"MERON tayong masamang balita, Assante," uminit na naman ang ulo ni MG Cerino sa sinabing iyon ni Valiento.
"Magmula kanina, puro masasamang balita na lang ang sinasabi mo. Wala na bang iba?" Hindi siya nakapagpigil na pagtaasan ito ng boses.
"Kailangan mong tanggapin ang katotohanan. Tayo ang nasa alanganin ngayon dahil kalat na kalat na ang mga ebidensya laban sa atin. Hindi na natin malilinis ang ating pangalan. Masyadong matibay ang mga ebidensyang hawak nila laban sa atin. Dahil iyan sa labis mong pagtitiwala sa Dante na 'yon! Kung hindi mo lang sana siya kinaibigan at inimbitang makasali rito noong una pa lang, hindi sana aabot sa ganito ang lahat!"
"Oo na! Hindi mo na kailangang ipamukha sa akin iyan! Ano ba 'yang balita mo?"
"Naka-block na sa lahat ng airlines ang pangalan mo. Hindi ka na makakalabas ng ibang bansa. Maliban na lang kung gumawa ka ng pekeng passport at dokumento mo, at palitan 'yang mukha mo."
"Bakit ko pa kailangang gumawa ng pekeng passport at magtago sa ibang mukha? Tanga na lang ang gagawa n'on! Tawagan mo si Enchong, dalhin niya ang helicopter ko sa Santa Catalina. Doon tayo tatakas!"
"Pagtakas talaga ang nasa isip mo? Wala ka bang nakakalimutan, Assante?"
Napalingon siya rito. "Ano na naman ba ang nais mong ipahiwatig ngayon!"
"Sa sobrang atat mong makatakas, nakalimutan mo nang isama ang anak mong si Logan! Nasaan na ba siya? Bakit pa siya umalis kanina? Saan siya nagpunta?"
Napamulagat sa gulat si MG Cerino. "Oh sh*t! Oh sh*t! My son! H-hindi siya puwedeng mawala sa akin!" Bigla niyang naalala, halos magwala ito sa galit kanina nang malaman nito ang ginawa sa kanya ni Dante. Kaya nagpaalam ito sa kanya na susugod doon para ipaghiganti siya. Ngunit hanggang ngayon ay hindi pa rin ito bumabalik. Ni wala pa itong paramdam.
Labis ang panggagalaiti ni MG Cerino. Wala siyang ibang inisip kundi ang makatakas at mailigtas ang sarili niya laban sa matinding kahihiyan kaya pati anak niya ay nawala na sa isip niya. Talagang ginulo ng mga pangyayaring ito ang utak niya.
Agad niyang dinukot ang cellphone sa bulsa at tinawagan ang numero nito. Nakahinga siya nang maluwag dahil sumagot ito agad.
"Logan! W-where are you, son? Nasaan ka na ba? Papunta kami ngayon sa Santa Catalina! Dito namin aabangan ang helicopter na susundo sa atin! Can you please tell me where you are para mapasundo na kita! O sumunod ka na lang dito kung gusto mo!""Salamat at sinabi mo kung nasaan ka ngayon, Assante." Nagulat siya dahil iba ang boses na sumagot sa cellphone. "At least hindi na ako mahihirapang hanapin ka." Hindi siya maaaring linlangin ng pandinig, boses iyon ni Dante!
Lumabas ang ugat sa magkabilang noo niya. "Hayop ka, Dante! Isinusumpa kita! Nasaan ang anak ko! Bakit nasa iyo ang telepono niya!"
"Kahit iniwan mo siya rito, nagbabakasakali pa rin akong may tatawag sa kanya kaya dinala ko ang telepono niya. Marami rin akong nakuhang ebidensya rito laban sa 'yo, Assante. Wala ka nang kawala ngayon. Mas lalo ko pang pabibigatin ang kaso mo hanggang sa hindi ka na makatayo."
"Hindi n'yo ako mahuhuli! Kahit magdala ka pa ng isang libong sundalo, wala kang mapapala, Dante! Hindi ako 'yung tipo ng tao na susuko na lang sa batas! Walang batas ang makakapagpasuko sa akin tandaan mo 'yan! Mas mauunang sumuko ang batas kaysa sa akin!"
"Alam ko," sagot agad ng lalaki. "Alam ko namang wala ring magagawa ang mga pulis sa 'yo. Kaya nga huwag mong ipanalangin na ako ang makahanap sa 'yo, Assante. Dahil hindi mo magugustuhan ang gagawin ko. Kapag ang mga pulis ang unang nakahanap sa 'yo, makukulong ka lang. Pero kapag ako ang nauna, magdasal ka na sa lahat ng Diyos mo dahil hindi kayang sukatin ng utak mo ang tindi ng parusang gagawin ko sa 'yo."
BINABASA MO ANG
Dante Must Die
ActionAfter becoming the grand champion in a death match, an MMA fighter returned to his birthplace to take a revenge against the powerful fraternity who killed his father. Can he beat them all?