Kabanata 22 Haunted Fox 1.2

6 1 0
                                    

Alas dos na ng madaling araw nang tiningnan ko ang oras sa cellphone ni Rigor na nasa kanyang unan. Kagagaling ko lang sa banyo at nananatiling nakatayo sa tapat ng aking kama. Nakakainggit si Rigor na mahimbing ang kanyang tulog kaya naaaliw akong panoorin siyang namamahinga sa aking kama. Samantalang nakatulog talaga ako sa loob ng banyo matapos naming gawin ni Rigor ang isang bagay na ginagawa ng mga nagmamahalan sa basbas ng sakramento ng kasal. Wala na akong kahihiyan o pagsisisi na nagawa ko ang bagay na iyon lalo't kay Rigor ko naman pinagkatiwala ang sarili ko. Siya ang taong nagpabalik sa akin sa totoong mundo. Wala ng iba.

Kung ibabalik ang nakaraan, ako iyong batang babaeng laging nagkukulong sa aking silid. Walang kaibigan. Natatakot sa lahat. Inilayo ko ang sarili ko sa mundong dapat sana ay paglalaro at kasiyahan lang ang tanging laman. Ni ang kapatid ko ay minsan ko lang din makausap. Wala na akong pag-asa noon na magiging masigla pa akong muli. Ngunit isang araw ay nakapagpabago nito.

Dinala ako ni Mrs. Morfe sa isang parke na nasa loob lang ng subdivision namin. Gusto niyang makihalubilo ako sa ibang tao. Labing isang taong gulang na ako at para bang pasan ko na ang buong mundo. Hindi ko kayang tumawa o ngumiti man lang. My father's tragedy killed me emotionally.

Nakatingin lang ako sa mga mumunting batang naghahabulan sa paligid. Hindi sila nauubusan ng lakas para tumawa. Bawat galaw nila sa duyan, see-saw, slide at monkey bars ay tumataginting sa aking tenga ang kanilang mga mumunting hagikhik. Mas bata sa akin ng ilang taon ngunit mas bata akong tingnan sa pagnanais kong makapaglaro rin tulad nila. Ang problema ay wala akong kakayahan.

"Gusto mo ba ng ice cream?"

Ibinaling ko ang aking paningin kay Mrs. Morfe na maaliwalas pa rin ang mukha sa kabila ng pagiging bato ko sa kanyang tabi. Bahagya akong tumango sa kanya, tumalikod at dumiretso sa sirang see-saw.

Umupo ako sa isang bahagi ng see-saw na nakalapag sa lupa. Inilibot ko pa ang aking paningin sa kapaligirang hindi ako makaangkop. Ano kaya ang pakiramdam ng idinuduyan sa swing? Ano kaya ang pakiramdam na tumataas-baba ka sa see-saw? Iyong nagpapadausdos sa slide? Iyong naglalambitin sa monkey bars? Hindi ko na kasi matandaan ang mga kaaya-ayang pakiramdam bunga ng mga aktibidades na iyon. Naging salat na ako sa karanasan.

"Hoy! Ikaw, batang walang dila."

Wika ng isang boses ng lalaki sa aking likuran. Hindi ko siya pinansin sa halip ay ang paglapit sa akin ni Mrs. Morfe na may dalang sorbetes ang aking kinatigan.

"Ano ba 'yan? Bingi ka na rin ba, Angela?"

Sa isang saglit pa ay nasa aking harapan ang taong iyon. Kinakamot niya ang tuktok ng kanyang ulo at nakangisi pa sa akin.

"Angela, heto na ang ice cream mo."

Kinuha ko kay Mrs. Morfe ang ice cream at agad na kinain.

"Anong ginagawa mo rito, Rigor?"

"Gusto ko lang samahan si Lala."

"Hindi mo na kailangang gawin 'yon"

Sagot ko naman kay Rigor na mas lalong lumapad ang ngisi sa maninipis na labi.

"Ang suplada talaga nito! Para sasamahan lang eh. Halika na nga!"

Sa isang iglap lang ay nahigit agad ako ni Rigor sa direksyon ng isa pang see-saw na binakante ng dalawang batang babae. Hindi naman kami pinigilan ni Mrs. Morfe. Nagmamasid siya sa amin sa pwesto kung saan namin siya iniwan. Samantalang kaming dalawa ni Rigor ay sumakay sa see-saw. Hindi ko na nagawang umangal pa sa daglian niyang pagtatapon ng ice cream ko at pilit iniupo sa see-saw.

"Mahigpit kang humawak sa bar ha?"

"Hindi ba 'ko mahuhulog dito?"

"May posibilidad na mangyari 'yon."

Aniya na para bang hindi ako masasaktan kapag nahulog ako.

"Susuntukin kita kapag nahulog ako."

Tinawanan lang niya ako at sinimulan na niya ang pagtaas-baba sa see-saw.

