Kabanata 16

12 1 0
                                    

Napakalawak at napakalaki ng bahay na tinitirahan ni Raven. Nakakalungkot ang manirahan dito kapag mag isa ka lang. Mapapansin sa mga gamit dito ay antique at halatang mamahalin.

"Bakit kayo lang ni Vicente ang nasa Intramuros kanina?" tanong ni Semantha habang nakaupo sa sofa.
Naghahanda naman ng makakain si Vicente kaya naiwan sila ni Raven sa sala.

Natigil sa pagbabasa ng aklat si Raven at binaling ang atensyon kay Semantha.

"Kasama namin s'yang pumunta sa museum kanina. Umuwi rin pagkatapos kase pumunta s'ya ng Ilocos. Nag iikot-ikot lang kami dun. Tsaka si Vicente? It seems alam na alam n'ya ang bagay na naroon. Lalo na kay Gregorio." nakahalukipkip na tugon nito at hindi makikitaan ng emosyon.

"Ah Oo. Hilig talaga kase yan ni Vicente haha." palusot na usal ni Semantha.

"Tsaka ano nga palang gagawin ni Remz sa Ilocos?" pangingibang usapan nito.

"Inaasikaso n'ya yung pinapatayong Restaurant n'ya dun. Magbubukas ngayong December 1. Since malapit na naghahanap na sila ng mga employee." sambit ni Raven.

Nag resign si Remz nung nakapasok si Vicente sa coffee shop dahil masyado na s'yang naging busy dahil sa mga negosyo n'ya.

"Nag resign ka na nga rin ba sa coffee shop? Nasabi sa akin ni Vicente." dagdag ni Raven. Kumunot naman ang noo ni Semantha dahil sa napakadaldal na bibig ni Vicente.

"Ah Oo. Balak kong lumipat ng trabaho." tugon ni Semantha.

"Sakto. Pwede kang maging vocalist sa resto ni Remz. Magkaibigan naman kayo diba?" ngiting wika ni Raven.

"Nabanggit n'ya rin sakin yan. Pero pag iisipan ko pa." saad ni Semantha.

Naputol ang pag-uusap ng dalawa nang dumating si Vicente. Pawis na pawis ito habang may hawak na tubig sa baso.

"Luto na ang pagkain. Tara na at maghapunan." seryosong usal nito at tsaka tumalikod.
Sumunod naman ang dalawa sa kusina at kanya-kanyang naupo. Napakaraming inihandang pagkain ni Vicente. Adobo, pritong isda, ginisang ampalaya ang ulam na nakahanda at nasa gitna naman ang mga prutas.

"Ang dami mo namang inihanda e tatlo lang naman tayo." sambit ni Semantha.

"Malakas kumain si Goyo." tugon ni Raven.

"Huh? Sinong Goyo?" takang wika ni Semantha. Sumagot naman si Vicente at sinabing Goyo ang pangalan ng aso ni Raven. Tinigilan n'ya na raw pakainin ito ng dog food sa kadahilanang mas mamumulubi s'ya rito.

"Naneto. Bakit naman Goyo ang ipinangalan mo. Kapangalan yan ng bayani e. Sinasabi mo bang aso si Gregorio?" pagsusungit ni Semantha. Dahil ayaw na ayaw nito na tinatawag na aso si Gregorio del Pilar.

"Ikaw lang ang nag iisip n'yan. At paano namang tatawaging aso si Goyo? Dahil lang sa sunod-sunuran kay Miong? Natural Presidente yun e, walang magtatagumpay na plano kung kanya-kanya kayong desisyon. Tsaka anong silbi ng Presidente kung hindi susundin para kayo’y pagkaisahin? Mas iniidolo n'yo pa talaga ang tuta ng España.." mahabang palintaya ni Raven. Hindi naman narinig ni Semantha ang huli nitong sinabi kaya natawa na lamang si Vicente.

"Tsk. Tuta ng España." bulong ni Vicente.

"Bakit nagagalit ka? Ikaw ba si Gregorio?" natatawang saad ni Semantha. Hindi naman ito pinansin ni Raven, sinenyasan na lamang n'ya si Vicente upang magdasal.

