Chapter 5: Dangerous Encounter

143 13 2
                                    

TUTOK na tutok si Crisanto sa pinapanood na balita tungkol sa radio reporter na pinatay at binaril nang gabi ring iyon. Ang lugar na pinangyarihan ng krimen ay hindi rin kalayuan sa Nexus.

"Barangay Kapuspusan? 'Di ba isang sakay lang 'yon mula rito, abuelo?" baling agad niya kay Don Frido na nasa likuran niya.

"Oo. Kahit lakarin mo nga lang 'yan, fifteen minutes lang makakarating ka na d'yan," sagot naman nito habang nakatutok din sa balita.

"Kilala n'yo po ba 'yan?"

"Sikat na radio broadcaster 'yang si Agapito Lopez. Nakilala siya dahil sa matapang niyang pagbibigay ng puna at kritisismo sa mga issue ng gobyerno. Hindi siya natatakot na i-call out sa kanyang programa ang mga opisyales na napatunayang gumagawa ng kalokohan sa likod ng publiko."

Pagkatapos magpaliwanag ay lumipat naman ang mata nito sa kanya. "Marami ang humahanga d'yan dahil sa taglay niyang katapangan. Nakakalungkot nga lang dahil ang katapangan pa niya ang nagdala sa kanya sa kamatayan. At hindi malabong mangyari din sa iyo 'yan kapag pinairal mo ang iyong tapang sa lugar na ito," anito sa tinig na parang pinaparinggan siya.

"Pero sa palagay n'yo, sinu-sinong mga politiko ba ang kinall-out niya bago mangyari ito?" pag-iiba ni Crisanto sa kanyang sagot.

"Nitong mga nakalipas na buwan, tatlong politiko pa lang ang alam kong lagi niyang tina-topic sa kanyang programa. Una ay ang presidente natin na binabatikos niya dahil sa mahinang aksyon nito sa terorismo. Pangalawa ay ang panukala ng bagong senator na si Roberto Ramos na gustong ipa-ban ang mga Korean TV shows dito sa bansa dahil nasasapawan daw ang entertainment industry natin. Pangatlo ay ang drug issue ng isa pang senator na si Calixto Basco."

"Silang tatlo ang lagi niyang tinitira ngayon sa radyo?"

Tumango agad ang matanda. "Oo, silang tatlo ang laging laman ng programa niya nitong mga nakaraang buwan."

Napatayo si Crisanto sa sofa at hinarap ang computer niya sa table. Hinanap niya sa internet ang pangalan ng tatlong politiko na binanggit ni Don Frido. Isa-isa niyang tiningnan sa mga lehitimong websites ang full background ng mga ito.

Hanggang sa mabasa niya ang isang impormasyon tungkol kay Calixto Basco, na isa raw ito sa mga kilalang senador na miyembro ng fraternity na Kappa Delta Upsilon.

Doon nalipat ang atensyon niya. Sinubukan niyang mag-research ng mga notable celebrities at other personalities na may mga kinabibilangang kapatiran. Base sa mga lumabas na resulta, dalawa sa kasalukuyang senador ngayon ang kilalang member ng fraternity.

Una ay si Calixto Basco na nasa Kappa Delta Upsilon, pangalawa ay si Wilson Dela Cruz na nasa Omega Sigma Phi.

Dito pinagana ni Crisanto ang talas ng kanyang isip. "Dalawa silang member ng magkaibang frat. Pero base sa sinabi ni abuelo, si Calixto Basco lang ang kabilang sa tatlong politiko na tinitira ngayon ni Agapito Lopez dahil sa mga drug issues nito."

Muli siyang tumipa sa keyboard. Hanggang sa lumitaw sa harapan niya ang mga article na nagpapakita sa mga drug issues noon ng Kappa Delta Upsilon. Dito niya nakumpirma na ang fraternity ngang ito ang may pinakamaraming involvement sa droga, bukod sa hazing at ilang mga krimen.

Sinubukan din niyang pakinggan ang ilang video clips ng programa ni Agapito Lopez kung saan buong tapang nitong inilahad ang nalalaman tungkol sa itinatagong negosyo ni Calixto Basco na pagpupuslit ng droga sa bansa.

Dahil sa drug issue na kinahaharap ng naturang senador, pati na rin sa mga drug issues na kinasangkutan ng Spaterion, naisip niyang baka may kinalaman si Calixto Basco sa pagkamatay ng radio reporter.

"Kung hindi ako nagkakamali, maaaring nag-utos ng tao si Calixto Basco para ligpitin ang radio personality na kumakalaban sa kanya. O puwede ring pinoprotektahan siya ng kinabibilangan niyang frat at sila mismo ang gumawa nito kay Agapito para iligtas siya sa malaking eskandalo."

Dante Must DieTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon