"Masyado kang nagpapaniwala sa fairytale."
Panimula ng isang pamilyar na boses sa aking likuran. Nilingon ko ang kanyang direksyon at nakita kong masigasig niyang kinakain ang isang mansanas.
Bumalik ang aking atensyon sa aking binabasang istorya ni Cinderella. Wala akong planong bigyan ng pansin ang sinabi.
"Tigilan mo nga ang kapatid ko, Franco.", wika ng aking nakatatandang kapatid na kagagaling lang sa kusina na humihigop ng kape.
"Pipi ba ang kapatid mo?", dagdag pa niya.
"Naririnig mo naman siguro kapag nag-uusap kami, hindi ba?"
Umupo si Kuya Errol sa katapat ng inuupuan kong sofa.
"ah...", ito lang ang narinig kong sinabi ng kaibigan ni kuya.
"Angela, matulog ka na", wika ng kapatid ko ngunit isa itong kautusan na dapat sundin. Mabagal akong tumango sa kanya.
"Ang aga pa naman,Errol.", kaswal na sumingit si Rigor na kakatapos lang na maligo. Mabilis siyang lumapit sa aming lugar at tumabi sa akin.
"Hindi mo siya katulad,Rigor. Baka dyan sa ugali mo magkaroon din ng sungay si Anghelita.", ganti ng kapatid ko habang matiim na tinititigan ang kanyang kaibigan. Ngumisi lang si Rigorsa kanya at patuloy na pinupunusan ang kanyang basang buhok.
"Natatakot ka ba?", usal pa niya na animo'y hinahamon si kuya Errol. Nag-igting ang bagang ng aking kapatid. Ibinagsak niya ang kape sa center table.
"Ano ba? Gusto niyo ng away? Bakit hindi kayo sa labas ng bahay?", sabad naman ni Franco habang patungo sa kusina. Hindi man lang siya nag-aalala sa maaaring kahantungan ng usapan ng dalawa. pa ring imik ang dalawa ngunit ramdam ko pa rin ang tensyong bumabalot sa kanila.
"Ang aking punto dito Errol, bigyan mo siya ng kalayaan. Hindi na bata ang kapatid mo. hindi rin siya preso para ikulong mo dito sa bahay."
"Masyado ka ng nagmamagaling,Rigor."
"Paano kung may sarili na siyang pakpak? Sinasabi ko lang sa'yo na kapag nangyari iyon hindi mo na siya maaaring turuang lumipad."
Tumayo ako at nagsimulang lisanin ang sala. Simula nang nagising ako sa ospital, sila na ang aking kinagisnang pamilya at nasanay na ako sa ganitong sitwasyon ngunit hindi pa rin nawawala sa akin ang takot kapag nagkakagulo sila. Dagdag pa rito, hindi pa rin malapit ang aking kalooban sa kanilang lahat.
"Errol, tuloy daw.", sabi naman ni Reagan na kadarating lang.
Tumigil na ang pagtatalo nina Kuya Errol at Rigor sa kanyang pagdating. Kaya naman tuluyan na akong pumasok sa aking kwarto sapagkat batid kong hindi na sila magkakagulo pa. Wala na akong marinig sa nag-uusap nang maisarado ko ang pintuan. Humiga agad ako sa aking kama at dinama ang lambot nito. Ipinikit ko ang aking mga mata at nagpasyang matulog na.
Ilang minuto pa ang lumipas ay hindi pa rin ako inaantok. Lalo na akong nawala sa wisyong matulog sa magkakasunod na katok sa pinto. Tiningan ko lang ang pinto at hinihintay ang pagtawag sa akin ng kung sinuman ang taong ito, kompirmasyon kung sino ba ang kumakatok.
"Angela, tulog ka na ba?"
Tumayo agad ako nang malaman kong si Rigor ito. Hindiako sumagot sa kanyang tanong imbes ay pinagbuksan ko lang siya ng pintuan.
"Sabi ko na nga ba gising ka pa!", natatawa niyang sinabi. Samantalang nakatitig lang ako sa kanya. Pakiramdam ko kasi estranghero pa din siya maging silang lahat kahit na ang sarili kong kapatid. Takot akong magtiwala sa iba. Ayokong nilalapitan nilang lahat dahil iniisip kong baka saktan nila ako. Kaya palagi akong nag-iisa at nakatingin sa kawalan o kaya naman ay tahimik na nakatitig sa kung anumang pinagkakaabalahan nila sa buhay.