Tahimik na kumakain ang tatlo. Wala ni isa sa kanila ang balak magsalita at napag aralan na rin ni Semantha na huwag magsalita habang kumakain.
Natuwa naman si Semantha nang makita n'ya ang aso ni Raven. Nakaupo ito sa gilid habang pinapanood sila kumain. Matapang ang awra nito na animo’y isang asong lobo. Kanina n'ya pa ito hinahanap nang tingin nung nabanggit ni Raven na may aso ito. Nagtataka pa s'ya dahil wala s'yang tahol na naririnig.

Pagkatapos nila kumain niligpit na ni Vicente ang mga pinagkainan. Pumunta naman si Raven sa sala kasama ang kanyang aso upang manood ng TV at nagpaiwan si Semantha sa kusina. Hindi naman nagsasalita si Vicente habang naghuhugas ng mga pinagkainan.

"Vicente, nanaginip ako kanina nung nakatulog ako sa kotse ni Rafael." pagbasag ni Semantha sa katahimikan.

"Edi sana pina-billboard mo Par?!" tugon ni Vicente. Nagulat naman si Semantha sa sinabi nito dahil sumagot ito nang pabalang.

"Hoy! Saan mo natutunan ’yan?" pagtataka ni Semantha tumayo ito tsaka sumandal sa lamesa.

"Kay Goyo. Lagi n'yang sinasabi sakin yan kapag nagkukwento ako tungkol sa mga bonding natin noon." tugon nito sa kanya. Binalewala na lamang ni Semantha at tinuloy ang pagkukwento tungkol sa panaginip n'ya.

"Vicente, nakita kita na nakasandal sa batuhan habang nakapikit. May hawak ka na baril." wika ni Semantha. Agad namang natigilan si Vicente at nilingon si Semantha.

"Pag usapan natin yan mamaya. Tatapusin ko lamang ito." seryosong saad ni Vicente habang nagbabanlaw ng mga pinggan.

Ilang minuto lamang ay natapos na ito. Magpapaalam pa sana si Semantha kay Raven ngunit ang sabi ni Vicente huwag na dahil baka sumama ito. Kailangan daw nila na mag usap ng sila lamang.

Sinang ayunan ito ni Semantha at kaagad na pumunta ang dalawa sa rooftop. Maliwanag ang buwan kaya nakikita pa rin nila ang isa't isa.

"Malapit na." tipid na wika ni Vicente habang nakatingin sa buwan.

"Anong malapit na?" tugon ni Semantha.

"Yung panaginip mo. May bagay akong hiniling noon." wika ni Vicente. Malamlam ang mga mata nito at nasa buwan pa rin ang atensyon nito.

"La luna es hermosa. (Ang ganda ng buwan.)" pangingibang usapan ni Semantha. Sinadya n'yang ibaling sa iba ang usapan dahil animo’y hindi n'ya kaya itong pag usapan.

"Hermosa como tu." wika ni Vicente. Magtatanong pa sana si Semantha kung ano ang ibigsabihin nito dahil Hermosa lang ang kanyang naintindihan.

Sa kabilang banda nakatanaw lamang sa kanilang dalawa si Raven. Hindi nito maikakaila ang kaunting kirot na kanyang nararamdaman.
Lingid sa kaalaman ni Semantha matagal na s'ya nitong pinagmamasdan.

"May pag-ibig na hindi maipabatid kaya idadaan na lamang sa pagtitig." mahinang bulong ni Raven at tsaka naglakad papunta sa kanila.

"Uy! May eclipse pala na nagaganap dito." sigaw ni Raven at tsaka mapait na ngumiti.

"Kanina ko pa kayo hinahanap. Nandito lang pala kayo." wika ni Raven na animo’y nagtatampo.

"Pasensya na. Ayaw ka namin maabala." tugon ni Semantha.

"Edi sana pina-billboard mo Par?!" sambit ni Raven.
Nilapitan ito ni Semantha at sinabunutan dahil kung anu-anong kapilyuhan daw ang natututunan ni Vicente sa kanya. Dumadaing pa sa sakit si Raven kaya inawat ito ni Vicente. Tila mga bata silang naghaharutan dahil sa kanilang mga ginagawa.

AMOR de un CORONEL Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon