pa akong kumurap hanggang sa tuluyang maglaho ang usok sa paligid. Ganoon na lang ang pagbuka ng bibig ko nang makita ang isang pares ng mga matang nakatingin diretso sa akin.
"B-Bakit ka pa kasi lumingon, Tala?" naginginig ang baba ko habang sinasabi iyon.
Magka-iba ang kulay ng mga mata nito... ang isa'y purong puti at ang isa'y matingkad na dilaw. Hindi normal ang laki... huhu! Parang kasing laki na ng batiya namin iyon!
Bumagal ang pagdaloy ng bawat segundong natitira sa buhay ko. Maging ang paghinga ko ay kakaiba ang bigat at ang mga mata ko'y mapupunit na sa laki ng pagkakadilat.
Ito na ba 'yung part na dapat magf-flashback ang memories mo mula pagka-bata?
Rinig ko ang malalakas na kulog na para bang nagmistulang malalaking tambol na nag-iingay. Nakikisabay ang ingay no'n sa lakas ng pagkabog ng dibdib ko. Mabagal... mabigat... na ramdam ko mula sa pulsuhan, sa likod ng tenga, at maging sa sintido ko.
Ito na ba ang katapusan ko?
Bukod sa namumuong mga ulap ay ramdam ko na rin ang namumuong bagyo sa loob ko. Magkakahalong kaba, lungkot, at takot ang nararamdaman ko. Kung paanong magpakumbaba ang ulan, ay ganoon rin ang pagbagsak ng mga luha mula sa mga mata ko.
Ang mga kidlat na nagsasayawan sa itaas ang nagbigay ng kaunting liwanag sa loob ng kuweba. Ngunit hindi iyon sapat para makita kung sino ang estrangherong kaharap ko.
Ito na ba ang sinasabi nilang B-Bakunawa?
Pigil ang hiningang pinanood ko ang pagliwanag ng dilaw niyang mata. Dumaloy ang liwanag mula sa mata paakyat sa kung saan.
Naramdaman ko na lang ang marahang paggalaw ng buhangin kung saan nakalapat ang aking mga paa. Hindi ko napansing inilapit ako nito sa kaniyang gawi.
Paano niyang nagawa iyon nang hindi gumagalaw?
Ganoon na lang ang pagbawi ko ng hininga nang may tumamang kidlat mula sa likod ko... kung saan ako nakatayo kanina.
Inilayo niya ako sa kidlat?
Ang kidlat na nanggaling sa kalangitan ay sobra pa para makita ko ang loob ng madilim na kuweba. Wala pang isang segundo kung tutuusin, ngunit nasilayan ko ang kabuuan ng estranghero.
BINABASA MO ANG
BUWI: Sanlibong Taong Paghimbing
FantasiSa kagustuhang tumakas sa realidad ng buhay, si Tala, isang illustrator sa isang publishing company, ay nag-resign sa kaniyang trabaho. Hinihiling niyang pahinga at katahimikan ang mahanap sa bakasyon dahil ilang buwan na siyang apektado mula sa pag...