Chapter 16: The Hazing

98 13 1
                                    

MGA BANDANG alas-nuebe na nakabalik si Dante sa kanyang silid. Naabutan niyang mahimbing na uli ang tulog ng babae kaya hindi na niya ito ginambala pa. Marahan niyang isinara ang pinto at doon na lang humiga sa sofa ng office niya.

Habang nakatanaw sa kalangitan na puno ng mga bituin ay napapangiti siya tuwing inaalala ang pag-uusap nila ng babae kanina. Ngayon lang siya nakaramdam ng ganito kagaan na pakiramdam sa isang babae. Dahil sa nangyari dito kanina, lalo tuloy siyang na-curious kung ano ang pinagdadaanan nito. Parang gusto niya itong tulungan pero nahihiya lang siyang mangulit dito. Ayaw naman niyang puwersahin ang babae kung hindi talaga nito kayang sabihin ang problema nito.

Pero iisa lang ang alam niya. Parang hindi pa siya handang umalis ito bukas. Gusto niyang magkausap pa sana sila nang mas mahaba, hanggang sa masabi rin nito sa kanya ang lahat ng problema nito. Ngunit mangyari naman kaya ang iniisip niya?

Napabuntong-hininga na lang siya. Sana talaga ay huwag muna itong umalis bukas para magkaroon pa sila ng mahabang oras na makilala ang isa't isa.

Kinabukasan paggising niya, agad siyang naghanda para sa initiation niya. Maaga ang schedule na ibinigay sa kanya dahil siya raw ang una sa listahan. Si MG Cerino mismo ang nag-utos na siya ang unahin sa mga neophytes na kasabayan niya ngayon.

Sinilip niya ang babae sa kanyang silid. Mahimbing pa rin ang tulog nito kaya agad din niyang isinara ang pinto nito. Pinuntahan niya si Don Frido sa baba at pinagbilin na ipagdala agad ng pagkain ang babae pagkagising nito mamaya.

Tinanguan naman siya ni Don Frido. "Do you have a class for today? Sabado ngayon, ah."

"May pupuntahan lang po," matipid na sagot niya at hindi na nag-abalang sabihin ang tunay na lakad niya.

Hindi na niya dinala ang motor sa pagpunta sa naturang venue. Hindi rin kasi siya sigurado kung magagamit pa niya iyon mamayang pag-uwi niya.

Iyon ang araw na mararanasan niya ang hazing kaya magkahalong kaba at pagkasabik ang nararamdaman niya. This is the final step to be able to get into the brotherhood. Handa na siya physically and mentally sa matinding torture na dadanasin niya.

NAPAMULAGAT si Dante nang tawagin na ang pangalan niya. Tumayo siya sa lumang silya na kinauupuan at tahimik na pumasok sa madilim na silid kung saan gaganapin ang initiation sa kanya.

Agad niyang naramdaman ang paglabas ng pawis sa kanyang katawan dahil sa napakainit na temperatura sa loob. Bukod sa walang bentilador o bukas na bintana para mapasukan ng hangin, punong-puno rin ng mga miyembro ang buong paligid na nakapalibot sa kabuuan ng silid na lalong nagpadagdag sa init.

Present lahat sa silid na iyon ang buong officers ng Kappa Delta Upsilon, mula sa Grand Founder, President, Supreme, GT, at maging sa mga Adviser, Alumni, hanggang sa pinakamababang posisyon.

Nagulat pa siya nang makarinig ng mabangis na ungol sa kung saan. Nang lingunin niya ang pinanggalingan niyon, tumambad sa kanya ang malaking tigre na nasa paanan ni MG Cerino. Hinihipo-hipo pa ng matanda ang ulo nito habang titig na titig naman sa kanya ang nagbabagang mata ng tigre na parang naninibago sa hitsura niya.

Pagkatapos niyang dumaan sa munting orientation, nilapitan na siya ng unang lalaki na magbibigay ng palo sa kanya at inutusan siyang maghubad ng damit.

Hinubad niya ang suot na t-shirt at jogging pants hanggang sa matira na lang ang pulang boxer shorts na panloob niya. Narinig pa niya ang umugong na bulungan ng mga ito tungkol sa kanyang katawan.

"Uy, ganda ng katawan, oh!"

"Oo nga. Machong-macho! Tinalo pa si Boss Logan!"

"Pati 'yung hugis ng hita, oh. Malaman! Parang magiging sisiw lang dito ang paddle, ah!"

Dante Must DieTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon