NAKALIMUTAN nang ubusin ni Dante ang kanyang kape. Masyado siyang nag-enjoy sa pagbabasa ng mga hatred comments sa Kappa Delta Upsilon lalo na kina MG Cerino at Senator Basco.
Dahil sa pagtatago sa ibang bansa, ilang beses nang hindi dumalo si Senator Basco sa virtual hearing ng kaso nito. Habang si MG Cerino naman ay wanted na sa buong bansa at hindi na rin mahagilap.
Ang iba naman sa mga Spaterion ay napilitan nang magpakalayo dahil kinamumuhian na ngayon ang kapatiran nila. Dahil sa mga ebidensyang ikinalat niya sa publiko, tuluyang nagising ang mga tao sa mga illegal na gawain ng Kappa Delta Upsilon. Kahit ang mga koneksyon nila sa matataas na posisyon ay wala na ring magawa para pagtakpan sila dahil pati ang mga ito ay nakasuhan na rin.
Natigilan lang si Dante nang lapitan siya ni Mike. "Boss, na-trace ko na si MG Cerino! Mukhang nagbukas yata siya ng cellphone niya kaya lumitaw na siya rito sa tracker ko."
Agad niyang tinitigan ang screen ng tracking device nito kahit wala siyang ideya kung paano basahin iyon. "Asan na raw siya ngayon?" Sabay lapag ng cellphone niya sa tabi.
"Andito siya sa lumang apartment building ng Roselia Residencies. Nasa bandang Bulacan naman ito. Sa pagkakaalam ko, matagal nang abandonado ang apartment building na ito."
Agad tumayo si Dante at isinuot ang kanyang jacket. "Tara na!"
PASADONG alas-siyete ng gabi nang makarating sila sa Roselia Residencies. Sa labas pa lang ay halatang luma na ito dahil sa mga bakbak na pintura, sira-sirang bintana at ilang bahagi ng gusali na isang hangin na lang bago tuluyang bumigay.
Tatlong kotse ng mga pulis ang kasama nina Dante. Sa harapan dumaan ang sasakyan ng mga ito, habang siya naman ay pinatakbo ang motor niya patungo sa likuran ng building. Nakaangkas sa likod niya si Mike.
Habang sa isang sasakyan na nakasunod sa kanila ay magkakasama sina Enrique, Joshua at Ryosuke pati na rin ang coach nilang si Maverick.
Napaliligiran na nila ang buong building.
Muling nilingon ni Dante si Mike. "Ano na ang sabi ng tracker mo?"
Sinilip uli ni Mike ang tracking device nito. "Wala na ang indicator niya rito, boss. Mukhang nagpatay na uli siya ng cellphone."
"Pasukin na ba natin ito?" aniya habang naghahanap ng mapapasukan nila sa loob ng building.
"Siguro paunahin na muna natin ang mga police, boss. Ipagkatiwala na muna natin sa kanila ang operasyon. Saka na lang tayo bumack-up kapag nagkaroon ng problema."
"Sige." Sinunod niya ang mungkahi ni Mike.
Naghintay na nga lang muna sila roon habang kasalukuyang pinapasok ng mga pulis ang naturang building.
Ngunit ilang sandali lang, bigla silang nakarinig ng malakas na pagsabog. Sa sobrang lakas, pati ang motor na sinasakyan nila ay natumba. Pareho pa silang nasubsob ni Mike sa lupa.
Pag-angat nila ng paningin, nilalamon na ng apoy ang buong building! Pati sina Maverick ay napalabas sa kanilang sasakyan.
"Ayos lang ba kayo?" Saka sila nito tinulungang makatayo.
Agad pinagpag ni Dante ang kumapit na dumi sa kanyang jacket. "Okay lang kami, coach. Ano'ng nangyare?"
"Puntahan natin!" anito at naunang tumakbo patungo sa harap ng building.
Muli namang dumikit sa kanya ang tatlong barkada. "Pare, ano ba 'tong pinasok natin? Akala ko naman parang street fight lang ang magaganap. Hindi mo naman sinabi na may pasabog palang ganito ang kalaban! Ano'ng laban natin do'n?" sabi sa kanya ni Enrique.
BINABASA MO ANG
Dante Must Die
AcciónAfter becoming the grand champion in a death match, an MMA fighter returned to his birthplace to take a revenge against the powerful fraternity who killed his father. Can he beat them all?