Korupsiyon

626 3 1
                                    

Korupsiyon, paano ka ba umusbong?

 Mga pinuno, sa’yo naging mandarambong?

Taumbayan, iyong pinatay at ginutom.

O, korupsiyon, ganid ka ngang talaga!

Sa kinang ng salapi, ika’y nabulag na

Sa tagingging ng pera, ika’y nabaliw pa.

Ginawa mong gatasan ang pera ng bayan

Pamilya mo ay pinakain ng katiwalian

Naatim mong kapwa Pilipino’y magutuman.

 Korupsiyon, salot ka ngang talaga sa lipunan

Ang mga dukha’y lalo mong pinahihirapan

Mga mayayaman pa iyong kinakampihan.

Korupsiyon, mag-iingat ka sa pagkakaisa

Kapag sila ang kumilos, ika’y magdurusa

Sila ang sa iyo ang kakatay at huhusga.

Mundo ay bilog at patuloy na umiikot

Mayaman ka ngayon sa’yong nakurakot

Bukas, mga mata mo’y hindi na maiikot.

Aanhin, sankatirbang papel na may imprenta

Kung sa hukay, hihiwalay ang iyong kaluluwa

Naipong kayamanan, di mo lahat madadala.

O, korupsiyon, gawain mo ay may wakas

Ngayon, magsaya ka na parang walang bukas

Darating si Karma, babawiin ang iyong lakas.

Mga Tula ni Makata O.Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon