NAKALABAS na si Sophie sa kuwarto ni Stephen at dumiretso na ito sa main entrance ng hospital. Dito niya na lang hihintayin ang kaniyang sundong si Tata Dolfo, na kanilang family driver. Mag-aalas otso na ng umaga at nagsisimula ng uminit ang araw. Dumarami na rin ang mga taong pumapasok sa hospital. Halos hindi ito pansin ni Sophie dahil sa mga oras na iyon ay wala siyang iniisip kundi ang sakit ng pagkawala ng lalaking kaniyang minahal ng tatlong taon. Hindi siya makapaniwala na binitawan na lang niya ng ganoon na lamang si Stephen.
Mayamaya lang ay dumating na ang sundo niyang si Tata Dolfo gamit ang Black Mazda. Sumakay na si Sophie sa may passenger seat.
Kung kanina ay pigil siya sa pag-iyak dahil sa hiya na makita siya ng mga taong naglalabas-masok sa ospital, dito naman sa loob ng kotse ay tuluyan na niyang pinakawalan ang kaniyang paghihinagpis. Rinig na rinig ni Tata Dolfo ang mga singhot at hikbi ng magandang dalaga. Sa unang pagkakataon, sa loob ng labing-dalawang taon niyang pagiging family driver ng mga Barranda, ngayon lang niyang narinig na umiiyak ang dalaga habang kaniyang pinagmamaneho.
Naawa naman ang matandang driver at aabutan niya sana ito ng tissue ngunit nakita niya na may sarili pala itong dalang tissue box.
Habang binabaybay ang daan palabas ng hospital, "Tata Dolfo, sa bahay niyo po ako dalhin," ani Sophie sabay singhot nito.
"Sige po Ma'am Sophie."
Panay pa rin ang punas ni Sophie ng mga mata, at muli may pinakiusap siya kay Tata Dolfo. "Puwede pong huwag ninyong ipagsabi na nakita niyo akong umiiyak?"
"Makakaasa po kayo."
Dahil malayo pa ang bahay nila at gustong aliwin ang sarili, naisipan niyang tanungin si Tata Dolfo upang makakuwentuhan ang matanda. Kahit man lang paano ay makalimutan niya ang mga nangyari. Nakikita niya kasi paulit-ulit sa kaniyang isipan kung paano minaouth-to-mouth ni Beverly si Stephen. At ang pinakamasakit sa lahat ang marinig niyang mahal ni Stephen si Beverly. Hindi siya makapaniwala na magiging karibal niya ang isang old maid na may kalakihan pa ang pangangatawan. Sa kaniyang pagkakaalam, hindi ganoong klase ang mga tipo ni Stephen.
"Tata Dolfo, nasaktan na po ba kayo nang matindi dahil sa isang babae?" Nahihiya man siya ay tinanong pa rin niya ito kahit na alam niyang ito ay personal.
Mahilig si Sophie makinig sa mga kuwento lalo na sa mga love story. Dati nga, lagi itong nagbabasa ng pocket books na puro mga kuwento ng pag-ibig. Natigil lang ito nang mag-aral siya ng medisina.
Napakamot ng ulo si Tata Dolfo."Naku Ma'am Sophie, nakakahiya naman po sa inyo."
"Sige na po," pagpupumilit ni Sophie.
Dahil napansin ni Tata Dolfo na tumigil sa pag-iyak si Sophie, napilitan siyang mag-kuwento. Napangiti ito, ngiti nang may pagkahiya.
Pinihit niya pakanan ang manibela at pagkatapos, "Maraming beses na akong nasaktan lalo na sa tuwing nagmamahal ako. Lagi kasi akong bigo noon sa mga babaeng nagugustuhan ko. Alam niyo naman po na hindi naman ako guwapo at mahirap lang kami."
"Guwapo naman po kayo kahit na nga ngayong matanda na kayo. Magpataba po kayo ng konti, guguwapo pa kayo at magpagupit na rin po kayo," palubag loob ni Sophie kay Tata Dolfo.
"Hindi na po kailangan yan Ma'am. Matanda na po ako para magpa-guwapo pa." Napangisi ito.
"Tata Dolfo naman, kalabaw lang po ang tumatanda." Napangisi pa si Sophie. "Ituloy niyo po ang kuwento," aniya.
Tumapak muna si Tata Dolfo sa preno dahil naka-red ang signal ng traffic light. Nang mag-go na ay saka niya ipinagpatuloy ang pagkukuwento.
"May nakilala po ako noon na isang babae, at anak mayaman na nakatira malapit lang sa amin. Ang pangalan niya ay Margarita. Nagkagusto ako sa kaniya pero sa estado ng buhay ko na isa lang bus driver noon ay hindi niya ako nagustuhan. Sinabi naman niya sa akin na wala akong pag-asa." Sumulip sa may mirror siTata Dolfo kay Sophie, "Minsan, inabot siya ng gabi sa daan, at sinusundan pala siya ng isang holdaper. Tinatakbuhan niya yong holdaper, nang makasalubong ko siya. Sa madaling sabi, iniligtas ko siya at sa kasamaang palad nabaril ako. Muntik na nga akong mamatay noon dahil tinamaan po daw yung atay ko. Sa awa ng Diyos, nakaligtas din ako. Pag gising ko at pagkalabas ko sa ospital, lumipat na pala sila ng ibang lugar. Hindi na siya nagpakita sa akin simula noon."
BINABASA MO ANG
Truly, Sophie (Ang Mortal Enemy ni Ms. Beverly)(#Wattys2015 Winner)
RomanceSa isang post-it note, tinapos niya ang relasyong kaniyang iningatan ng tatlong taon. Gaano man kasakit, nagparaya siya para sa ikaliligaya ng lalaking kaniyang pinakamamahal sa taong kinasusuklaman niya nang husto ngunit aabandonahin din pala. ...