"Lala..", tinawag niya ako sa aking palayaw ngunit wala pa ring salitang namumutawi sa aking bibig.
"Gusto mo bang magpahangin saglit?", usal pa niya na may kagalakan.
"Narinig mo naman siguro ang sinabi ni kuya, hindi ba?",mabilis akong tumugon sa kanya.
"Syempre narinig... kaso kapag umalis ako wala kang kasama dito."
"eh di wag kang umalis."
"Hindi pa kasi ako inaantok at boring dito sa bahay, Lala. Pagbigyan mo na ako!",iginiit pa niyasa akin kaya tinaasan ko siya ng kilay. Pinagmasdan ko pa ang kanyang mukha na nagmamakaawa.
"sumama ka na!", bigla niya akong hinalikan sa labi nang sabihin niya ito sa akin. Mabilis niya din akong hinigit papalabas ng aking kwarto. Napatulala na lang ako sa kanyang inasal. Hindi ito ang unang beses na hinalikan niya ako ngunit iba't ibang boltahe pa rin ang dumadaloy sa aking katawan na nagiging sanhi ng aking pagkatulala.
Masaya niya akong pinaupo sa katabi ng driver's seat habang sumisipol pa siyang pumuwesto sa aking katabi upang magmaneho. Walang pag-iimbot niyang pinaandar ang sasakyan patungo sa kung saan na siya lang ang may alam.
Hanggang sa nakarating kami sa isang lugar na dati ay sa mga palabas lang sa pelikula ko nakikita. Malayo sa maingay na buhay ng siyudad ang lugar na ito. Ang naririnig ko lang sa oras na ito ay ang magkakasunod na pagyapak ng aming mga paa sa damuhan. Marahang dumadampi ang malamig na hangin sa aking balat. May luma mang tren sa di kalayuan, naglaho ang kalumaan nito sa pagtanglaw ng bilog na buwan. Ito ang perpektong gabi para sa akin.
Sa aking pagkamangha, gumuhit sa aking mukha ang isang ngiti. Ipinikit ko ang aking mga mata at dinama ang kapanatagan ng loob na ibinibigay nito sa aking sarili.
"Masarap maging malaya, hindi ba?"
Ito ang nakapagpamulat sa akin. Nakangiti akong humarap sa kanya at nagwikang,
"Oo, salamat Rigor."
Sa kauna-unahang pagkakataon, nasa katauhan ako ngayon ni Cinderella na dati'y binabasa ko lang sa libro. Ako ngayon ang prinsesang isinasayaw ng kanyang prinsipe sa kailaliman ng gabi. Isang tagpuang may kakaibang kaligayahang hatid sa'kin na sana ay hindi mapigilan ng oras, ang pagsapit ng alas-dose.
Sumasabay ang aking buhok sa aming mabagal na pagsayaw. Sumusunod sa ritmo ng hanging ang bawat hibla ng aking buhok tulad ng katawang kong marahang gumagalaw sa tugtuging kami lang ni Rigor ang nakakarinig. Magaan at masarap sa pakiramdam ang dulot ng mahikang namumuo sa aming sariling mundo.
Mahigpit kong hinawakan ang kamay ni Rigor habang nakapatong ang isa ko pang kamay sa kanyang balikat. Napakainit ng kanyang balat kaya kahit malamig ang temperatura ng paligid hindi ako naaapektuhan.
Hindi na maalis ang ngiti sa'king labi. Mas lalo pa akong lumapit sa kanya at inihilig ang aking ulo sa kanyang dibdib. Kasabay nito ang paghalik nya sa tuktok ng aking ulo.
"Napakasaya ko Rigor. Salamat, salamat. . ."
"Isang karangalan para sa akin ang mapasaya ka, mahal kong prinsesa.", tugon niyang puno ng sinseridad.
Hindi ko alam kung bakit ito ginagawa ng lalaking ito. Wala din naman akong ginawang espesyal sa kanya upang tratuhin ako ng ganito, puno ng pagmamahal na hindi ko makita mismo sa sarili kong kapatid.
Ito na siguro ang simula, nahuhulog na ang aking loob kay Rigor.

BINABASA MO ANG
Get a Grip
RomantizmSapat na ba ang salitang pag-ibig para mahalin ang isang tao? Sapat na rin ba ang salitang paglayo upang makalimutan siya? Kaya mo bang maging matatag sa maaaring kahantungan ng pagmamahalang ito? At dapat na bang kaawaan ng kalangitan ang pagsintan...