Chapter 1: Underground Fight

200 18 2
                                    

Warning: This story contains violent scenes and vulgar languages that are not suitable for some audiences. Read at your own risk and parental guidance is advised.


HABANG nagsasalita ang announcer, yumayanig naman ang loob ng parking lot sa lakas ng mga sigawan sa paligid. Nasa huling bahagi na sila ng main card. Dalawang fighter na lang ang maghaharap para sa championship match ng Deathsport MMA.

Isa itong underground fighting tournament na nakatago sa isang lugar sa Davao City. Lahat ng pinakamatatapang na street fighters at underground martial artist ay dito naghaharap para ipakita kung sino sa kanila ang pinakamalakas.

Illegal ang operasyon ng Deathsport. Mga piling tao lang din ang maaaring makapanood dito. Binubuo sila ng mga high class people, businessmen, at politikong nagtatayaan kung sino sa tingin nila ang fighter na mananalo. Kapag panalo ang manok nila, malaki rin ang premyong makukuha.

Walang rules na sinusunod dito. Wala ring mga rounds o time limit. Matatapos lang ang laro kapag hindi na kayang lumaban ng isa o tuluyan nang nalagutan ng hininga. Literal na patayan ang nagaganap dito, at lahat ng MMA Organizations gaya ng UFC at One Championship ay magmumuka lamang pambata kapag ikinumpara sa Deathsport.

Sa ibang fighting tournament, maraming mga safety protocols na sinusunod ang management para sa kaligtasan ng mga fighters. Pero sa Deathsport, walang limitasyon ang mga kalahok. Malaya silang lumaban sa lahat ng paraang gusto nila para mapatumba ang kalaban, kahit buhay pa ang maging kapalit.

Dahil dito, ang Deathsport na ngayon ang nagiging basehan at sukatan ng tunay na lakas.

Isang Chinese syndicate ang nagpapatakbo rito at patagong nag-o-operate dito sa bansa. Walang alam ang gobyerno sa existence nito. Protektado kasi ito ng malalaking mga sindikato na hindi kayang labanan ng mga awtoridad.

Sa pagsisimula ng laban, tinawag na ang dalawang fighter na magtutuos sa gabing iyon. Bago pa makahakbang si Crisanto, naramdaman na niya ang paghawak ng kanyang Coach Maverick sa balikat niya.

"Crisanto, hindi biro ang taong makakalaban mo ngayon. Pero hindi mo rin kailangang isugal ang buhay mo. Kung sakaling hindi mo na kaya, mag-tap out ka na agad. Mas mahalaga sa akin ang buhay mo kaysa sa premyong makukuha natin dito."

Ngumiti lang siya rito at humawak sa braso nito. "Huwag kang mag-alala, coach. Ipapanalo ko 'to. Hindi kita ipapahiya. Magtiwala ka lang." Nakangiti niyang tinalikuran ito at nagsimula nang maglakad patungo sa gitnang bahagi ng parking lot kung saan naghihintay na sa kanya ang taong makakalaban niya.

Nagkainitan agad ang kanilang mga mata pagkalapit nila sa isa't isa.

Hinubad ni Crisanto Rugon ang suot na black hoodie na kumokober sa kalahati ng mukha niya. Ngumisi naman sa kanya si Rohaan Ahmad na nanlilisik ang mga mata at puno ng burda ang katawan.

"Puwede ka pang umatras kung gusto mo. Habang may natitira pa akong awa. Dahil kapag nagsimula na ang laban, hindi ko na alam kung ano ang puwede kong magawa sa 'yo. Kaya habang nasa kondisyon pa ako, pagbibigyan na kitang umatras!" banta sa kanya ni Rohaan habang pinatatalbog ang dibdib.

Tinapunan lang niya ito ng malamig na titig. "Wala sa diksyunaryo ko ang umatras, Rohaan. Nandito ako para talunin ka. Kaya huwag ka nang maging mabait sa akin. Ilabas mo lang lahat ng sungay mo. Hindi ako natatakot sa 'yo," kalmadong sagot niya rito.

"Ah, kung ganyan lang din ang usapan, magsimula ka nang magpaalam sa lahat ng kaibigan mo. Heto na ang huling gabi na masisilayan ka nila rito, Crisanto. Ikaw na ang susunod kong ipapalagay sa balat ko!" banta uli nito sabay flex sa mga tattoo sa harap ng katawan kung saan nakaukit ang mukha ng mga namatay na fighter na pinataob nito.

Dante Must DieTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon