Ako'y Isang Pulubi

838 1 0
                                    

Ako'y isang pulubi---

mabaho, marusing, at marumi.

Tahanan ko ay ang kalye,

ngunit turing pa sa akin ay salbahe.


Kailangan ko pa bang magpahid ng grasa

o magsuot ng gula-gulanit na damit

para lamang kayo'y aking mapaniwala

na ako'y isang pulubi at 'di nang-uumit?


Kailangan ko pa bang ibuklat itong palad;

ang balikat mo ay akin pang kalabitin;

ang sobre kong hawak, sa iyo pa ilahad;

at ang alikabok sa sapatos mo'y tanggalin?


Kailangan pa bang sa harap mo'y lumuha ako;

magmakaawa at paniwalain kang ako'y pulubi;

kumanta't tumugtog ng mga latang instrumento;

at makarinig ng mga paratang na mahapdi?


Kailangan ko pa bang magpatintero sa daan

at kalimutang ako ay may isang buhay

para lang kumatok sa iyong sasakyan

at hintayin ang barya na iyong ibibigay?


Kailangan ko pa bang sabihing ako'y nagugutom;

na ako'y walang tirahan o walang magulang;

ako'y walang edukasyon at sa solvent, nagugumon;

at katawan ko'y numinipis, sa sakit ay nadadarang?


Kailangan ko pa bang sa kalye ay mamalimos,

upang kumakalam kong sikmura'y malamnan;

upang ang buhay ko araw-araw ay mairaos

at upang ako lamang ay inyong pagmasdan?


Kailangan ko pa bang matulog sa kalsada;

maulanan-mainitan at kumain ng tira-tira

habang ikaw ay komportable sa iyong kama

at ang hapunan mo ay animo'y nasa pista?


Ako'y isang pulubi...

Hindi ko na kailangang humingi

kung ang puso mo'y para sa mga sawi

at hindi sinasamba ang salapi.


Mga Tula ni Makata O.Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon