CHAPTER 11

276 11 0
                                    

SA HARDIN ng mansyon nandoon ang dalagang si Artemis nagdidilig ng mga halaman. Si Sky naman ay pagulong-gulong sa malamig na damuhan at nilalaro ang mga insekto.

Hindi parin maalis sa kanyang isipan ang makisig at guwapong anyo ni Frankenstein. Sa tuwing naiisip niya ang binata, parang nagtatambulan ang kanyang puso, bumibilis ang tibok tila nakakabingi.

Alam n’yang may katandaan na ang edad ni Frankenstein pero ang lakas at tindig na taglay nito ay hindi nalalayo sa katulad niya.

“Abalang tao pala si Ginoong Frankenstein ano, Sky? Ang hirap talagang paniwalaan na matalik s’yang kaibigan nina ama’t ina, at ito ang kauna-unahang pagkakataon na makasaksi ng magandang koneksyon sa pagitan ng bampira, lobo at tao. Posible pala ‘yon, ano?” tanong ni Artemis sa pusa.

Tinignan lang siya nito at gumulong ulit sa damo.

“Para na akong baliw dito katatanong sa’yo nakalimutan kong hindi ka pala nakakapagsalita— huh?”

Agad nagtago si Artemis sa likod ng tanim nang may maramdaman s’yang hindi pamilyar na presensya palapit sa kanyang kinaroroonan.

Nang malapit na ito sa kanyang pinagtataguan ay sinilip niya kung ano ito. Isang nilalang na may suot na itim na balabal na tila may hinahanap.

Biglang kumabog ng malakas ang puso ni Artemis nang mapagtanto n’yang katulad ng nilalang na’to ang tumugis sa kanilang mag-ina.

Pambihira, hindi niya inasahan na masusundan siya ng kalaban.

Tinakpan niya ang kanyang bibig, ang masama rito ay wala si Frankenstein, tumulo ang luha niya sa sobrang takot. Muling nagtago si Artemis nang mahuli n'yang tumuon ito sa kanyang gawi.

Hindi niya mapigilan ang manginig, takot na takot baka mahuli siya ng nilalang na’to.

Nanlaki ang kanyang mga mata nang nahuli nito ang kanyang kamay, biglang napasigaw ng malakas si Artemis sa sobrang takot at napapikit na lang.

“Bitawan mo ako!”

Subalit ang pagkahawak na ‘yon ay hindi nagtagal sa kanyang kamay at tanging malakas na kalabog na lamang ang narinig.

Minulat niya ang kanyang mga mata upang tingnan 'yon at laking gulat n’yang nakataob ang lalakeng nakaitim na balabal habang si Frankenstein ay nakatayo sa kanyang harapan.

“Ginoong Frankenstein!” Gumaan ang loob ni Artemis nang dumating ang Ginoo.

Tumayo ang lalakeng nakaitim na balabal at hinarap si Frankenstein.

Ang normal nitong kamay ay nagpalit ng anyo.

“Lobo.” Bulong ng Ginoo. “Swerte nga naman at may napadpad na lobo dito. Madadagdagan na naman ang aking koleksyon.” Ngumisi si Frankenstein tila nagagalak.

Si Artemis naman ay kinabahan, walang kahit anong bahid ng takot ang nabuo sa mukha ni Frankenstein kahit lobo ang kaharap. “Ginoong Frankenstein! Isa s’yang lobo, kaya mo ba s’yang harapin? Tutulunga—"

“Manatili ka d’yan at huwag kang lalapit, Artemis.” Wika ni Frankenstein sabay labas ng itim na kapangyarihan na nakapalibot sa kanyang katawan.

Hindi alam ni Artemis kung anong uring kapangyarihang ‘yon, maitim at nababalutan ng mabigat na presensya, nakapanghihina.

Masyadong malakas para sa taong katulad niya.

Inatake ng taong-lobo si Frankenstein pero pinaulanan siya nito ng itim na matutulis na dyamante na s’yang tumama sa iba’t-ibang parte sa katawan na ikinabagsak agad nito. Agad nawala ang mga itim na dyamante na nakatusok subalit ang sugat ay nanatili.

Naghihingalo ang lobo at bumalik sa normal ang kamay nito, ngunit ang mga bakas ng kapangyarihan ni Frankenstein ay naroon tila isang lason na kumakalat.

Tumayo si Artemis at nilapitan.

Hindi siya makapaniwala sa lakas na tinataglay ni Frankenstein, katulad na katulad ng kanyang ina na isang atake lamang ay tumba na agad ang kalaban.

“Huwag mo s’yang lapitan, Artemis.”

“Ginoong Frankenstein, nais kong makita ang kanyang wangis nang matukoy kong isa nga siya sa tumugis sa’min noon ni ina.”

Hindi na pumalag si Frankenstein at pinagbigyan ang kanyang nais. Pero bago paman ito tuluyang makalapit ay tumayo ang taong-lobo at hinarap sila.

Natuwa si Frankenstein sa tinataglay n’yang regeneration ability na s’yang paghilom agad ng mga tinamong sugat kahit ang lasong nakapaloob. Kutob niya ay nagmula sa espesyal na angkan ng mga lobo ang isang ‘to.

Nakatayo sa kanilang harapan ang taong-lobo na parang walang nangyari. Inalis nito ang kanyang balabal at pinakita ang sarili.

Natigilan si Artemis nang makita ang isang lalakeng may kulay berdeng mga mata habang buhok nito ay kulay abo. Hindi maipagkakailang nagmula sa angkan ng mga lobo.

“Ipagpaumanhin niyo ang aking panghihimasok na walang permiso sa hardin ng iyong mansyon at paggawa ng kaguluhan, Ginoo…" Wika nito at yumuko kay Frankenstein bilang pag-galang. "Naramdaman ko sa gawing ito ang presensya ng aming Lycaon.”

“Anong— Ibig sabihin ay hindi ka kasapi sa mga itim na lobo?” Natigilan si Artemis nang maalala niya ang pagbago ng kamay ng ginoo kanina.

Ang balahibong tumubo nito ay kulay abo at hindi itim.

Tinignan ng taong-lobo si Artemis, nang magtama ang kanilang mga tingin ay walang-alinlangang lumuhod agad ang ginoo. “Nux.”

“Nux?” kahit ang dalaga ay nagulat sa biglaang pagluhod niya. "Paano mo nalaman?”

— KnightAncient

THE LUNAR'S VESSEL Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon