Napakapormal ng salu-salong ito ngayong gabi. Madalas na laman ng usapan ay ang mga negosyong pinapatakbo nina kuya at ang kursong tinatapos ng kanyang papakasalan na si Jillian. Kaya naman tulad ng palagian kong presensya sa kanilang lahat tahimik lang ako at nakikinig sa kanila.
Ang mga bisita ngayong gabi ay sina Jillian na papakasalan ni Kuya Errol at ang ama nila ni Jill na tumatayong boss pala ng samahan. Masayang kinakausap ni kuya ang dalawa at bahagyang sumisingit si Jill. Ang tungkol sa nalalapit na kasalan ang nagpalakas ng kanilang mga boses. Sang-ayon sila sa espesyal na kaganapan para kay Kuya Errol at Jillian. Samantalang sina Allister, Franco, Lio at Harris ay may sarili ding paksa sa kanilang pagpupulong na di ko naman maintindihan. Si Reagan naman ay tikom ang bibig habang pinaglalaruan ang kopitang may Beaujolais sa kanyang kamay. Tila may gumugulo sa kanyang isipan. Nang mag-umpisa ang maliit na piging dito sa aming dining area ay wala na siya sa kanyang sarili. Madalas ay tulala, na di ko mawari kung si kuya, Jillian o iyong boss nila ang kanyang tinititigan. Bumalik sa aking gunita kung paano siya kamisteryoso noong una ko siyang nakausap. Pero nawala ang impresyon kong iyon noong nasa Puerto Galera kami at pinalilibutan siya ng mga babae. Nakapagtataka na ganito na naman siya, tulad ko na may sariling mundo.
"Excuse me."
Aniya at nilisan ang hapag. Saglit na lumingon sa kanya ang lahat at nang makalayo siya ay tumuloy muli sa kani-kanilang usapan.
"Hoy, hoy! Saan ka na pupunta?!"
Pahabol ni Lio kay Reagan ngunit di naman siya pinansin nito.
"Binubuwan na naman siguro!"
Banat naman ni Franco na nakapagpatawa sa mga kaharap niya.
Inubos ko na lang ang aking steak at pinabayaan ang mga taong nakapaligid sa akin na gawin ang gusto nila.
"Saan pupunta 'yon?"
Inginuso ni Jill ang pag-alis ni Reagan sa aking tabi.
"Hindi ko alam eh."
"Nananahimik ka na naman."
"Ugh... Alam mo naman ang problema ko kapag may ibang tao di ba? At saka sorry nga pala sa inasal ko kanina sa harapan ng Papa at Ate mo."
Yumuko ako at di makatingin sa kanya dahil sa kahihiyan.
"Ipinaliwanag na namin ni Kuya Errol ang sitwasyon mo, don't worry."
Aniya na may kahalong ngiti sa labi.
Nakakahiya man ang ginawa ko kanina ay nangingibabaw pa rin sa akin ang pagiging ignorante. Hindi ko man lang napaunlakan ang kanilang pakikipagkamay sa akin habang nagpapakilala sa isa't isa. Nakatitig lang ako sa kanilang mga mukha at sinusuri kung ano bang klaseng tao ang mga bago kong kakilala. Ang ama ni Jill na si Ginoong Julio Regalia ay matabang lalaki na hula kong nasa edad na animnapu pataas. May suot siyang sombrero na tulad kay Mad Hatter sa Alice's Adventure in Wonderland. Ang pinagkaiba lang nila ay makulay ang mukha ni Mad Hatter at wala itong tobacco na nasa bibig tulad ng matandang lalaking ito. Samantalang si Jillian ay napakayuming dalaga. Hindi nawawala ang kanyang ngiti sa labi na lalong nakakapagpadagdag sa kanyang kagandahan. Ang kanyang buhok na may bahagyang pag-alon ay umaabot sa ibaba ng kanyang tenga at may pulang laso na nagmistulang hairband sa kanyang buhok. Tamang-tama sa kanyang katauhan si Snow White lalo na at maputi rin siya. Lumutang ang pagkapula ng kanyang labing manipis. Siguro iyan ang mga katangian niya na nagpaibig kay kuya na totoo namang nakahahalinang pagmasdan.
"Pasensya na talaga."
Ang humingi na lang ng paumanhin ang tanging magagawa ko. Napahiya ko na si Kuya Errol sa kanyang mga panauhin. Mabuti na lang at inilihis niya agad sa isang usapan ang mga ito na dinugtungan pa ng kanyang mga kagrupo. Tumatak sa aking isipan kung paano niya ako pinanlisikan ng mga mata sa aking kawalan ng respeto. Sana lang matagal na niya iyong natanggap na di pangkaraniwan ang sitwasyon ko.
BINABASA MO ANG
Get a Grip
RomanceSapat na ba ang salitang pag-ibig para mahalin ang isang tao? Sapat na rin ba ang salitang paglayo upang makalimutan siya? Kaya mo bang maging matatag sa maaaring kahantungan ng pagmamahalang ito? At dapat na bang kaawaan ng kalangitan ang pagsintan...