Kabanata 9

12 2 1
                                    

Bumilis ang pintig ng aking puso nang nagsitakbuhan ang mga tao. Pilit kong tinitingnan kung saan nanggaling ang putok ng baril. Isang lalaking hawak-hawak ang isang babae habang tinututukan ito ng baril. Hindi ako makagalaw sa aking kinatatayuan ngunit natumba ako nang mabunggo ako ng babaeng tumatakbo papalayo.

"Pulis! Tumawag kayo ng pulis! Pakiusap baka mapahamak ang aking anak!" sigaw ng matandang babae. Anak n'ya marahil ang hostage. Kaagad namang tumawag ng pulis ang isa sa mga saksi ngunit yung iba kumukuha pa ng video.

"Subukan n'yong lumapit! Hindi ako magdadalawang isip na kalabitin ang gatilyo ng aking baril!" sigaw ng lalaki habang nanginginig pa ang kamay nito. Madungis ang pananamit ng lalaki at tila tuliro ang kanyang pag-iisip.

"Naka drugs ba yan?" bulong ng babaeng kumukuha ng video.

"Binibini,tumayo ka d'yan." usal ni Vicente kaya agad akong napabalikwas. Agad naman ako nitong inalalayan, kanina pa pala ako nakaupo ngayon lang n'ya ako sinabihan.
Mga ilang minuto lang ay narinig na namin ang sirena ng mga pulisya kaya nagsigilid ang mga tao. Kaagad namang bumaba ang mga pulis at nagsipuntahan sa kanilang mga posisyon habang tinututukan ng baril ang suspek.

"Ibaba mo ang baril mo! Maaari naman nating pag usapan ang lahat ng hindi idinadaan sa dahas. Kaya maaari sumuko ka na habang maaga pa!" saad ng isang pulis sa megaphone. Pamilyar ang kanyang boses kaya napalingon kami ni Vicente rito.

"Mga sinungaling! Hindi ko alam ang mangyayari sa’kin pagkatapos nito! Kaya makinig kayo sa mga sasabihin ko! Makinig kayo!  Lalong-lalo na kayong mga disente at naka uniporme! Mga alagad ng batas!" sigaw ng lalaki. Mahigpit ang pagkakahawak sa baril at may namumuong luha sa mga mata nito. Habang ang hostage naman ay hindi makagalaw at tulala sa mga nangyayari.

"Hustisya lang ang hinihingi ko! Kapag mahirap ang humingi ng hustisya bingi kayo! Bulag! Pinatay ang anak ko ng isang anak ng politiko! Hindi na maibabalik ang buhay ng aking anak kaya hustisya ang hinihingi ko! Ginawa ko ang lahat para mabigyan lang ng hustisya ang pagkamatay n'ya! Ngunit umuwi kaming bigo! Habang ang pumatay sa aking anak malaya at nagpapakasasa sa yaman ng kanyang Ama!" saad ng lalaki at hindi na nito napigilan ang pagbuhos ng luha sa kanya mga mata. Kitang-kita sa mga mata nito ang galit at poot. Hindi pa rin inaalis ng mga pulis ang mga baril na nakatutok sa kanya. Namumula na rin ang mga mata ni Vicente kaya hinila ko ito papunta sa aking tabi. Wala pa ring pinagbago ang panahon n'ya sa panahon namin, ganoon pa rin ang sistema.

"Kung tutuusin kayang-kaya ko rin s'yang patayin para maipaghiganti ang aking anak! Hustisya ang hinihingi ko sa malinis na paraan ngunit hindi nyo'ko pinakinggan! Kapag mahirap ang nakagawa ng krimen, halos sumpain n'yo kaming mabulok sa kulungan! At kapag mataas ang estado sa buhay patuloy kayong mga bingi at bulag! Hindi ba kayo binabagabag ng konsensya n'yo?! Hustisya lang ang hinihingi ko..nangako akong gagawin ko ang lahat para sa anak ko.." hagulhol na saad ng lalaki at nabitawan nito ang kanyang baril. Nagkaroon ng tyansang makatakas ang babae sa kanya kaya tumakbo ito sa pulis habang umiiyak.

Napaupo sa sahig ang lalaki na hindi pa rin matigil sa pagluha. Agad namang rumesponde ang mga pulis. Binalingan ko naman ng lingon ang babaeng hostage, nakayakap ito sa pulis. Pamilyar ang awra ng pulis kaya hindi ko inalis ang titig ko rito ngunit sa hindi inaasahan ay agad nagtama ang aming tingin.

"Sinasabi ko na nga ba.." sabay na usal namin ni Vicente. Pareho pala kaming nakatitig sa pulis na naging customer namin sa coffee shop kaninang umaga.

"Nakilala mo rin pala." saad ko rito.

"Paanong hindi? Matagal kaming nagkasama." tugon nito sa akin. Kaya tiningnan ko ito ng may bakas nang pagtataka.

"Tsaka ko na ipapaliwanag. Tingnan mo yung Ginoo, isinakay na sa makabagong kalesa." pangingibang usapan nito at tinuro ang lalaking nang hostage kanina. Nakasandal na ito sa bintana ng kotse marahil nahimasmasan na. Tsaka anong makabagong kalesa pinagsasabi nito?

"Naneto. Makabagong kalesa pinagsasabi mo." saad ko rito at binatukan s'ya. Angas ko na ata nito, nabatukan ko ang isang bayani. Bayani s'ya sapagkat nakipaglaban s'ya para sa kalayaan.

"Ngunit ano namang dahilan kung bakit nagawa n'ya yun? Mas malalagay pa sa peligro ang buhay n'ya. Hindi ba lalong mas mahihirapan s'ya sa pagkamit ng hustisyang hinihingi n'ya?" pagtatanong nito habang kinakamot ang ulo. Nakaalis na ang sasakyan ng pulis kung saan naroroon ang nang hostage. Ngunit yung biktima nakayakap pa rin sa pulis, tinatapik-tapik na nito ng Ina. Wala naman itong natamong sugat ngunit matindi ang nakuhang trauma.

"Simple lang. Para makuha n'ya ang atensyon ng lahat. Hanggang sa maging usap-usapan s'ya ng mga madla. At doon pa lamang kikilos at magiging bukas sa pakikinig ang batas. Hindi bulag sa katotohanan ang batas, bingi lang. Hindi n'ya kayang gawin ang bagay na pumatay. Ginawa n'ya yun dahil kailangan." tugon ko rito. Pagbabanta lang ang ginawa nya para maalarma ang mga tao.

"Buti nga hindi mo naisipang sumugod dun e." dagdag ko rito.

"Hindi naman ako basta-basta susugod ng hindi nag iisip. Syempre, hindi dapat puro tapang lang pinaiiral kundi pati utak." saad nito. Ay wow, nag iisip pala s'ya. Akala ko hindi tinubuan ng bayag e.

"100 reacts, 150 comments at 50 shares agad. Pagpi-pyestahan na naman toh ng mga tao. Grabe talaga ka-bulok justice system sa Pinas!" rinig kong saad ng babaeng nagv-video kanina. Pinost siguro sa social media.

"Hindi manlang yan binalita sa TV at radyo ah. Usap-usapan lang yan sa barangay namin. Hindi naman ako naniwala kase akala ko chismiss lang para siraan ang politiko na yun. Bali-balita na pinatay ng anak ng politician na yun yung anak ng nang hostage kanina dahil sa babae. Ayaw kase s'ya nitong pakasalan dahil mahal daw nito yung biktima. But the point is.. kailangan n'ya pa ba talagang pumatay?" dagdag naman ng babaeng nasa likuran namin.

"Tss. Pag-ibig nga naman, pag pumasok sa puso ninuman. Hahamakin ang lahat masunod ka lamang." bulong ni Vicente at medyo nakangiti pa. Dakilang chismoso rin pala ang isang ’toh. Tanda n'ya pa talaga ang linya sa Florante at Laura.

"Ano yun? Natutuwa ka pa na may namatay?" pagsusungit ko rito.

"Hindi, iba talaga nagagawa ng pag-ibig. Maraming nagiging hibang." tugon nito at inirapan ko na lamang s'ya. Nawa’y hindi ako baliwin ng pag-ibig sa oras na ako'y umibig.

AMOR de un CORONEL Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon