KINALADKAD ni Dante palabas si MG Cerino habang nakapalibot sa kanila ang mga empleyado na walang kaalam-alam sa nangyayari.
"Huwag na huwag mong iniinsulto ang tatay ko! Ikaw ang dahilan kaya maagang nasira ang buhay ko! Wala akong ibang ginawa sa paglaki ko kundi paghandaan ka, Assante! Para 'pag nagtagpo tayo ulit, sisiguraduhin kong buhay mo naman ang sisirain ko!"
Kahit bugbog-sarado na, ayaw pa ring magpaawat ni MG Cerino. "Sinasabi ko sa 'yo, nagsasayang ka lang ng oras sa paghihiganti mo sa 'kin. Hindi magtatagal, kukuyugin ka na ng iba ko pang mga miyembro! Gagawin din namin sa 'yo kung ano ang ginawa namin noon sa ama mo! Maghintay ka lang, Crisanto. Kung ngayon kinakaya-kaya mo ako, mamayang gabi magmamakaawa ka na sa buhay mo!"
"Kahit ilang batalyon ng Spaterion pa ang dalhin mo, hindi n'yo 'ko mapapatay, Assante! Walang kahit sino sa inyo ang may kayang patumbahin ako. Bago pa ako makuyog ng mga miyembro mo, una ka nang kukuyugin ng mga pulis sa dami ng baho n'yo!"
Nakuha pa ring tumawa ni MG Cerino na lalong nagpakulo sa dugo ni Dante. "Pulis? Sa tingin mo ba matatakot mo pa ako sa mga pulis-pulis na 'yan? Bago pa nila ako makuyog, sila na ang unang makukuyog ng mga miyembro ko! Maghintay ka lang, Crisanto, Dante, or whatever the f*ck you are! Hindi ka na aabutin ng bukas!"
Hindi na siya nakapagpigil. Muli niyang pinaputukan ng baril ang sahig na kinaluluhuran nito. Halos mapalundag sa gulat ang matanda. Pati mga empleyado ay napasigaw at napaatras sa ginawa niya.
Muli niya itong hinawakan sa leeg at itinutok ang baril sa ulo. "Isa lang naman ang gusto kong mangyari para matigil na ang sigalot sa pagitan nating dalawa. Bitiwan mo ang posisyon mo at ako ang gawin mong grand chancellor ng Kappa Delta Upsilon!"
Mabilis na naglaho ang ngisi sa anyo ni MG Cerino. "What did you say?"
"Ang sabi ko, ako ang gawin mong grand chancellor ng Kappa Delta Upsilon! Ibigay mo sa 'kin ang pamumuno sa Kappa Delta Upsilon! Maliwanag na ba sa 'yo?"
"Ano'ng pumasok sa utak mo at iyan na naman ang naisipan mong gawin?"
"Ngayong tinalo na kita, wala ka nang kredibilidad para pamunuan ang frat mo. Bagsak na bagsak ka na, Assante! Sino pa ang susunod sa 'yo kapag nalaman nila na ang isang miyembrong katulad ko ay napabagsak ang grand founder na gaya mo? Kaya ipasa mo na sa akin ang pamumuno sa Kappa Delta ngayon din! Ako ang gawin mong grand founder, grand chancellor, o kung anupamang pinakamataas na posisyon ang meron doon!"
"Siraulo ka ba? Kahit kailan, hinding-hindi ko ibibigay kung kani-kanino ang pamumuno sa Kappa Delta Upsilon! Lalong-lalo na sa mga asong katulad mo! Hindi ka dapat sa amin sumali, eh. Doon ka dapat sa frat ng walang kuwenta mong ama! Doon sa Zeta Alpha Omicron!"
Muli niyang pinadapo ang kamao rito na nagpaalog sa ulo nito. Tuluyan ding nagdugo ang ilong ng matanda.
"Huwag mong subukang ubusin ang pasensya ko, Assante! Hinding-hindi mo magugustuhan ang gagawin ko sa 'yo!" Lalo pa niyang diniinan ang bibig ng baril sa ulo nito. "Sasabog talaga ang ulo mo kapag hindi mo sa 'kin ipinasa ang posisyon mo!"
Nilingon niya si Don Frido at may isinenyas dito. Agad namang nilabas ng matanda ang isang papel na pinahawak niya rito kanina. Pagkakuha ay inilapag agad niya ito sa harap ni MG Cerino.
"Pirmahan mo 'yan! Iyan ang magpapatunay na ipinapasa mo sa akin ang posisyon mo. Iyan ang dokumentong magdedeklara sa akin bilang bagong grand chancellor ng Kappa Delta Upsilon! Bibigyan kita ng isang minuto para pirmahan 'yan, kung ayaw mong sumabog ang ulo mo!"
Nginisian lang siya ng matanda. "Sa tingin mo ba, matatakot mo pa ako sa kamatayan? Kahit pugutan mo pa ako ng ulo, hinding-hindi ko pipirmahan 'yan!"
"Alam kong hindi na sapat ang kamatayan sa 'yo, Assante. Huwag kang mag-alala. Hindi lang naman buhay mo ang kukunin ko. Pati na rin ang anak mo!"
BINABASA MO ANG
Dante Must Die
БоевикAfter becoming the grand champion in a death match, an MMA fighter returned to his birthplace to take a revenge against the powerful fraternity who killed his father. Can he beat them all?