Kaya mo bang kausapin ang taong malaki ang kasalanan sa iyo? May tiwala ka pa bang maibibigay sa kanya sa kabila ng mga pagkakamali niya? Hindi tayo perpekto pero akala ko ba ang magulang hindi kayang tiisin ang kanyang mga anak? Akala ko ba kayang gawin ng mga magulang ang lahat para sa kanilang mga supling? Akala ko ba walang makakapantay sa pagmamahal ng isang ina sa kanyang mga anak? Puro akala lang talaga ako. Laking pasalamat ko na lang kasi di pa ako namamatay sa mga maling akala na iyan. Literally!
"A-ano bang sasabihin mo? At tama ba na magtutungo na kami sa Manila?"
Nanginginig ang labi ko habang nagsasalita. Nahihirapan akong makipag-usap sa kanya. Ni hindi ko na siya matingnan muli, makausap pa kaya sa napakatagal na panahon?
Tumayo ako at inahon ang aking niluto. Maging ang aking mga kamay ay nangangatal sanhi ng aking ng galit at gulat na nararamdaman ko. Galit, para sa aking ina at gulat na babalik na kami ng syudad. Di pa iyon nababanggit sa akin ni Rigor.
"Nagkamali talaga ako, Angela."
Pumiyok agad ang kanyang boses nang magsalita siya ukol sa kanyang pagkakamali. Gutom man ako ngayon wala ako sa wisyo upang mananghalian sa kanyang harapan. Hindi ko na nga masikmura ang panimula niya, pagkain ko pa kaya? Huminga ako ng malalim at bumalik sa pag-upo sa kanyang harapan. Kailangan kong maging matapang sa pagkakataon upang marinig ko na ang kanyang mga paliwanag.
"Sa totoo lang, may nakaraan kami ng lalaking sinasamahan ko ngayon. Naudlot dahil nilisan ko ang bayang ito. Nakarating ako ng lungsod upang mag-aral at makahanap ng trabaho. Doon ko rin nakilala ang Papa niyo. Dahil wala naman kaming komunikasyon, parang nawalan din ako ng kasintahan. Nalungkot ako at nahanap ko ang kaligayahan sa Papa mo. Pinakasalan ko siya kahit di ganoon kalalim ang pagmamahal ko sa inyong ama. Nagsama kami at nagkaroon ng sariling pamilya. Pakiramdam ko, tama ang aking pagpapasya dahil may asawa't anak na rin ang unang lalaking minahal ko."
Tumango lang ako at pinaglalaruan ang aking mga daliri sa hapag. Hinayaan ko siyang magsalaysay sa katotohanang wala akong kamalayan. Nawa ay maliwanagan ako sa lahat ng kanyang sasabihin.
"At sa di inaasahan, bumalik ang lahat sa aking nakaraan nang nagkasama kami sa isang trabaho. Pareho kaming nurse at naging magkatrabaho kami nang magkaroon ng health service dito ang ospital na pinagsisilbihan ko---"
"Sa isang salita, pinagpalit mo lang naman kami."
Binigyan diin ko ang pangungusap na iyon. Klaro na sa akin na kahit may kabiyak ka na ay maaari ka pa ring magmahal ng iba. Tapos na sa kanila ang lahat pero bakit itinuloy pa nila ang naudlot nilang pag-iibigan? Napailing ako. Hindi ako makapaniwala na ganito ang aking ina.
"A-akala ko ba masaya ka na kay Papa?"
Heto na naman ako sa aking akala. Matagal na akong binibigo ng mga maling akalang ito pero hindi ako nagtatanda.
Huminga rin siya ng malalim at pinakawalan ang hangin na siguro ay nagpapabigat sa kanyang sistema. Nahihirapan siyang magpaliwanag, batid ko iyon. Ang kaso, naisip niya ba iyon nang magtaksil siya kay Papa? Napapikit ako at sobra na ang aking pagtitimpi para sa senaryong ito.
"Akala ko din--"
"Bakit? Hindi ka ba nakuntento sa kung anong meron ka sa piling ni Papa?!"
Binulyawan ko siya na nakapagpapikit sa kanya. Nakita ko iyon nang matitigan ko na siya ng mata sa mata. Gusto ko siyang sugurin at saktan pero kailangan kong magkontrol. Kapag sinaktan ko na siya baka hindi ko na malaman ang dalawang bagay na nakakapagpagababag sa akin sa loob ng maraming taon.
"N-natakot ako sa Papa mo. Ilegal pala ang kanyang trabaho. Hindi ko kayang mabuhay sa ganoong klaseng trabaho."
Pinanood ko kung paano lumandas sa kanyang mga mata ang mga luhang di ko gugustuhing maramdaman sa aking pisngi. Ayoko na.

BINABASA MO ANG
Get a Grip
RomanceSapat na ba ang salitang pag-ibig para mahalin ang isang tao? Sapat na rin ba ang salitang paglayo upang makalimutan siya? Kaya mo bang maging matatag sa maaaring kahantungan ng pagmamahalang ito? At dapat na bang kaawaan ng kalangitan ang pagsintan...