Ikaw na kagaya ni Maria Clara,
Taglay ang katangiang magaganda,
May pagmamalasakit sa kapuwa,
Mapagmahal, at mahinhing dalaga...
Ikaw na kagaya ni Tandang Sora,
Isang asawa, ina, at katipunera
Kahanga-hanga ang mga nagawa
Sa Katipunan at sa ating bansa...
Ikaw na kagaya ng iswakt na si Pepa,
Nag-alay ng sarili para sa iba,
Mga kababaihan, nakaboto na
Nang dahil sa paninindigan niya...
Ikaw na kagaya ni MDS, na senadora
Matalino at may pusong abogada.
Matapang, may pagmamahal sa bansa,
Nanindigan para sa kabutihan ng madla...
Ikaw na kagaya ni Binibining Catriona
Sa talino't kagandaha'y tinitingala,
Inspirasyon ang nakaputong na korona
At malasakit sa kapuwa'y taglay niya...
Ikaw na nag-uwi na gintong medalya
Na ang atletang si Hidilyn Diaz ang kagaya,
Bitbit ang karangalan para sa bansa
Mabibigat na pagsubok, lahat ay kinaya...
Ikaw na kagaya ng magandang si Sisa,
Mapagmahal, maarugang asawa't ina
Na sa kabila ng kahirapan ng pamilya,
Naging biktima pa ng panghuhusga...
Ikaw na kagaya ni Mother Teresa,
May pagmamahal sa mga maralita,
Kinilala noon bilang buhay na santa
Dahil sa mabubuting gawain niya...
Ikaw na kagaya ni Gabriela,
Matapang kahit siya ay biyuda
Nakipaglaban para sa paglaya
Hanggang sa huli niyang hininga...
Ikaw na isang babae, kagaya nila
Taglay ang mga katangiang pambihira
May misyon sa bayan, 'di lang sa pamilya
Tunay na maka-Diyos sa puso't diwa.
Ikaw, na hindi babaeng basta-basta,
Katatagan ng lalaki ang dala-dala
Pusong babae ma'y katulad pa rin nila—
May prinsipyo, may pagpapahalaga.
Ikaw, na babaeng dati ay mahina,
Pinalakas ng buhay, pagsubok at sistema
Pinaganda ng panahon, lipunan, at sigwa
At pinatalino ng mga hamon at pag-asa.
Humayo ka at sarili ay ipakilala
Sa anomang larangan, aangat ka
Basta sa kakayahan mo'y magtiwala.
Babae ka! Sumulong ka.
BINABASA MO ANG
Mga Tula ni Makata O.
PoetrySi Makata O. ay isang taong maprinsipyo, kaaway ng mga liko at kakampi ng mga may puso.https://m2.facebook.com/profile.php?id=778085892247270&ref=bookmark