SA MALAKING bintana ng silid ni Artemis ay nakatingin si Sky sa kabilugan ng buwan. Ang mga mata nitong kulay asul ay kumikislap mula sa sinag ng buwan.
Si Boris naman ay hindi makatulog, malamig ang simoy ng hangin, mabigat din ang kanyang nararamdaman, kutob n’yang may hindi kaaya-ayang magaganap.
Kanina pa siya pabalik-balik sa paglakad sabay tingin ng paulit-ulit sa buwan. “Sana mali ‘tong presensyang nararamdaman ko.”
Napatingin siya sa bintana nang makita niya ang isang paniki na nangungulit kay Sky. Lumapit siya rito at tinaboy ang paniki.
“Alis!” bigla namang kinagat ni Sky ang kanyang kamay. “Aray! Bakit na naman?!”
“Meow…” muling nilapitan ni Sky ang paniki at maingat na hinawakan. “Meow.”
“Sky, h’wag mong kalilimutan na hindi maaaring umibig ang pusang katulad mo sa isang paniki naintindihan mo ba?” sermon niya sa pusa pero hindi siya pinansin nito. “Ang sama talaga ng ugali— huh?”
Biglang nanlaki ang mga mata ni Boris nang maramdaman niya ang isang malakas na presensya sa bandang norte kung saan naroroon ang lahi ng mga tao.
“Hindi maaari!”
Dali-dali n’yang kinuha ang kanyang balabal para lumabas upang matingnan at makumpirma ang kanyang hinala.
Pagkalabas niya ng pinto ay nakasalubong niya ang seryosong mukha ni Frankenstein.
“G-ginoong Frankenstein?” gulat n’yang turan.
“Kung ganoon ay naramdaman mo rin pala ‘yon.” Wika ng ginoo.
“Oo at binabalak kong puntahan ngayon din ang presensyang ‘yon. Naroon siya sa bandang norte mula dito kung saan nandoon ang taong-mamamayan, dapat ko na s’yang unaha—” tinaas ni Frankenstein ang kanyang kamay para patahimikin siya.
“Hindi ka maaaring pumunta roon, maiwan ka sa kastilyong ito at sa’yo ko muna iiwan si Artemis.” Wika ni Frankenstein.
“Ang mahal na prinsesa…” Bulalas ni Boris.
“Nandoon siya sa aking silid at natutulog. Batid kong mapansin niya rin na wala ako sa tabi niya, kaya kapag nagtanong siya pakisabi may mahalagang bagay akong inasikaso. Batid mo naman ang mensahe sa kalamigan ng hangin, hindi ba?” tanong ni Frankenstein, tumango ang binata sa kanya.
“Masama ang kutob ko na may hindi magandang mangyayari.” Sagot ni Boris.
“S’yang tunay, makinig ka sa’kin bata. Isang bagay lang ang ipinapakiusap ko sa gabing ‘to…” Tiningnan niya si Boris ng seryoso. “Protektahan mo si Artemis.”
Biglang kinabahan si Boris sa kanyang winika, tila sinasabi nito na hindi siya makakabalik ng buhay.
Huminga siya ng malalim. “Kahit hindi mo sabihin ‘yon ang nararapat kong gawin.”
“Mainam.” Tanging sagot ni Frankenstein at naglakad paalis.
“Isa kang tao, hindi ba?” tanong niya na ikinatigil sandali ni Frankenstein.
“Oo.”
“Paano ka nabuhay nang ganito katagal?”
“Mahabang kwento.” Tanging sagot ng Ginoo hanggang sa tuluyan na s’yang nawala sa paningin ni Boris.
***
PAGKARATING ni Frankenstein sa bayan ng mga tao ay nakita niya agad ang nilalang na pinagmumulan ng presensyang naramdaman ni Boris kanina.
“Matagal tayong hindi nagkita… mahal kong kaibigan.” Wika nito.
Lumingon naman ang immortal habang may hawak na libro at naglalabas ng engkantasyong kapangyarihan sa kamay palibot sa buong bayan ng mamamayan.
“Pansamantala kong itatago ang buong mamayan sa nagbabadyang paglusob ng kalaban.” Sagot nito at saktong natapos ang orasyon.
Napatitig si Frankenstein sa librong hawak niya, alam niya ang librong iyon. Ito ay isa sa mga ipinagbabawal na libro ng mga mangkukulam.
“Sa mga oras na ito ay mahimbing na natutulog ang mga tao kaya hindi nila mapapansin ang aking ginawa… umalis na tayo rito nang sa ganoon ay tuluyan ko nang matapos ang orasyon.” Wika nito at sabay silang lumabas ni Frankenstein sa bayan.
Limang metro ang layo at hinanda ng immortal na’to ang kanyang kapangyarihan.
“Seal!”
Lumabas ang kulay lila at dilaw na ilaw na nakapalibot sa bayan at ang mga kabahayan sa loob ay unti-unting naglaho at naging masukal na kagubatan.
“Kailangan na’ting protektahan taong-mamamayan.”
Ngumisi si Frankenstein sa kanya. “Magpakahanggang ngayon ay busilak parin ang iyong puso pagdating sa aking mga kalahi.”
Agad nawala ang ngisi niya nang maalala ang totoong pakay ng kanyang kaibigan.
“Batid kong may masamang magaganap, anong binabalak ngayon ng Elder?” tanong nito.
“Nalaman ni Arcus na dito nagtatago ang mahal na prinsesa kaya naghahanda na siya ngayon din sa kanyang pangkat para sa paglusob. Kapag nangyari ‘yon damay pati ang mga tao.” Sagot ng kaibigan niya.
“Bakit nais makuha ng Elder ang kapangyarihan ng buwan gayong alam niya na hindi ito kayang sakupin ang katawang bampira? Sa ano pang dahilan?”
“Inutusan niya ako na manmanan ang lugar kung saan nagtatago ang mahal na prinsesa. Nais n’yang makuha at malipat ang kapangyarihan ng buwan sa pamamagitan ng aking engkantasyon. Batid kong… nagdududa na siya sa aking kaalaman tungkol sa iyong pagkabuhay ng matagal na panahon. Hindi niya batid ang blood-pact na ginawa niyo ni Amarok at Selena.”
Bigla namang nagpakita ang pusang si Sky mula sa damuhan kasama ang paniki, hindi namalayan ni Frankenstein na nakasunod pala ‘to sa kanya.
Ang paniki ay dumapo palapit sa kaibigang immortal.
“Ngayon… kumpleto na tayo.” Ngising wika ni Frankenstein.
Ang dalawang hayop na kasama nila ay unti-unting nagbagong anyo.
— KnightAncient
BINABASA MO ANG
THE LUNAR'S VESSEL
VampireAyla Selene Di Artemis, kalahating bampira at kalahating lobo na tinataglay ang gintong mga mata. Sumanib sa kanya ang kapangyarihan ng buwan upang maging kinatawan nito. Gamit ang kapangyarihang ito, misyon n'yang balansehin ang kapayapaan ng tatlo...