17

67 1 0
                                    

Chapter 17

Naghiyawan ang mga engkanto at isinisigaw ang pangalang Tikbo na magiging kalaban ni Damon.

Isang tikbalang na malaki ang katawan ang kaharap ni Damon.
Pinalagatok ng tikbalang ang mga daliri, at nginisihan si Damon.

"Oh? may taong naligaw 'ata sa mundo namin? sabagay hindi lang naman ikaw ang na una dito marami na kayo! mga gahaman na tao hahaha. Akala n'yo e madali lang makakuha ng kayamanan dito? at anong akala n'yo na makakakuha kayo ng hiyas ng kapangyarihan haha mga inut*l!" saad ni Tikbo na tikbalang.
Ang kalahati nitong katawan mula baywang pababa ay kapareho sa kabayo, at mula baywang pataas hanggang balikat ay hugis tao. At ang ulo nito ay pareho sa kabayo. Kulay lupa ang mahaba nitong buhok na hanggang dibdib, at may isang makapal na hibla itong kulay ginto

Samantala si Damon  kalmadong tumango lang ito. At isinuklay ang buhok  na hanggang balikat nalang, gamit ang kamay.

"Tikbo! pagpira-pirasuhin mo ang katawan niya!" sigaw ng isa ring tikbalang.

"Oo nga! bigyan n'yo kami ng maganda at madugong labanan!" sigaw naman ng isang kapre.

Nagbigay hudyat ang isang duwende na simulan na ang labanan.

Pinasingkit ni Damon ang mga mata at binigyan ng nakakalukong ngisi ang kalaban.

Nainis naman si Tikbo, dahil nayayabangan siya kay Damon. Siya ang unang lumapit kay Damon, at umatake ng suntok at sinipa ng kanyang kabayong mga paa.

Yumuko si Damon para maiwasan ang atake ni Tikbo at umikot pahalang. Sinulyapan niya ang gintong buhok ni Tikbo, dahil may balak siyang kunin ito. Alam niya na kapag nakuha niya ang gintong buhok nito ay mapapaamo niya ang tikbalang. Wala naman talaga siyang balak makilaban dito, nais lamang niya makakuha ng mga impormasyon.

Sinubukan ni Damon na sumakay sa likuran ni Tikbo, sa dalawang subok niya ay nabigo siya.

"Hangal na tao! kung sa tingin mo magwawagi ka sa binabalak mo! Pwes nagkakamali ka!" galit na saad ni Tikbo, at sunod-sunod na inaatake si Damon.

Panay depensa at iwas lang si Damon at naghihintay ng pagkakataon na makasampa sa likuran ni Tikbo.
Sa pangatlong subok ay nagawa ni Damon na makasakay sa likuran ni Tikbo.

Tumalon-talon si Tikbo para maalis niya sa likuran si Damon, na nakasampa at mahigpit ang pagkakakapit sa kanyang buhok.

Kinuyom ni Damon ang kaliwang kamay, habang ang isang kamay ay mahigpit na nakasabunot sa buhok ni Tikbo. Nag-ipon siya ng enerheya sa kaliwang kamao at sinuntok ang ulo ni Tikbo. Kumiling ang ulo ni Tikbo at naalog ang utak nito sa lakas ng suntok ni Damon.

Ipiniling-piling ni Tikbo ang ulo, at nahinto ang pagwawala at pagtalon-talon niya. Ngunit saglit lang ito at agad ding tumalon-talon, at pilit inaabot si Damon para maalis ito sa likuran niya.

Napanganga ang ilang nanonood at hindi maiwasang humanga kay Damon, dahil ito ang unang beses na may nakasampa sa likuran ni Tikbo at tumagal pa ng minuto.

Napangisi si Tikbo nang mahawakam niya ang kanang paa ni Damon. Marahas niyang hinila ang paa ni Damon, ngunit malakas ang pagkakapit ni Damon kaya hindi niya maalis-alis.

"Walang hiya ka para kang linta kung kumapit!" galit na reklamo ni Tikbo.

Ngumisi lang si Damon at naghahanap ng pagkakataon na makuha ang gintong buhok ni Tikbo. Nangangawit at nangangalay na siya, hindi biro ang lakas ni Tikbo kung ordenaryong tao lang siya malamang tumalsik na siya sa malayo.

Naghiyawan na ang mga manonood, dahil naiinip na sila.

"Ano ba 'yan! hoy bumaba ka diyan at makipaglaban ka! hindi 'yong nakasakay ka lang diyan!" inip na reklamo ng isang duwende.

Nakaramdam na ng pagod si Tikbo at bumagal na ang galaw at pagtalon-talon niya. Iyon ang hinihintay na pagkakataon ni Damon, agad niyang hinawakan ang gintong buhok ni Tikbo. Napangiwi siya nang dumaloy ang koryente sa kamay niya patungo sa braso niya.

Nanlaki ang mga mata ni Tikbo at nagpumiglas lalo, at halos ibalibag na ang sarili maalis lang si Damon sa likuran niya.

Umiwas ang mga manonood dahil sa pagwawala ni Tikbo, takot silang masipa ng matitibay at malalakas na mga paa ni Tikbo.

Ubod lakas na hinuhugot ni Damon ang gintong buhok, napakagat labi at napapikit siya mahugot lamang ito. Pinatigas niya ang mga paa at inipit sa katawan ni Tikbo, at huminga ng malalim sabay hinila ang gintong buhok. Hindi niya iniinda ang kakaibang enerheya at koryente na nagmumula sa gintong buhok.

Sumigaw ng malakas si Tikbo nang mahugot ni Damon ang gintong buhok niya. At siya ding pagtalsik ni Damon habang hawak ng mahigpit ang gintong buhok ni Tikbo.

Dahan-dahan na kumalma si Tikbo at naging maamo ito. Lumapit siya kay Damon na nakadapa pa dahil sa pagtalsik niya.

Iniyuko ni Tikbo ang ulo tanda ng pagrespito at pagkilala ng kanyang amo.

"Aking panginoon!" buong paggalang na saad ni Tikbo.

Hindi makapaniwala ang mga engkantong na naroon, hindi nila akalain na isang tao ang nakapagpasunod kay Tikbo, na isang mabangis at napakalakas na tikbalang. Si Tikbo ang pinakamalakas na tikbalang, at kinatatakutan din siya ng ibang engkanto dahil sa taglas na lakas at bangis nito.

Tumayo si Damon at pinagpagan ang katawan. Ibinuhol niya sa mutya ang gintong buhok ni Tikbo. Sininyasan niya si Tikbo na umayos ng tayo, at hinimas ang ulo nito.

"Huwag ka mag-aalala kaibigan, aalagaan kita at ituturing na kapatid," nakangiting saad ni Damon.

"Alam ko panginoon, lahat ng hangarin mo ay nararamdaman ko. Narito ako upang agapay lahat ng mga plano mo," mahinahong sagot ni Tikbo.

"Damon, Damon nalamang kaibigan nakakailang naman ang panginoon," natatawang saad ni Damon.

"Sige Damon, Tikbo nalamang din ang iyong itawag sa akin kaibigang Damon,"

"Ano ba 'yan Tikbo! nagpagamit ka sa isang tao! akala namin ay malakas ka, ngunit isang tao lang pala katapat mo!" pang-iinsulto ng isang kapre. Nagtawanan naman ang iba dahil sa sinabi nito.

Dahan-dahan na naglakad si Tikbo palapit sa kapre na nagsalita.
Napaatras ng ilang hakbang ang kapre nang makalapit na sa kanya si Tikbo, ubod lakas na sinipa niya ito gamit ang mga paa. Tumalsik sa malayo ang kapre, kahit na malaki ito ay napakalayo ng itinalsik nito dahil sa sipa ni Tikbo.

Natahimik naman ang kaninang nagtatawanan na mga engkanto, natakot sila sa maaring gawin ni Tikbo sa kanila.

"Kakaiba, sino ka ba talaga?" tanong ni Sapto kay Damon. Nasa labas na sila Damon, Tikbo at Sapto.

"Hindi mo na dapat malaman pa, kilala mo ba si Bukanao—"

Tinakpan ni Sapto ang bibig ni Damon at nagpalinga-linga. At hinila sa gilid ng puno.

"Napakatabil ng dila mo! alam mo ba na maari kang mapahamak kapag basta-basta mo binigkas ang pangalang 'yan!" may diin at pabulong na saad ni Sapto.

Tumango naman si Tikbo bilang pagsang-ayon sa sinabi ni Sapto. Nangunot ang noo ni Damon at salubong ang kilay.

"Bakit?" nagtatakang tanong ni Damon.

"Sasabihin ko sa'yo ngunit hindi dito, tara sumunod ka sa'kin," saad ni Sapto.

Hahamakin Ang LahatTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon