“KAMAHALAN, umagang-umaga baka matunaw ako.” Nakaismid na wika ni Frankenstein na ikinagulat niya.
“Ahhhhh— patawad!” tinulak niya si Frankenstein palayo at agad bumangon. “Anong ginagawa mo sa aking silid?” namumulang tanong niya.
Tinukod lang ni Frankenstein ang kanyang kamay sa kama na tila pinapanatili ang magadang postura.
“Silid mo ba kamo?” tanong niya.
Nagtaka naman si Artemis at nilibot ang paningin, napagtanto n’yang hindi pala ito ang kanyang silid.
“H-hindi sa’kin?— Ano ang nangyari? Paano ako napunta rito?” naguguluhang tanong niya.
“Hindi mo naba naalala ang nangyari kagabi?” Tanong ng binata, umiling si Artemis sa kanya. “Nagkaroon ng Full Moon kagabi, hindi mo pa rin ba naalala?” dagdag pa niya.
Sinusing maigi ni Artemis ang mga nangyari kagabi. Unti-unti niya nang naaalala ang lahat, ang paglabas ng full moon, nakakulong siya sa kanyang silid, nakita ang sarili sa salamin, pagbago ng anyo, pagwasak sa paligid, pagpatong kay Frankenstein— “Teka ano?”
Hindi siya makapaniwala.
“Tunay ang iyong naalala, kamahalan. Nawala ka sa iyong katinuan na nagresulta ng hindi kaaya-ayang sitwasyon.”
Panimula ni Frankenstein sabay upo sa kanyang kama.
“Isa sa hindi kaaya-ayang naganap kagabi ay pinagsamantalahan mo ang aking kahinaan.” Dagdag niya na may nakakalokong ngiti. “Pero maaari na’ting ituloy ‘yon ngayon mismo kung nanaisin mo pa rin, kamahalan.”
Napatakip ng mukha si Artemis sa sobrang kahihiyan, hindi niya lubos akalain na nakaya n’yang gawin ang bagay na ‘yon kay Frankenstein.
“Patawarin mo ako, Ginoong Frankenstein. Hindi ko batid ang mga kalapastanganang ginawa ko kagabi, patawad.” Nahihiyang yuko niya sa binata.
Gustong humalakhak ni Frankenstein sa hitsurang nakikita niya ngayon kay Artemis, natatawa siya. Masyadong dinidibdib ang mga winika niya.
“Bueno, patatawarin kita ngunit sa isang kondisyon.” Napatingin ang dalaga sa kanya.
“K-Kondisyon? Anong kondisyon?”
“Madali lang.” tumayo si Frankenstein mula sa higaan at naglakad palapit sa dalaga. “Isang halik mo lang at ayos na.”
Nanlalaking-mata na napaatras si Artemis.
Bigla namang sumulpot ang pusa at muling kinagat ang ginoo sa binti.
“Aray, Sky! Nagbibiro lang ako!” Sigaw niya sa pusa pero ngumuso lang ito.
***
SIMULA umaga hanggang hapon ay nilaanan ni Artemis ng oras ang kanyang silid na sinira niya kagabi. Unang beses na makita niya ay halos lumuwa ang kanyang mga mata dahil hindi na ito makilala sa sobrang sira.
Mas lalong nadagdagan ang kasalanan niya kay Frankenstein. Hindi lang kalapastanganan ang kanyang ginawa kundi pati rin sa mga kagamitang nasira niya sa mansyon.
“Meow…”
“Oo, alam ko, Sky. Batid niya ang maaaring mangyari sa’kin kapag full moon— pero hindi ‘yong patungan siya. Patawarin sana ako ng maykapal.”
Gusto n’yang umiyak sa tuwing naaalala niya ang bagay na ‘yon.
“Punit na rin ang aking kasuotan, itong damit na suot ko ngayon ay sa kanya, posibleng si Ginoong Frankenstein ang nagpalit sa’kin ‘nong nawalan ako ng malay. Mahabaging panginoon—“ kaliwa-kanan n’yang pinagsasampal ang mukha.
Sa sobrang kahihiyan ay pakiramdam niya wala na s’yang mukhang maihaharap pa sa binata.
***
SAMANTALA sa sekretong laboratoryo…
Naglakad si Frankenstein habang pinaglalaruan ang punyal na hawak sa harapan ng nakagapos na immortal. Batid n’yang kalaban ang mga ito dahil sa itim na presensyang nakapasok sa barrier na nakapalibot sa isla.
Nakahanay sa kanyang harapan ang tatlong lobo at tatlong bampira na nahuli niya kaninang madaling araw bago ang pagsikat ng araw. Malakas ang kutob niya na naramdaman ng mga ito ang awra ng kapangyarihan ng buwan.
“Kamangha-mangha ang iyong pinamalas na kapangyarihan. Sabihin mo, isa kabang immortal?” tanong ng isang taong-lobong itim.
Hindi sumagot si Frankenstein sa kanyang tanong sa halip ay sinugatan ang sariling kamay dahilan ng pagdanak ng dugo.
Kanya-kanyang bago ng anyo ang mga taong-lobo at bampira nang malanghap nila ang sariwang dugo ng tao. Nagsilabasan ang kanilang mga pangil at humaba ang kanilang mga kuko.
“Imposible! Kung ganoon ay isa kang tao— paano ka nagkaroon ng malakas na kapangyarihan? Hindi ka rin mangkukulam. Sabihin mo!” agresibong tanong ng kasamahan nilang bampira.
Tinigil niya ang paglalaro sa punyal at ngumisi. “Mamamatay lang din naman kayo kaya sasabihin ko na kung sino ako.”
Walang pasabing napunta agad sa harapan ng bampira ang nakangising si Frankenstein kasabay ang pagsakal nito sa leeg at hinigop ang kaluluwang lumabas sa bibig padaan sa kanyang kamay.
“Baron!— demonyo kang nilalang ka! Tao ka bang talaga!” galit na sigaw ng isa pang bampira.
“Tawagin mo na’ko anumang pangalan ang iyong nais, may katotohanan naman…” Pagkatapos higupin ni Frankenstein ang kaluluwa ng bampira ay nakangisi n’yang hinarap ‘yong sumigaw.
“Kilala niyo ako bilang— ‘Kamatayan ng Immortal’."
Parehong nanlaki ang mga mata ng natitirang limang immortal sa kanyang sinabi. Minsan na silang pinagsabihan ng kanilang panginoon na sa oras na marinig nila ang pangalang ‘Kamatayan ng Immortal’ ay tumakbo na sila.
“K-Kung ganoon, ikaw ang— Immortal Grim Reaper na si…” napalunok ang taong-lobo sa nginig at takot. “Ambrose Frankenstein?”
“Hindi maaari! Ang kinatatakutang Kamatayan ng Immortal ay isa palang tao?!”
“Ikinagagalak ko kayong makilala.” Ngising wika ng ginoo at sabay silang natamaan ng itim na dyamante sa puso tagos hanggang likod mula sa kapangyarihan nito.
Sabay n’yang hinigop ang mga kaluluwa ng limang immortal hanggang naging tuyong butot-bala’t ang mga katawan nila.
Muling nakaramdam ng sensasyon si Frankenstein sa tuwing ginagawa niya ‘yon, mas lalo s’yang lumalakas. Ngunit agad nagbago ang kanyang ekspresiyon nang maalala ang nangyari.
“Kailangan ko nang maghanda, malakas ang kutob ko nalaman na ng mga Elder ang lugar na’to kung saan nagtatago si Artemis.”
Hinubad niya ang kanyang suot na puting kapote at kinuha ang mga gamit bago naglakad palabas ng laboratoryo.
“Hindi ko hahayaan na makuha nila si Artemis sa’kin, poprotektahan ko ang mahal na prinsesa… poprotektahan kita, aking mahal.” Frankenstein
— KnightAncient
BINABASA MO ANG
THE LUNAR'S VESSEL
VampireAyla Selene Di Artemis, kalahating bampira at kalahating lobo na tinataglay ang gintong mga mata. Sumanib sa kanya ang kapangyarihan ng buwan upang maging kinatawan nito. Gamit ang kapangyarihang ito, misyon n'yang balansehin ang kapayapaan ng tatlo...