Ang aga-agang mangampanya ng mga trapo.
Sa social media, isinisiwalat ang mga pangako.
Sa TV, nagpapasikat, akala mo, artistang totoo.
Kung saan-saan makikita ang mga mukha nito.
Ang kakapal ng apog, walang mga puso!
Pagkatapos ng eleksiyon, nanakawin ang pondo.
Babawiin nila kanilang ang mga ginasto.
Mas malaki pa ang balik, madla ang abunado.
Tsk tsk! Kawawang mga Pilipino, laging talo.
Nauuto madalas ng mga gahamang tao.
Ang huhusay kasing magsalita at mangako.
Gaya na lang ng daang matuwid na itatayo
Pagtaas ng sahod; pagbaba ng mga presyo
Edukasyon, kalusugan at katahimikan kuno
Isusulong daw upang guminhawa, ang mga Pilipino.
Kaya pala, hanggang ngayon ay nganga tayo.
Uhaw sa kasaganaan, gutom sa pagbabago.
Mga mangmang, na nagkatawang mga tao
Sa kongreso... sa senado, nagpapapresko.
Gawa ng gawa ng batas na parang pangkanto.
Ngunit, batas na magpaparusa sa mga gago
Ay iniiwasan nila, pagkat sila ang apektado.
Sa susunod na halalan tingnan ninyo..
Ang gaganda nila at ang gagagwapo..
Tanggalan ninyo ng maskara, sila'y mabaho!
Kailangan nila ang boto nating mga Pilipino,
Kapag nakuha na, manigas tayo, gaya ng bato.
Kapwa kong mahal ko, mag-isip-isip na tayo.
Hindi na matatapos ang kanilang panloloko
Ngunit nasa atin pa rin, ang pagpiling matalino.
Paglimi-limiin kung sino, ang tapat at makatao,
Hindi ang sikat o kung sino ang may binalato,
Kilalanin sila ng husto, dinggin ang pulso.
Tayo nga ang boss, sapagkat tayo ang boboto.
Sa halalan 2016, tayo na ay maging matalino.
Nasa ating mga kamay, tunay na pagbabago.
BINABASA MO ANG
Mga Tula ni Makata O.
PoetrySi Makata O. ay isang taong maprinsipyo, kaaway ng mga liko at kakampi ng mga may puso.https://m2.facebook.com/profile.php?id=778085892247270&ref=bookmark