Amanda
***
TW : Rape attempt & killings._
"Dakila, busog na talaga ako."
Natigil siya sa paginom ng kape sa harapan ko at tiningnan ang plato ko. Umiling siya sa akin at tinuro ang plato ko.
"Aapat na kutsara pa lang ng kanin ang nakakain mo, kumain ka nang ayos," pilit niya at tumayo. Tumabi siya sa akin. "Susubuan kita."
Lumabi ako at tiningnan ang kutsara sa harapan ko na may lamang mga gulay. Tinitigan ko iyon at umiling. Ang pangit ng lasa . . .
"Dali na, three na subo na lang," aniya.
"Three?" tanong ko at tinanguhan niya naman ako. Tiningn ko ang daliri ko at nagtaas ng ilan. "T-three? Ganito?"
Binaba niya ang kutsara sa plato at nagbaba ng ilang daliri ko. Tiningnan ko ang daliri ko at iilan na lamang ang natitira.
"One," turo niya sa isa kong daliri. "Two . . . Three. Ganito ang Three, Amanda. Sa tagalog ay tatlo."
Dahan dahan akong tumango. "K-konti lang yung three, Dakila?"
Inayos niya ang buhok ko at tumango. "Kaunti lang. Halika, kain na. Pagkatapos mo ay bibigyan kita ng juice."
Dahil sa narinig, pinilit kong ubusin ang mga sinusubo niya sa akin. Hindi ko nga alam kung tatlo talaga iyon kasi parang andami noon at patawa tawa pa siya dahil sa inis kong mukha.
Naglapag siya ng isang baso ng juice sa mesa sa harap ko at naupo muli sa tapat ko. Tuwang tuwa ko iyong ininom habang pinanonood niya ako.
"Nasaan si Elatasia?" takang tanong ko.
"Nasa Batangas," maikling tugon niya sa akin.
"Batangas?" Tinagilid ko ang ulo ko. "Saan iyon?"
Tumawa siya at ngumuso. "Malayo, sobrang layo rito. Narito lang ako dahil pinagmamamatyagan kita mula sa malayo."
Natigilan ako sa paginom ko sa juice at kumunot ang noo. Ibig sabihin, alam ni Dakila na nadukot ako ng masasamang lalaki . . .
"Dakila," ngumuso ako at tiningnan ang juice ko. "Ayaw na namin ni Mingming tsaka ni Paopao dun sa ampunan. Ang pangit ng bahay . . . Ang dumi ng mga gamit . . . Ang onti ng pagkain at saka . . . Ang tatapang ng mga tao. Bad sila, Dakila."
Matagal bago siya nakaimik sa akin dahil nag iwas siya ng tingin sa akin at kinuyom ang kaniyang kamao kay muli akong umimik.
"S-si Manang Pokwang sinabunutan niya ako. Sinasaktan nila ako, Dakila," sumbong ko.
Anak-anakan ang turing sa akin ni Dakila dahil daw wala siyang asawa at anak. Pumayag naman ako dahil siya lang naman ang nariyan para sa akin minsan kapag may kailangan ako. Talagang hindi ko lang siya matawag na papa dahil nasanay ako na tawagin siyang Dakila.
"Pasensiya na, Amanda," buntong hininga niya. "Alam mong hindi ako hahayaan ni Elatasia na pakielaman ang 'yong tadhana. Magugulo ang lahat kung makikielam ako."
Kumunot ang noo ko. "Tadhana?"
Tumango siya.
"Bawat nilalang sa mundo ay may kaniya-kaniyang tadhana sa buhay," imik niya. "Meron akong akin at mayroon ka ring sa iyo. Ang sa'yo . . . masyadong komplikado't sensitibo dahil hindi ka normal."
Tiningnan ko ang natitira ko na juice sa baso. Alam kong hindi ako normal dahil nararamdaman ko rin. Ang hindi ko lamang maiintindihan ay kung ano ako at ano bang mayroon sa akin dahilan para hindi ako maging isang normal na tao.
YOU ARE READING
Barangay Series #3 : Calius Dashkov
FantasíaBarangay Balagbag, Cuenca, Batangas. Completed Started : June 18, 2022 Ended : November 11, 2023