Sa pagkakataong iyon, sumigaw ako dahil sa tuwa. Wala akong takot na naramdaman. Damang-dama ko pa ang paspas ng hangin sa aking mukha at buhok. Natatandaan ko pa ang pagpikit ng aking mga sa  nakakasilaw na sinag ng araw. Naririnig ko pa ang bawat detalye ng malulutong na halakhak ni Rigor sa aming paglilibang. Hinding-hindi ko iyon makakalimutan.

Idadagdag ko sa mga alaalang ito ang simpleng pagtitimpla ng gatas sa akin ni Rigor tuwing gabi. Minsan pa nga ay binasahan niya ako ng kwento ni Cinderella. Iyon ay isa sa mga gabing emotionally distressed ako. Ang sarap balikan ng tagpong iyon. Mahimbing akong nakakatulog kapag ginagawa niya iyon.

Mayroon pang sirkumtansya na bigla na lang sumusulpot sa pinto kung saan kami nagleleksyon ni Mrs. Morfe. Kahit napapagalitan na siya patuloy niya pa ring ginagawa na para bang hindi siya nagsasawang marinig ang mga sinasabi ng matandang babae.

Kahit noon pala binabantayan na ako ni Rigor hindi ko lang nabibigyang importansya. At hindi ko maipagkakait sa lahat na sabihin na nabawasan niya ang lungkot na nararanasan ko hanggang ngayon. Napapatanong tuloy ako minsan sa sarili ko kung kailan kaya niya ako nagustuhan? Nahulog nga ba talaga ako sa kanya lalo na noong lumabas kami at isinayaw niya ako sa ilalim ng bilog na buwan? Siguro matagal ko na siyang mahal. Masyado pa nga lang siguro akong bata para mapansin iyon.

Hinalikan ko ang kanyang noo. Saglit kong pinagmasdan ang mapayapa niyang mukha habang natutulog pa rin. Pagkatapos niyon ay tumabi ako sa kanya at mahigpit ko siyang niyakap.

Sana sa gabing kapiling ko siya ay di na ako managinip pa ng napakasamang gunita. Ang sakit ay nagpapabalik sa kung ganoong kalunos-lunos na pangyayari ang naranasan ni Papa. Ayoko ng balikan pa. Ayoko na!

Noong gabing iyon ay nakatulog ako nang mahimbing. Tinanghali ako ng gising kaya di ko na naramdaman ang pag-alis ni Rigor. Si Reagan ang bumulaga sa akin, hawak-hawak niya ang almusal ko.

Matipid na ngiti ang ibinigay niya sa akin na sinuklian ko rin naman. Inilapag niya ang pagkain sa side table at umupo sa gilid ng aking kama.

"Good morning!"

Bati pa niya sa akin na tinanguan ko lang. Bigla akong nakaramdam ng hiya sa maaaring pagmumukha ko ngayon sa kanyang harapan. Baka may panis na laway ako o kaya sobrang magulo ang buhok ko.

"Ah-eh... Aayusin ko lang saglit ang sarili ko."

"Sige!"

Tumatakbo akong nagtungo sa banyo upang maghilamos ng mukha at magsuklay ng buhok.

Pero akala ko ganoon lang kasimple ang lahat. Magkakasunod na gabi akong hindi nakakatulog sa mga bangungot na dulot ng nakaraan. Bakit kaya nangyayari ang mga ito? Bakit ngayon pa nila ako minumulto? Pagod na pagod na ako. Pagod na pagod.

Kapag araw naman ay natutulala na lang ako. Walang imik sa pag-iisip ng mga nangyayari sa akin. Baka kasi nababaliw na ako literally at di ko pa alam na ganoon na ang kalagayan ko. Ang hirap.

"Ayoko na! Tigilan niyo na 'ko!"

Walang preno ako sa pagbigkas ng mga salitang iyon. Hawak-hawak ko na ang ulo ko sa sakit na idinudulot sa akin ng mga bangungot ko. Dinaluhan na ako ng kapatid ko at ng mga kasamahan niya. Tinawagan nila si Mrs. Morfe upang matingnan ako. Sa gitna ng pagkakagulo ng lahat, missing in action si Rigor. Nasaan kaya siya? Kung kailan ko siya kailangan, wala naman siya sa aking tabi. Paano ako magiging matatag sa takot na nangingibabaw sa akin. Paano?

Si Reagan ang mahinahon na kumakausap sa akin. Pinapakalma niya ako habang hinahaplos niya ang aking likod. Tinatanong niya kung saan ba ang masakit. Pilit niyang inuusisa sa akin ang nararamdaman ko na kahit ako ay hindi ko maipaliwanag. Matagal na ang trahedyang iyon pero bumabalik sa kasalukuyan. Anong rason kaya ng pagbabalik nito sa akin? Bakit di ko malaman ang sagot?

Ilang saglit pa ay dumating na si Mrs. Morfe. Tumahimik ang kapaligiran namin. Hinang-hina na ako para mabatid pa ang kalagayan ng mga tao sa paligid ko. Tapos nang masilayan ko na ang ngiti ni Mrs. Morfe ay bigla na lamang bumigat ang aking mga mata. Unti-unti itong sumara at nawalan na ako ng malay.

Get a GripTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon