Amanda
***
"Mabuti at nagising ka na."
Tinitigan ko si Ate Ruby mula sa pagkakahiga ko. Pakiramdam ko ay wala akong lakas at nanlalambot ang buo kong katawan. Si Mingming, nakatingin sa akin mula sa pagkakaupo niya sa sulok.
"May tinapay ako rito," naglabas si Ate Ruby ng plastic. "Nawalan ka ng malay kakaiyak kay Manang Pokwang. Gutom ka na siguro, gabi na rin kasi."
"Si Paopao?" bulong ko.
Tatayo pa sana si Ate Ruby nang nauna nang tumayo si Mingming. Binuksan niya ang kabinet at inilabas ang sisiw. Inabot niya iyon sa akin at nanatili sa tabi ko.
"Maupo ka muna, Amanda. Kumain ka kahit kaunti."
Naupo ako habang hinahaplos si Paopao. Piga ang utak ko't tanging ang nangyari lamang kanina ang inaalala ko. Sino si Ellena?
Pakiramdam ko, noong pumikit ako, ako yung sinaktan. Bakit ganoon? Bakit ramdam ko yung pag iyak at galit niya?
"Amanda," muling tawag ni Ate Ruby dahilan para mabalik ako sa tuliro.
Tiningnan ko ang nag iisang piraso ng tinapay at isang baso ng tubig sa gilid ng mesa. Nilingon ko si Mingming na agad nag iwas ng tingin.
"Kayo . . . Kumain na ba kayo?" bulong ko.
Binasa ni Ate Ruby ang labi niya at dahan dahang tumango pati si Mingming. Naningkit ang mga mata ko. Parang hindi naman. Ang puputla pa nila.
"K-kumain ka na riyan," tumayo si Ate Ruby. "May kailangan pa akong trabahuhin. Magagalit lang si Manang Pokwang."
Matagal akong nakatitig sa pintong kasasarado lamang ni Ate Ruby. Ngumuso ako at gumapang sa kama patabi kay Mingming.
Niyakap niya ako at hinayaang pumatong sa hita niya't ihilig ang ulo ko sa dibdib niya na bahagya akong hinehele. Maliliit lamang na pagkagat ang ginagawa ko sa tinapay.
Tiningala ko siya at tinapat ang tinapay sa bibig niya ngunit tiningnan lamang niya ako ng walang emosyon sa mukha. Dahan dahan kong ibinaba ang kamay ko at nakipagtitigan sa kaniya.
"Kumain ka na ba talaga?"
Tumango siya. "Oo, ubusin mo na 'yan."
Muli akong sumandal sa dibdib niya at pinutol ang tinapay. Iniwan ko ang kalahati noon sa harapan ni Paopao at tahimik na inubos ang tinapay ko. Nang makita niyang punong puno ng tinapay ang bibig ko ay inabot niya sa akin ang isang baso ng tubig.
Nagtagal ang titig ko sa basong marumi at nagdadalawang isip na inumin iyon. Kita ko ang mga dumi nito at animo'y hindi hinuhugasan. Mabaho rin at malansa.
"Inumin mo na. Kaysa naman sa mauhaw ka. Mahalaga ay may tubig kahit papaano," mahina niyang sabi.
Kahit labag sa loob ay ininom ko iyon nang pikit mata. Nang maubos ko iyon, kinuha niya ang baso at muling inilapag sa isang tabi. Nanatili akong tahimik habang nakaakap sa kaniya.
"Makakaalis ba tayo rito, Mingming?" bulong ko. "Matagal tayo rito? Sobrang tagal?" inosenteng wika ko.
Nagkibit balikat siya.
"Hindi ko alam, Amanda," malamig na sagot niya sa akin. "Maraming sindikato ang dumadayo sa ampunan na ito. Kung papayag tayong maampon, makakaalis tayo."
YOU ARE READING
Barangay Series #3 : Calius Dashkov
FantasyBarangay Balagbag, Cuenca, Batangas. Completed Started : June 18, 2022 Ended : November 11, 2023