Kabanata 6

2.1K 59 0
                                    



Hindi ko alam kung paano ko pakikiusapan si Heid na huwag nang ituloy ang binabalak niya. Ayoko na lalong maging magulo ang lahat.

Kapag pinakiusapan niya si Ma'am Micah at Sir Ceto, baka iba na ang isipin nila. Lagi pa naman kaming magkasama ni Heid. Baka sabihin nila inakit ko ang anak nila.

Na tinuhog ko ang dalawa.

Hindi ko kaya 'yon. Hindi kakayanin ng puso ko. Sa hapagkainan ay inabangan ko talaga na bumaba si Heid. Siya at si Hedy na lang ang kulang. Naghintay pa kami ng ilang minuto bago bumaba si Hedy. Kasunod niya ay si Heid at halatang pareho silang wala sa mood.

Walang imikan pero nagdasal muna si Ma'am Micah, pagkatapos ay wala ulit imikan na kumain. Hindi ako sanay na sobrang tahimik nila. Maging si Busk at Sir Ceto, na siyang makulit sa pamilya, ay natahimik na rin. Tumitikhim paminsan-minsan si Kuya Cello.

Kaunti lang ang kinain ko dahil sa pagkailang. Pagkatapos na pagkatapos ko ay dahan-dahan akong tumayo.

"T-Tapos na po ako..." nahihiyang sabi ko.

"Ha? Sobrang kaunti naman ng kinain mo, hija."

"B-Busog pa po kasi ako." Sinubukan kong ngumiti.

Nauna ako sa kanilang matapos kaya bumalik ako sa kwarto ko. Umupo ako sa dulo ng kama ko.

Nasira ko ba ang pamilya nila? Nasira ko ba ang tahimik at perpekto nilang buhay?

Napahawak ako sa tiyan ko at bahagya itong hinimas. Mag-iisang linggo pa lang ako rito pero nakita ko na kaagad ang kaibahan simula no'ng dumating ako.

At sobrang sakit makita silang gano'n. Dahil hindi naman sila gano'n.

Nanatili ako ng isang oras sa kwarto bago naisipang lumabas at hanapin si Ma'am Micah. Kailangan ko siyang makausap.

Hinanap ko siya sa buong bahay pero si Sir Ceto ang natagpuan ko sa hardin nila at nagdidilig.

"Oh, hija, anong ginagawa mo rito? Baka madulas ka." Itinigil niya ang pagdidilig at humarap sa akin ng maayos.

"Ah, hinahanap ko lang po si Ma'am Micah."

"Bakit? May kailangan ka ba? Pwede mo namang hingin sa akin o sa mga anak namin."

"Ay, hindi po. Wala po akong kailangan. May sasabihin lang po talaga ako sa kaniya."

Nakapagdesisyon na ako at gagawin ko ang sa tingin ko ay makakabuti para sa lahat.

"What is it? You can tell me and I'll just tell my wife later when she comes home. She just visited her dad."

"Ah." Napatango-tango ako. "Ano po kasi, Sir Ceto, magpapaalam lang po sana ako."

"Oh, bakit? Saan ang punta mo?" Tuluyan nang nawala sa pagdidilig ang atensiyon niya.

"Aalis na po ako rito sa bahay ninyo, Sir." Sinubukan kong ngumiti kahit kabaligtaran nito ang gusto kong maipakita. "Salamat po sa pagtanggap sa 'kin at sa kabaitan ninyo sa akin, Sir. Kayo ng pamilya niyo."

"Rajna..." Bumuntong-hininga siya at binitawan ang hose para hawakan ang dalawang braso ko. "Listen to me. Alam kong mahirap magbuntis mag-isa at narinig ko na napalayas ka na rin kaya dito ka na muna. Pasensiya ka na sa nagawa ni Hedy—"

"Hindi po. Hindi po ako aalis dahil sa ginawa ni Hedy," agap ko at umiling-iling. "Aalis po ako dahil napagtanto ko po na sobrang kapal na po ng mukha ko na ipinaako ko na sa anak ninyo ang bata, tapos nakikitira pa ako rito. Nakagulo pa ako sa inyo." Kinagat ko ang labi ko.

The Paternity PuzzleTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon