Kulang ang buhay ko kapag wala si Rigor. Ngunit hindi ko inaasahan na sa ganitong tagpo kami magkikita, sa isang exclusive bar siya tumatambay sabi ni Reagan. Tinawagan siya ni Rigor noong umaga na gusto nga niya daw akong makita. Siempre, hindi pumayag si Reagan sa gustong mangyari ni Rigor pero di niya ako matiis. Nakakataba ng puso na kaya akong pagbigyan ni Reagan. Humahanga rin ako sa kanya na binali niya ang sinumpaan niyang tungkulin sa aking kapatid. Sana di niya pagsisihan na sa isang banda ay sinunod niya ang pangangailangan ko.
"Get in."
Pinagbuksan ako ni Reagan ng pintuan ng kanyang Mustang. Isang bata niya sa kanilang pangkat ang nagdala ng kotseng iyon dito sa may bus stop na tinigilan namin.
Pumasok na ako at umupo sa front seat. Sinaraduhan naman niya ang pinto nang tuluyan na akong nakapasok sa loob ng sasakyan. Pinanood ko siyang umikot patungo sa driver's seat. Binuksan ang makina bago nagsimulang magmaneho. Sana maging mabilis ang aming pagpunta sa Lawin, ang nasabing exclusive bar na tinatambayan ni Rigor ngayon. Gustung-gusto ko na siyang makita.
Matulin ang naging patakbo ni Reagan sa Mustang. Siguro ay hinahabol niya rin ang oras sapagkat limitado lang ang aming pagkakataon. Sa mabilis na pagmamaneho ay di ko na maaninawan nang maayos ang mga bagay-bagay sa paligid. Ang mga ilaw sa mga nadadaanan namin ang nangingibabaw sa aking paningin tulad ng kauna-unahan naming paglabas ni Rigor.
Naabot din ng aking tanaw ang kaliwa't kanang kalsada. Sa itaas o ibabang bahagi ng lansangan ay iba't ibang sasakyan ang may kanya-kanyang destinasyon. Napansin ko rin na may mga nagkalat pa ring mga tao sa bawat daan nang medyo bumagal ang takbo ng kotse dahil sa mumunting traffic na nabuo sa kalsadang tinatahak namin. Sana naman ay hindi ito ang maging dahilan para di namin maisakatuparan ang pakikipagkita kay Rigor.
Laking pasalamat ko nang makarating na kami sa nasabing lugar ay ipinarada agad ni Reagan sa parking lot ang kanyang sasakyan. Sabay kaming bumaba ng sasakyan at lumapit agad ako sa kanya upang humawak sa laylayan ng kanyang damit. Kahit kasi nananabik na ako sa magaganap ngayong gabi ay kinakabahan na ako. Ramdam ba ramdam ko na parang tambol na dumadagundong ang aking puso. Heto na ako Rigor, ilang sandali na lang magkikita na tayo.
Wala na akong pakialam sa aking paligid kung saang lugar ito sa Kamaynilaan dahil nakasentro ako sa isang lugar. Nakita ko na kasi agad ang pangalan ng Lawin na nakasulat sa isang parang board. May pulang ilaw na nakapalibot at pakpak ng ibon.
Sa haba ng biyas ni Reagan, hindi ko alam kung paano ko siya nasasabayan sa paglalakad. Wala rin akong ideya kung paano bumilis ang aking mga paang yumayapak sa sementadong daan. Siguro kaya ko ito nagagawa dahil hindi na ako makapaghintay na masilayan at mahawakan ang mukha ni Rigor.
"The long wait is over..."
Wika ni Reagan nang nasa may Entrance na kami. May mga lalaking maskuladong nagbabantay sa double doors ng bar. Naririnig ko na rin ang mga taong nagsasaya sa loob. Kung gaano kalakas ang mga tugtugin ay ganoon din kalakas ang hiyawan ng madla. Mahigpit akong napahawak sa laylayan ng damit ni Reagan.
"Uy Sir Reagan!"
Bati sa kanya ng isang maskuladong lalaki na pinapakitaan ng I.D ng mga pumapasok nilang customer.
"George!"
Nag-high five silang dalawa. Samantalang ang isa pang kasama ni George ay sumaludo pa kay Reagan. Kilalang-kilala yata siya sa lugar na ito.
"Girlfriend mo, Sir?"
Tanong ng isa na kanina ay kinakapkapan ang isang lalaking papasok din sa loob ng Lawin.
"Oo."
Inakbayan ako ni Reagan at bumulong sa aking tenga. "Sakyan mo lang ha?" Tumango lang ako sa kanya. Kung alam lang niya na di na ako mapakali.

BINABASA MO ANG
Get a Grip
RomanceSapat na ba ang salitang pag-ibig para mahalin ang isang tao? Sapat na rin ba ang salitang paglayo upang makalimutan siya? Kaya mo bang maging matatag sa maaaring kahantungan ng pagmamahalang ito? At dapat na bang kaawaan ng kalangitan ang pagsintan...