NAGKAYAYAAN sina Mike Rafael at Prof. Enrico na mag-Samgyeopsal sa labas kaya hindi na nakatanggi si Dante nang isama siya ng mga ito. Panay naman ang tawa nila habang magkakasalo sa bilog na mesa. Laman pa rin ng usapan nila ang nangyaring gulo kaninang umaga.
"Sayang, Sir! Wala kasi kayo kanina, eh. Hindi n'yo tuloy nakita kung paano kinawawa ni Boss Dante sina Logan! Apat na silang nagtulung-tulungan, ah! Pero hindi pa rin nila kinaya si boss!" tumatawang pagmamalaki ni Mike sa prof nito.
"Actually, lima sila, eh. Isama mo na rin 'yung kupal na babaeng sumingit kanina," natatawa namang pakli niya.
"Babae lang, boss, hindi kupal. Si Eunice ko 'yun, eh!" makahulugang sagot sa kanya ni Mike.
Bahagyang umangat ang kabilang kilay niya. "Ano'ng Eunice mo 'yun?"
"Ang totoo n'yan, crush kasi ni Mike si Eunice!" singit naman sa kanila ni Prof. Enrico.
Hindi napigilang matawa ni Dante. "Seryoso, brad? Crush mo 'yun? Spaterion 'yun 'di ba?"
"Alam ko naman 'yun. Kaso sa kanya lang talaga ako tinamaan, eh!" natatawa namang sagot ni Mike.
"Sa dami ng babae sa campus, sa kanya ka pa talaga magkakagusto? Ikaw na mismo ang nagsabi na aso lang ang tingin sa inyo ng mga Spaterion."
"Pero umaasa pa rin ako na balang araw, makikita niya rin 'yung halaga ko at ika-crush back din niya ako. Alam mo kasi, boss, ilang beses nang nabigo sa pag-ibig 'yang si Eunice. Kaya ganoon na lang kainit ang ulo. She just need someone that can love her and her imperfections."
"Naku, huwag mo nang sayangin ang pangarap mo roon. Ibang babae na lang ang pangarapin mo. Deserve mong magkaroon ng matino at mabait na babaeng hindi mababa tumingin sa ibang tao, Mike," payo naman niya rito na parang kuya.
Pero hindi na sumagot doon si Mike. Hindi pa rin kasi nito kayang i-let go ang nararamdaman kay Eunice. Umaasa pa rin talaga ito na balang araw, makikita rin ng babae ang good sides nito kahit magkaiba sila ng frat na kinabibilangan.
"Pero, hijo, doblehin mo na ang pag-iingat mo n'yan. Dahil sa ginawa mo kanina, paniguradong mainit na ang dugo sa 'yo ng mga Spaterion. Hindi natin alam kung ano ang susunod nilang gagawin sa 'yo, lalo na't si Logan pa naman ang kinalaban mo. Sa lahat ng estudyante rito, 'yan ang may pinakamahabang sungay. Kaya nga ayaw na ayaw ko rin iyan."
Tumawa lang siya at pinakitang hindi tinatablan ng takot. "Huwag po kayong mag-alala, Sir Enrico. Expected ko na po iyon. Katunayan nga, iyon din ang hinihintay kong mangyari, eh. Dahil sigurado akong mas iinit pa ang dugo nila sa 'kin sa susunod na gagawin ko..."
Sa pagkakataong iyon ay nawala ang ngiti ng dalawa. Sabay pang napalingon ang mga ito sa kanya habang tila napapaisip din kung ano ba ang tumatakbo sa utak niya.
Gabi na natapos ang bonding nilang tatlo. Nagbalik sa campus sina Mike at Prof. Enrico dahil may gagawin pa raw ang mga ito. Siya naman ay nagpaalam na at sumakay na sa motor niya.
Hindi pa man siya nakalalayo sa kanilang campus, bigla na siyang hinarangan ng grupong tila kanina pa nag-aabang sa kanya. Nagkumpulan ang mga ito sa daan kaya wala na siyang ibang madaanan.
"Saan ka pupunta? Hindi mo pa napagbabayaran ang ginawa mo sa master namin," sagot sa kanya ng isa habang ipinapalo sa kabilang kamay ang paddle na hawak nito.
"Hindi mo na kami kakayanin ngayon, kumag," pagyayabang naman ng isa pang lalaki na may hawak ding paddle.
Lahat sila roon, may mga dalang paddle, baseball bat, at brass knuckles.
Hindi na nag-abalang bumaba ng motor si Dante. Pinaharurot niya ito sa gitna ng kanilang kumpulan. Napasigaw ang grupo ng mga Spaterion at nagkanya-kanya ng atras.
BINABASA MO ANG
Dante Must Die
AksiAfter becoming the grand champion in a death match, an MMA fighter returned to his birthplace to take a revenge against the powerful fraternity who killed his father. Can he beat them all?