Chapter 8
Napakaraming iba't ibang uri ng aswang at may mga mambabarang, at kapre, tikbalang at iba pang itim na engkanto ang nakapalibot sa baryo Biño. Hindi basta-basta makakapasok ang mga ito sa baryo Biño dahil sa orasyong harang ni Damon.
Binuksan ni Damon ang tarangkahan at ang unang nakita niya ay si Giblo na nakangisi. Nagpuyos siya sa galit at naglabasan ang ugat sa kanyang mga kamay hanggang braso sa subrang pagkakakuyom ng mga kamao.
Nasa likuran ni Damon si Wiena at nakatitig kay Giblo. Napasinghap si Wiena nang makita ang ama sa tabi ni Giblo, nakatitig ito sa kanya na may pagbabanta. Napakapit siya sa braso ni Damon dahil nanginig bigla ang mga tuhod niya. Nilingon siya ni Damon at nginitian para iparating na huwag mangamba.
"Wiena... Wiena... Wiena..." nakangising saad ni Giblo. "O sabihin nating Dijana?"
Napahigpit ang kapit ni Wiena kay Damon.
"Papipiliin kita Wiena... sasama ka sa'kin ng kusa para 'di na sila madamay... o sapilitan kitang kukunin at papatayin silang lahat, ilang oras nalang ay pulang buwan na. Sa tingin mo ba kapag nalaman ng lalaki mo ang totoong kataohan mo matatanggap ka ba niya?" nakangising saad ni Giblo.
"Hindi sasama sa'yo si Wiena! at papatayin ko kayong lahat!" galit at may diin ang bawat bigkas ni Damon.
Umalingawngaw ang malakas na halakhak ni Giblo. "Wiena magdesisyon kana bibigyan kita ng tatlong oras."
"Damon, pwede ba tayong mag-usap?"
Tumango si Damon at naglakad habang si Wiena ay nakasulod sa kanya.
Nang makarating sila sa talon agad na niyakap ni Wiena si Damon.
"Damon, pakiusap hayaan mo na ako. Dahil kung makikipaglaban ka sa kanila matatalo lang kayo, alam ko na kahinaan ng mutya mo ang pulang buwan, at nagbibigay lakas naman sa mga aswang at itim na engkanto ang pulang buwan. Hindi ko kakayanin kung may mangyari masama sa'yo, makikinig naman sa'kin si Giblo kapag susundin ko lang ang nais niya," saad ni Wiena, habang hawak ang magkabilang pisngi ni Damon at buong pagmamahal na tinititigan si Damon.
"Kahit anong sabihin mo... mananatiling hindi ang sagot ko, manatili ka lang sa tabi ko. Magtiwala ka lang sa'kin, uubusin namin sila bago sumapit ang pulang buwan," saad ni Damon, at inalis ang mga kamay ni Wiena na nasa pisngi niya.
"Damon!" sigaw ni Wiena. "Damon, 'di mo naiintindihan," naiiyak na saad ni Wiena.
"Ang alin? ako pa talaga ang hindi nakakaintindi? ganoon ba kahina ang tingin mo sa'kin? ha Wiena?" pikon at may halong inis na saad ni Damon.
"Hindi naman Damon ngunit kasama nila ang hari ng itim ng engkanto, mapapahamak lamang ang mga kasamahan mo,"
May pagtatakang napatitig si Damon kay Wiena. Dahil nagtaka siya kung paano nasabi nito na naroon ang hari, tanging ang lolo Pinyo palang ang nakakita sa hari kaya hindi niya alam ang itsura nito.
"Bakit mo kilala ang hari ng itim ng engkanto? nagkita na ba kayo dati?" may pagdududang saad ni Damon.
"Pinuno nakahanda na ang lahat!"
Tumango si Damon at tumalikod kay Wiena. "Magtiwala ka, kung mahal mo ako magtitiwala ka sa'kin."
Umiiyak na nakatanaw si Wiena kay Damon na palayo na.
"Damon patawarin mo sana ako sa pipiliin kong desisyon, noong una ay balak ko lang talaga mapalapit sa'yo para makuha ang mutya mo... ngunit 'di ko akalain na mabibihag mo ang puso ko. Patawad Damon, gusto ko lang naman mamuhay ng normal na tao. Ngunit mas pipiliin ko nalang magdusa sa piling ni Giblo, kaysa makita kang nakikipaglaban at nasasaktan." lumuluhang saad ni Wiena habang nakatitig sa nakalayo nang si Damon.
Balak sanang kunin ni Wiena ang mutya ni Damon para hindi na siya mahanap ni Giblo at ng kanyang ama. Ngunit nagbago ang lahat dahil umibig siya sa nagmamayari ng mutya, na si Damon.
Naglalaban na ang mga aswang at ang mga tribano, ngunit ang mga aswang ay nasa anyong tao pa dahil sa umaga pa hindi pa sila makakapagpalit anyo bilang aswang. Seryoso at may galit ang bawat galaw ni Damon. Tuwing nakikita niya ang nakangising mukha ni Giblo ay sinisilaban siya ng galit, dahil naalala niya ang pagkamatay ng magulang.
Mas marami ang mga aswang kaysa sa grupo ni Damon, ang bilang ng kalaban nila Damon ay mahigit apat na raan, samantala sila Damon ay nasa singkuwenta lamang. Ngunit mas malakas ang pangkat ni Damon dahil nakapalibot sa kanila ang enerheya ng mutya ni Damon, marami na ang nalagas sa mga aswang, sa pangkat ni Damon ay wala pa, ilang galos palang ang natamo ng iba.
Habang tinitigpas ni Damon ang mga aswang ay 'di niya inaalis ang tingin kay Giblo na nakaupo sa malaking bato.
Umuusal ng orasyon ang mga mambabarang. Napatingala si Damon ng dumilim ang langit, at natakpan ang araw ng makapal na ulap.
Naliligo na sa pawis si Damon at dugo mula sa mga napatay na mga aswang. Nagawi ang tingin niya sa sampung mambabarang na naghawak kamay palibot sa tatsulok na nakaguhit sa lupa. Nakatingala ang mga ito at bumubulong sa hangin, masama ang kutob ni Damon sa ginagawang ritwal ng mga mambabarang. Umihip ng malakas at malamig na hangin.
Nakaramdam ng subrang bigat si Damon at napahawak sa mutya niya.
Dumidilim ang buong kapaligiran at lumabas ang napakalaking bilog na buwan. Ala-una palang ng hapon ngunit ang kapaligiran ay subrang dilim na parang gabi na.
Umungol at umalolong ang mga aswang. Nabahala si Damon para sa kaligtasan ng mga mandirigma niya, pumikit siya at nag usal ng orasyon para patibayin at palakasin ang mga kasamahan at ang kanilang mga sandata. Kailangan nilang maipanalo ang laban bago sumapit ang gabi, dahil kapag tumuntong ang ala-sais lalabas na ang pulang buwan, madidihado sila sa labanan sapagkat mas lalong bumabangis at lumalakas ang mga aswang. At kahinaan ng mutya ni Damon ang pulang buwan, dahil mawawalan ito ng kapangyarihan kapag ang buwan ay pula.
"Maging alisto at pagtibayin ang sarili may limang oras pa tayo para maipanalo ang labanang ito! ilang taon natin hinintay ang pagkakataon na ito, ito na ang tamang panahon para maipaghiganti ang mga mahal natin sa buhay, na binawian nila ng buhay!" pasigaw na saad ni Damon.
Umatungal ang iba't ibang aswang at ang mga itim engkanto.
"Timyo! Pitoy! Protektahan n'yo ako saglit at may gagawin akong ritwal, bigyan n'yo 'ko mga limang minuto!" saad ni Damon, at tinanguan ang mga kasamahan.
Lumuhod si Damon at pinagdikit ang mga palad at ipinikit ang mga mata. Matagal na niyang pinag-aaralan ang ritwal na ito, ang lolo Pinyo niya ay 'di magawa-gawa ang ritwal ng pagtawag. Pagtawag sa tagapagbantay ng mutya, hindi siya sigurado kung magtatagumpay ngunit kailangan niyang subukan, para sa kanilang tagumpay.
Inutusan ni Giblo ang mga kampon na gambalain si Damon sa nais nitong gawin.
Pinalibutan si Damon ng kanyang kasamahan, nabawasan na ang grupo ni Damon dahil mas lalong lumakas ang kanilang kalaban, dahil sa tulong ng mga mambabarang at ng mga itim na engkanto.
Lingid sa kaalaman ni Damon na nasa paligid lang ang hari ng itim ng engkanto, na nagbibigay ng kakaibang lakas sa mga aswang.
"Ahhhh!" hiyaw ng tatlong kasamahan ni Damon ng hampasin sila ng napakalaking kapre.
Lumiwanag ang mutya ni Damon at may lumabas dito na isang puting liwanag. Ang puting liwanag ay naging isang dragon at pumasok sa katawan ni Damon.
Mas lalong lumaki ang katawan ni Damon napunit pa ang suot niyang damit pang-itaas. Nagkaroon siya ng tatu na isang dragon, mula likod, dibdib hanggang sa mga braso niya. At ang kanyang noo ay may simbulo ng kidlat.
Naghiyawan ang kasamahan ni Damon nang maayos niyang nagawa ang pagtawag. Nasa mahigit trienta nalamang ang natitirang mandirigma ni Damon, dahil subrang bangis na ng mga aswang na naglalakihan, ang iba ay may mga pakpak pa.
Itutuloy....
BINABASA MO ANG
Hahamakin Ang Lahat
FantasyNagtagpo ang landas nila Damon at Wiena sa hindi inaasahang pagkakataon. Pinagmulan nila ay magkaiba. At may kanya-kanyang tinatago sa kanilang pagkakatao. Pag-ibig ba nila ay magtatagumpay? Kakayanin kaya nila ang lahat na mga pagsubok na darating...