Nakakabilib itong si Juan Dela Cruz
Sunod-sunod mang delubyo at unos
Ang sa kanya'y nagpahirap, gumapos
Ngunit katatagan niya'y di nauupos.
Tinahak ay kalbaryo, pinasan ang krus
Ninakawan, hanggang pera ay maubos
Paghihirap niya ngayon ay lubos-lubos
Subalit, pilit tatayo, kahit pa humangos.
Mga pinuno niyang ganid, hindi ito talos
Na siya'y nagdurusa, siya'y naghihikahos
Walang lakas, salat sa kisig, salapi'y ubos
Nakakaawa siya na ating tunay na boss.
Bagkus, ang lakbayin niya ay di pa tapos
Panahon na upang siya ay makipagtuos
Muling bumangon, sarili ay kanyang iayos
Sa kabila ng kanyang galit na nagpupuyos.
Ako'y sadyang bilib kay Juan Dela Cruz
Hindi sumusuko, dugo man ay umagos
Hindi bumitiw, kahit sa salapi ay kinapos
Yan ang Pilipinas! Yan si Juan Dela Cruz!
BINABASA MO ANG
Mga Tula ni Makata O.
PoetrySi Makata O. ay isang taong maprinsipyo, kaaway ng mga liko at kakampi ng mga may puso.https://m2.facebook.com/profile.php?id=778085892247270&ref=bookmark